DIRECTOR: BABY NEBRIDA LEAD CAST: MATTEO GUIDICELLI, ALEX
GODINEZ, CHRISTOPHER DE LEON, SANDY ANDOLONG, GABBY CONCEPCION, DINA BONNEVIE SCREENWRITER:
BABY NEBRIDA PRODUCER: BABY NEBRIDA LINE PRODUCER: CHRISTINA NEBRIDA EXECUTIVE PRODUCERS: ANA CLEMENA, AMADO
TAN GENRE: ACTION, DRAMA MUSIC: VON DE GUZMAN CINEMATOGRAPHER:
TOPEL LEE PRODUCTION DESIGNER: ERWIN SANCHEZ
PRODUCTION COMPANY: GOLD BARN
MEDIA INTERNATIONAL DISTRIBUTOR: SILVER LINE MULTIMEDIA LOCATIONS:
Tawi Tawi, Simunul Island, Tanay, Clark, Subic, Zambales RUNNING TIME: 130 MINUTES
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 3.5
CINEMA rating:
V14
MTRCB rating: PG13
Ang unang madramang
eksena sa Across the Crescent Moon
ay ang pagtatalo ng mag-inang Emma (Alex Godinez) at Mita (Dina Bonnevie). Labis ang pagtutol ng mag-asawang Garcia,
sila Mita at Johnny (Gabby Concepcion), mga saradong Katoliko, sa pag-iibigan
ng anak nilang si Emma at ng Muslim na si Abbas Misani (Matteo Guidicelli),
ngunit hindi mapipigilan nito ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Sa Mindanao, manunuluyan si Emma at Abbas sa
tahanan ng mga Misani kung saan si Emma ay pakikitunguhang mabuti ng mga magulang
ni Abbas, sila Karim (Christopher de Leon) at Sitti (Sandy Andolong). Darating ang puntong ipapakiusap ni Emma kay
Abbas na lisanin nila ang magulong Mindanao at manirahan muna sila sa Maynila
habang nagbubuntis siya. Si Abbas ay
isang matinik na sundalo ng Special
Action Forces (SAF) na nakatalaga sa pagpuksa ng drug at human trafficking
sa Mindanao, ngunit papalarin siyang bigyan ng bagong assignment sa Luzon. Sa
kasabikang makapiling muli ang pamilya, kalaunan ay sisikaping dumalaw ni Emma
sa bahay nila ngunit sasalubungin lamang siya ng malupit na pagtatakwil sa
kanya ng ina. Sa kabila ng maselang
kalagayang pagdadalantao ni Emma ay hindi matitinag ang puso ng ina na mahabag man
lamang sa anak. Hanggang kailan magdurusa
si Emma?
Kakatwang
magkabilang-dulo ang reaksiyon ng mga kritiko sa Across the Crescent Moon.
Mayroong pumupuri dito nang lubusan, at nagsasabing dapat itong panoorin
ng bawat Pilipino; at mayroon din namang wala nang pinuna kundi ang sa tingin
nila’y mga nagdudumilat na pagkukulang ng pelikula—mula anggulo ng kamera
hanggang sa daloy ng istorya. May
nagsasabing sayang lamang ang iyong panahon at salapi kung papanoorin mo ang Across the Crescent Moon pagkat ito na
yata ang “worst movie of all time”, ngunit may nagpapayo din na malaki ang
mawawala sa iyo kapag hindi mo pinanood ito pagkat ito’y “special”—isang
natatanging pelikula na buong-loob na tumatalakay at nagsasalarawan sa mga
bagay na diumano’y hindi kailanman nagawa noon sa kasaysayan ng pelikulang
Pilipino. At mayroon din naman naggigiit
na ang pelikula’y isang propaganda lamang ng administrasyong Duterte. Iba’t ibang tao, iba’t ibang pananaw.
Madaling unawain
ang pagkakalayo ng pananaw ng mga kritiko tungkol sa Across the Crescent Moon, at maaaring nagpapahiwatig na rin ito tungkol
sa kinabukasan ng pelikula sa takilya.
