Direction: Marlon Rivera; Lead cast: Eugene Domingo, Kean Cipriano, Cai Cortez, Joel Torre, Jericho Rosales, Agot Isidro; Story/Screenplay: Chris Martinez, Marlon Rivera; Editing : Marya Ignacio; Cinematography: Lee Briones; Producer:Chris Martinez, Marlon Rivera; Music: Von de Guzman; Location: Metro Manila, Baguio; Genre: Comedy/Satire; Distributor: Quantum Films
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
Pagkatapos ng limang taon at ang award-winning na pelikulang "Walang-wala", muling magkikita at maaring magsama sa isang pelikula sina Direk Rainer (Cipriano) at Eugene Domingo (Domingo) sa isa na namang pelikula na pinamagatang "The Intinerary". Ang dating tahimik na si Jocelyn (Cortez) ay madaldal na Line Producer. Ang kwentong "The Itinerary" ay hango sa kasalukuyang pinadaraanang problema ni Rainer at ng kanyang asawa at dapat sanang paraan niya upang maayos ang gusot sa kanilang relasyon. Kaya naman puspsan ang bagbantay ng direktor na hindi malihis ang kwento. Pero sa isip ni Domingo, sapat na ang inaning tagumpay at parangal ng isang indie film at panahon na para gumawa sila ng pelikulang kikita sa takilya sa paraang kabisado at hinahanap ng mga manunuod.
Mahirap iwasang hindi ihambing ang pelikulang ito sa naunang Ang Babae sa Septic Tank kaya naman medyo malata at kapos sa talim ang mga patama ng mga eksena. Kung ang una ay patutsada sa makasariling ambisyon ng mga Indie filmmakers, ngayon naman ay pambabatikos sa mga nauusong romcom (romantic comedy) na kabisadong-kabisado na ang mga sangkap na papatok sa takilya. Andun pa rin naman ang mga “quotable quotes” at "hugot lines", pero masyado nakasalalay ang pelikula kay Domingo at sa script na halos hindi mo na maaninag ang pananaw ng direktor. At dahil sumasapaw ang presensya ni Domingo sa mga eksena, hindi na rin maramdaman ang pinagdaraanang kirot ni Rainer na dapat sanang gigising sa kamalayan ng mga tao na may katotohanan palang nais iparating sa likod ng komedya. Sa kabuuan, nakakaaliw pa rin ang pagganap ni Domingo at sakto naman ang mga hirit ni Cortez at Torre. Sulit naman ang panunuod kung hindi mo gagawing batayan ang talino sa pagkakagawa ng naunang pelikula.
Ang pelikulang Ang Babae sa Septic Tank 2: Forever is Not Enough ay hindi tungkol sa relasyon nina Rainer at ng kanyang asawa o ang pagbabalik pelikula ni Domingo. Ito ay isang pagbatikos sa kababawan ng mga manunuod na patuloy na tumatangkilik sa mga naka pormulang palabas para lamang matawa, kiligin at magbayad ng P250 sa panandaliang pagtakas sa lupit ng buhay. Wika nga ni Domingo, bakit gagastos ang tao para lang manuod ng paghihirap at lungkot. Pero sa kabilang dako naman, kailangang bang isakripisyo ang sining at malikhaing pagpapahayag para lamang kumita sa takilya? Ang magandang tanong ng CINEMA, para kanino ang paggawa ng isang pelikula? Para sa mga manunuod na gustong takasan ang katotohanan at mabuhay sa pantasya sa loob ng dalawang oras? Kung ganon ay dapat nga sigurong maging mala-rosas ang pananaw para naman may pagtakas sa mundo—matalino man ito o mababaw. O para ba ito sa pagpapahayag at paglikha ng obra? Kung gayon ay nasa kamay ng direktor kung ano at papaano ipalalabas ang nasa isip niya—maintindihan man ito ng tao o hindi. Kaya lang ang pelikula sa ngayon ay para sa mga namumuhunan. Kailangang tumabo sa takilya. Kailangang pilahan at kumita. At dahil sa ganitong pananaw, walang usapan ng sining o damdamin.
Kung magiging masusi ang mga nanonood ng Septic Tank 2 ay dapat silang lumabas sa sinehan ng nakatungo dahil isa itong pagsampal sa nagiging kultura nila bilang manunuod, at mangako sa sarili na sa susunod at pipiliin na nila ang mga tatangkiliking palabas.