DIRECTOR:
Erik Matti LEAD CAST: Rhed Bustamante,
Ronnie Alonte, Neil Ryan Sese, Phoebe Walker
SCREENWRITER: Anton Santamaria PRODUCERS:
Erik Matti, Ronald 'Dondon' Monteverde MUSIC
BY: Francis De Veyra FILM EDITOR: Jay
Halili GENRE: Horror DIRECTOR OF PHOTOGRAPHY: Neil Derrick
Bion PRODUCTION DESIGNER: Ericson
Navarro PRODUCTON COMPANY: Reality Entertainment
COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Tagalog RUNNING TIME: 1 hour & 28 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14
Taong
1947, sa kaligitnaan ng ikalawang digmaang pandaigidig at kapanahunan ng
pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas, ipinakita ang isang rituwal na kailangang
pagdaanan ng isang deakonong Katoliko bago siya ordinahan bilang pari—ang
Seklusyon. Pitong araw silang ipapadala sa isang liblib na lugar at kabahayan
upang doon subukin sila at patatagin sa gitna ng hamon ng mga demonyo. Si
Miguel (Ron Alonte) ay magdadaan sa rituwal na ito. Habang sa isang
kalapit-baryo naman ay may sinasamba ng marami, si Anghela (Rhed Bustamante)—isang batang
nagpapagaling ng mga may karamdaman. Naniniwala ang mga tao na ang kanyang
kakayahang gumawa ng himala ay galing sa Diyos lalo pa’t kasama niya sa kanyang gawain ang isang madre sa katauahan
ni Madre Cecilia (Phoebe Walker). Habang si Padre Ricardo (Neil Ryan Sese)
naman ay ipinadala sa lugar upang imbestigahan kung si Anghela nga ba talaga ay
karapat-dapat na ituring na isang buhay na santa. Isang trahedya sa pamilya ni
Anghela ang magtutulak sa kanilang dalawa ni Madre Cecilia na mamalagi sa
bahay-seklusyon. Dito lalong masusubok ang katatagan ni Miguel ng kanyang mga
kasamang deakono. Mapagtatagumpayan kaya nila ang napipintong panganib kasabay
ng pakikipaglaban nila sa kani-kaniyang pang-personal na demonyo ng kanilang
nakaraan at kasalukuyan? Sinasabing maraming hindi nakakayanan at natatagalan
ang seklusyon. Kabilang kaya sila sa susuko?
Kung
pag-uusapan ang sining ng pelikula, isang matagumpay na obra ang Seklusyon. Nagawa nitong ilahok ang
lahat ng kapuri-puring sining at talento sa isang pelikula. Napakahusay ng
pagkakatagni-tagni ng kuwento at mga tauhan. Ang disenyo ng produksiyon ay
tunay na kahanga-hanga. Tagumpay ito sa paglikha ng nakakapanindig-balahibo at
nakakatakot na kapaligiran. Maayos ang daloy ng kuwento, mahuhusay ang mga
aktor na nagsiganap at talagang akma ang kanilang mga karakter sa kanilang
kakayanan bilang mga artista. At higit sa pagiging katatakutan, may lalim na
nais ipahiwatig ang pelikula. Hindi lang nito basta tinatakot ang manonood, bagkus
pinagsusuri at pinag-iisip niya ito, bagay na bihira mo nang maranasan sa isang
pelikula lalo pa’t kung pananakot lamang ang layunin nito. Sa kabuuan ay
masasabing sulit na panoorin ang Seklusyon
bagama’t pihadong mag-iiwan ito ng isang malaking debate tungkol sa pananampalatayang
Katolika.
Sa
simula’y tila lantaran ang pambabatikos ng pelikula sa Simbahan—mula sa
sakramentong hindi akma ang paggamit at pagtanggap, hanggang sa mga kilalang
sagradong imahen na pinalalabas na
pinamamahayan ng mga demonyo. Pero bilang isang kathang-isip, dapat suriing
mabuti ang kabuuan ng pelikula at kuwento upang mapagtanto kung may layon nga
bang gawing sakrilehiyo at wasakin ng pelikula ang institusyon ng Simbahang
Katolika sampu ng pananampalataya at debosyon ng karamihan sa kasapi nito. Ang
kabuuang tema ng pelikula ay umiikot sa ideya na ang mga sagradong lugar,
imahen, konsepto, idolohiya at institusyon ay maari ring mapamugaran at pamahayan
ng mga demonyo. Mapapaisip ang manonood na maaaring paraan din ng demonyo na
sakupin ang sanlibutan sa pamamagitan ng paghahasik ng kasamaan sa loob ng Simbahan.
Maaring may punto—marami nga namang ipokrito sa simbahan at nagkalat din ang
mga banal na aso at santong kabayo. Nariyan din ang mapanuksong paraan ng
demonyo na nagsasabing walang gawang masama—ang lahat ay “nauunawaan ng Diyos”.
Nariyan din ang mga huwad na propetang mag-aanyong santo at papalabasin na ang
ginagawa nila ay milagro ngunit ang kapangyarihan pala nila ay galing sa demonyo.
Sadyang
napakahirap maging isang Katoliko—tampulan ng batikos, tudlaan pa ng tukso.
Marahil sinasabi ng pelikula na panahon na upang suriin ang ating
pananampalataya at maging mapanuri kung ano ang tunay na gawang mabuti at
masama. Lalo’t higit na nararapat paglabanan ay ang mga demonyo sa kalooban ng
bawat isa—mga lihim na kasalanan—ang pagiging makasarili at gamahan; ang
pagtakas sa pananagutan; ang pagbabalat-kayo, at hindi pagpapatawad.
-->
Sa bandang
dulo ng kwento ay tila nagtagumpay ang demonyo—ngunit hindi. Sinasabi lamang ng
pelikula na patuloy pa rin ito kaya dapat na maging mapag-matyag tayo. Marahil,
sadyang nakababahala lang ang paggamit sa mga sagradong imahe bilang simbolo ng
katatakutan, at labis na nakababahala rin na tila sa gitna ng lakas ng demonyo,
ay hindi ito natapatan ng kapangyarihan ng kabutihan. Pero maaring panggising
din ito sa ating kamalayan bilang mga Katoliko—na ang demonyo ay nananatili sa
ating paligid at darating ang panahon na sila’y magtatagumpay kung wala tayong
gagawin, kung magkikibit-balikat na lamang tayo, at hahayaan na mamayani ang
kasamaan. Kung mananatili tayong mangmang sa ating pananampalataya at
magpapatuloy sa mala-paganong mga gawain, binibigyan natin ng pagkakataon ang
demonyo na tayo ay sakupin--isang tunay na nakaambang panganib sa ngayon kung saan ang lipunan ay hindi na marunong kumilala ng tama at mali. Ang Seklusyon
ay inilugar sa panahon ng digmaan—marahil nais nitong sabihin na ang digmaan ng
kasamaan at kabutihan ay hindi pa rin natatapos magpahanggang sa kasalukuyan. May
bigat at lalim ang mga tema na ito kaya’t nararapat lamang ang pelikula sa mga
manonood na edad 14 pataas. At kahit sa
anong gulang ng manonood, makikinabang sila sa wastong paliwanag mula sa mga
hinog na isipan.