Tulad ng karaniwang manonood, maraming kritiko ang naghahanap lamang na
maaliw at mamangha sa husay ng pagkakagawa ng isang pelikula, hanggang sa
puntong kaligtaan na nilang siyasatin ang “sustansiya” na inihahain nito, o ang
hangaring nagluwal dito. Hindi
nakakaaliw ang tema ng Across the Crescent
Moon, at ang kamangha-mangha dito ay ang katotohanang nabuo ito, narito na,
isa nang pelikula dahil sa mga taong nagtaya ng talino, yaman, at pananalig sa
pagnanais na makatulong sa pagsulong ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Sa isang interview ay napag-alaman ng CINEMA na
layunin ng direktor na si Baby Nebrida na pakitirin ang agwat sa pagitan ng mga
Kristiyano at Muslim sa pamamagitan ng pagtatampok sa tamang kaalaman, kaya’t
minabuti niyang isalarawan ang kabutihang napapaloob sa isang pamilyang Muslim
sa pelikulang ito. Sa inspirasyon niyang
ito, naakit ni Nebrida ang mga batikang artista na gumanap kasama ng mga “bagito”
sa pelikula, at ang husay na ipinakita ng lahat sa pagganap ay nag-ugat hindi
sa “acting technique” lamang kungdi sa paniniwalang may mithiin silang tunay na
makabuluhan sa kanilang sining. Sa press conference na dinaluhan ng CINEMA, inamin din ng mga artista na sa
kanilang pag-aaral sa kani-kaniyang mga papel, at sa pakikihalubilo nila sa mga
Muslim sa shooting sa Mindanao, namulat din ang mga mata ng cast (na pawang mga Kristiyano) sa
kagandahan ng kaugalian at buhay-panalangin ng mga Muslim. Sa gayon, hindi “trabaho lang” ang pagiging bahagi
nila sa Across the Crescent Moon;
isa rin itong “learning moment” na nagpalawak sa kanilang pananaw tungkol sa “naiibang
kultura,” at nagpaigting sa kanilang performance.
Resulta: anumang kahinaang mayroon sa
aspetong teknikal ang Across the Crescent
Moon ay madali nang “palampasin”, gawa ng taos-pusong pagganap ng mga
artista sa kani-kaniyang mga papel.
Ang papel ni
Bonnevie—si Mita, makitid ang isip, kampante sa kalagayan niya sa lipunan, may
mabuting hangarin ngunit salat sa tunay na pang-unawa sa anak o sa kapwa—ang
matatawag na “puso ng pelikula” pagka’t dito nasasalamin ang pagbabagong
kailangang pagdaanan ng mga Pilipino tungo sa ikabubuti ng ugnayan sa pagitan
ng mga Muslim at ninumang Pilipino na wala o may baluktot na kaalaman tungkol
sa relihiyong Islam.
Hindi ipagtataka
ng CINEMA kung hindi man “papatok” sa masa ang Across the Crescent Moon, pagkat batay na rin sa mga pag-aaral na
isinasagawa ng industriya, ang karaniwang Pilipinong manonood ay pumapasok sa sinehan
para matawa, makiliti, o mangilabot, at hindi upang magmuni-muni tungkol sa kinabukasan ng bansang
Pilipinas. Maaaring hindi humakot ng
milyon-milyong piso sa takilya ang Across
the Crescent Moon ngunit sa ganang CINEMA, milyon-milyong mga sugatang puso
sa bansa ang mapaghihilom ng malalim na pag-unawa sa mabuting balitang hatid ng
pelikula.
Ang unang araw ng
pagpapalabas ng Across the Crescent Moon
ay nataon sa Enero 25, ang ikalawang anibersaryo ng tinaguriang “Mamasapano
Massacre” na ikinasawi ng 44 na kawal ng SAF.
Ang pagkakasama ng mga tunay na sundalo ng SAF sa pelikula ay
nagpatingkad sa pagka-makatotohanan nito, bagay na ikalulugod marahil ng marami
pang mga kawal na makakapanood ng Across
the Crescent Moon sa nababalitang nalalapit na pagpapalabas nito sa mga
kampo ng sundalo.
Ang ubod ng pelikula
ay ang pag-iibigan ng dalawang taong may magkaibang pinanggagalingan, at ang pag-asa
ng pagkakaisang dala ng pagkakaunawaan.
Kung dito itutuon ang pansin ng manonood, hindi tatanawing “propaganda”
ang pelikula, pagkat lalabas na “bit player” lamang si Digong at si Bato rito—hindi
mga bayaning aakay sa bayan tungo sa kaluwalhatian. Makabubuti ring ipalabas at talakayin ang pelikula
sa mga paaralan sa malalaking lungsod bilang pangmulat sa diwa ng mga kabataang
nanganganib nang malulong sa kababawang naghahari sa ating mga palabas, sa
sinehan man, sa telebisyon, o sa internet.