DIRECTOR: Alvin Yapan LEAD CAST: Irma Adlawan, Joem Bascon, Mercedes Cabral SCREENWRITER: Alvin Yapan EXECUTIVE PRODUCER: Feliz Guerrero, Mark Sandii Bacolod PRODUCER: Wimpy Fuentebella GENRE: Sociopolitical drama DISTRIBUTOR: Feliz Film Productions LOCATION: Caramoan, Camarines Sur RUNNING TIME: 110 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14Hindi lahat ng kumikinang ay ginto—sa Oro, ang obrang pambato ni Alvin Yapan sa MMFF 2016—"dugo ang kulay ng ginto". Ang Oro ay isang malikhain at makatotohanang pagsasadula ng “Gata 4 Massacre” na naganap noong 2014 sa isang isla ng Caramoan, Camarines Sur. Ilampung taon nang pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-Gata, pero kapag mahina ang huli, nagkakabod (gold panning) sila. Sa Oro, kahit na lugmok sa kahirapan, tahimik at payapa ang buhay nila sa pamumuno ni Kapitana (Irma Adlawan) at ng kanyang kanang kamay na si Elmer (Joem Bascon). Bigla na lang silang bubulabugin ng mga armadong lalaki na kasama sa tinatawag na Patrol Kalikasan (Environmental Patrol). Pagbabawalan silang magkabod dahil diumano’y nakasisira sila ng kalikasan at waa silang maipakitang permit, subalit di maglalaon, ang mga patrol mismo ang magkakabod at magpapatuloy ng operasyion ng ball mill. Sisikapin ni Kapitanang kumuha ng permit, habang ang ilan sa mga taga-Gata, dahil sa pangangailangang buhayin ang pamilya, ay mapipilitang magtrabaho sa ilalim ng kapangyarihan ng mga patrol. Pagkatapos ng apat na buwan, makakamtan ni Kapitana ang permit mula sa DENR, nguni’t hindi ito pahahalagahan ng lider ng patrol. Lilisanin ng patrol ang isla nang may bantang magbabalik upang gumanti. Isang gabi, nag-iinuman ang mga minero pagkatapos ng isang nakakapagod na araw sa pagkakabod, lulusob ang mga armadong patrol at walang-awang pagbababarilin sila ng mga ito.
Simple at natural ang pagganap ni Adlawan bilang Kapitana.
Kapani-paniwala din si Bascon bilang Elmer at si Cabral bilang kasintahan nito.
Sa katunayan, nagtagumpay ang buong cast
na ipakita ang buhay at pamayanan ng Gata, Caramoan, pati na ang dynamics at interaction ng bawat isa. Nakatulong nang malaki ang pagsama ng mga
mamamayan ng Gata sa mga nagsiganap upang maging higit na makatotohanan ang
pelikula. Sadyang hindi rin ipinakita ni Yapan ang kariktan ng Caramoan upang
mabigyan ng higit na pansin ng manonood ang kahirapan ng mga naninirahan doon,
ang paniniil ng mga makapangyarihan, ang hindi pagpansin sa kanilang pagdurusa,
at ang mahabang proseso ng pagmimina ng ginto. Payak ang storyline at ang dialogue,
walang “hugot lines” at melodrama ngunit puno ng simbolismo: ang timbang ng
ginto, ang mga aso, ang kwento ng mga mangingisda, ang apoy, etc., na humahamon
sa manonood na mag-isip at manindigan.
Hanggang ngayon ay
hindi pa nabibigyan ng katarungan ang apat na minerong pinaslang sa Gata noong
Marso 22, 2014. Buong tapang na binigyan sila ni Yapan ng pagkakataong
makapagsalita sa pelikulang ito sa pagkukwento ng kanilang naudlot na buhay at gumuhong
mga pangarap. Ipinapakita ng Oro ang
payapang pamumuhay ng mga dukha na puno ng pagmamalasakit, pangangalaga at
pagdamay sa isa’t isa. Tulad ng pangingisda sa dagat, ang pagmimina ng ginto ay
hanapbuhay para sa pang-araw-araw na pangangailangan. Walang nagmamay-ari ng
minahan kundi ang buong bayan, ang barangay. Dahil sa kasakiman hindi lang sa
kayamanan kundi pati na rin sa kapangyarihan at karahasan, ay dumaloy ang dugo
sa Gata. Patuloy na nagaganap ang pagtapak sa mga dukha sa ating panahon at
hinahamon tayo ng pelikula na harapin ang ating pagka-makasarili, pagpapabaya,
at pagwawalang-bahala. Umiigting sa galit ang Oro at tinatanong tayo nito: Ano ang tama at mali? Alin ang mas
mahalaga sa batas, ang pangalagaan ang kalikasan o ang karapatan ng tao? Ano
ang katarungan? Para ba ito sa lahat, pati na ang mga dukha? Ano ang
kapangyarihan? Ito ba’y pag-aari ng may
mga baril lamang? Ano ang magagawa ko? Matindi ang mga temang tinatalakay sa
pelikulang ito lalu na’t napakaraming mga “hinihinalang suspek” ngayon ang
basta na lang binabaril o pinapatay. Marahas at madugo ang pagpaslang sa mga
minero ng Gata na hanggang sa ngayo’y nagpaparamdan at sumisigaw ng KATARUNGAN!
Mananatili ba tayong bingi?