DIRECTOR: Theodore Boborol LEAD CAST: Julia Barretto, Joshua Garcia,
Ronnie Alonte, Maris Racal SCREENWRITER:
Daisy G. Cayanan, Kim R. Noromor, Anjanette M. Haw PRODUCER:
ABS CBN Film Productions GENRE: Romantic-Comedy CINEMATOGRAPHER: Gary Gardoce
DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION:
Philippines RUNNING TIME: 1 hour, 56 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V13
Si
Vince (Joshua Garcia) ay may matinding crush
kay Kath (Julia Barreto) na kanyang kaklase ngunit dahil sa mababa nitong self-esteem, idadaan na lang muna niya
sa kanyang blog ang kanyang
nararamdaman. Sa blog na ito ay
follower si Kath. Asar si Kath kay Vince sapagka’t lagi siya nitong binubuska. Matindi
naman ang crush ni Kath sa varsity player na si James (Ronnie
Alonte) na lingid sa kanyang kaalaman ay pinsan at kababata ni Vince. Malaki
ang utang na loob ni Vince sa pamilya ni James sapagka’t sila na ang kumukop at
nagpaaral dito buhat nang ito’y mag-high
school at halos talikuran ng kanyang ina sa dahilang siya ay anak sa
pagkakasala. Halos magkapatid na ang turingan nina Vince at James. Sapagkat
nagiging kilala na rin sa campus si
Kath sa pagiging Ms. Engineering, natipuhan din ito ni James. Aminadong torpe
si James kaya’t hihilingin niya kay Vince na ito ang manligaw kay Kath sa
pamamagitan ng pagse-send ng mga anonymous text messages. Labag man sa
kanyang kalooban, mapapa-oo si Vince. Mahuhulog ang loob ni Kath kay James gawa
ng mga texts ni Vince na paniwala
niya ay galing kay James. Papayag itong makipagkita at magkakakilala sila ni
James at magkakamabutihan hanggang maging silang dalawa na. Ngunit paano na
kaya si Vince? Wala na kaya siyang pag-asa na makatuluyan si Kath?
Hindi
na bago ang kuwento ng Vince & Kath
& James ngunit hindi maitatanggi na nagawa nitong bigyan ng bagong
bihis ang tila gasgas nang tema sa mga romcom.
Updated at makabago ang naging
pamamaraan ng pelikula sa pagtalakay ng mga concerns
ng kabataan sa kasalukuyang panahon na kung tawagin ay mga millennials . Nariyan ang blogging
at social media na talaga namang
malaki ang impluwensiya sa mga kabataan. Maging ang pinaghanguan ng kuwento ng
pelikula na Vince & Kath ay isang social
serye. Kaya’t kung tutuusin ay talagang hindi orihinal ang kuwento. Subalit
sadyang may matinding charm ang
pelikula na dulot marahil ng maayos na pagkakadirehe at mahusay na pagganap ng
mga aktor. Napakahusay ni Garcia sa pelikulang ito at angkop na angkop sa kanya
ang katauhan ni Vince. Mahuhusay rin sina Barretto at Alonte. Bihira sa isang
pelikula ang makakaya kang sabay na patawanin, pakiligin, paiyakin at paisipin—ngunit
nagawa ito ng Vince & Kath &
James.
Makabuluhan
ang mga inihain na saloobin ng Vince
& Kath & James ukol sa mga millennials—ang
kanilang mga damdamin at kung paano nila pinahahalagahan ang relasyon sa gitna
ng pag-usbong ng teknolohiya. Ipinakita sa pelikula na bagama’t ang mga millennials ay nai-in-love sa pamamagitan ng text
at impluwensiya ng social media,
hindi pa rin nito isinasa-isang tabi ang kahalagahan ng personal ng pagkikilala
at sinseridad ng pagkatao. Ang tunay na relasyon ay hindi pa rin maaring mag-survive ng pa-text-text lang kundi kailangan pa rin ang mainit na presensiya,
atensiyon at panahon. Nagbalat-kayo man si Vince sa simula, ito ay
katanggap-tanggap sa kinasadlakan niyang sitwasyon. Mababa ang kanyang self-esteem dahil sa kanyang nakaraan at
karanasan. Ngunit kahanga-hanga ang kanyang positibong pananaw sa buhay—isang
magandang halimbawa ito sa mga millennials
na madalas ay emo (emotional) at suicidal
ang peg sa buhay na akala mo’y
pasan na ang daigdig. Ano mang bagong teknolohiya pa ang umusbong, sinasabi ng
pelikula na maraming bagay pa rin ang hindi magbabago sa paglipas ng panahon—ang
kahalagahan ng relasyon, pagiging tapat, pagmamahal at pamilya ay mananatili.
At mayroon ding matututunan sa mga millennials
na ito—ang pagiging matapang sa pagsasabi ng saloobin at ang mabilis nilang
pagpapatawad at pag-move-on sa buhay.
Mga bagay na sadyang mahirap gawin ng kanilang mga lolo’t lola na laging
nakaabang sa sasabihin ng kapitbahay, panay ang pagkapit sa mga gawi “noong araw” at nagging gawi na rin ang
pagtatanim ng sama ng loob. Dahil usaping crushes,
lovelife at family life ang pelikula, nararapat pa ring gabayan ng mga mga
magulang ang kanilang mga anak 13 taon pababa sa panonood nito.