Cast: Angel Locsin, Angelica Panganiban, Dingdong Dantes, Zanjoe Marudo, Miguel Vergara, Gina Pareno, Agot Isidro; Director: Ruel S. Bayani; Screenplay: Anna Karenina Ramos, Kriz Gazmen, Jay Fernando; Producer: Star Cinema; Running Time: 110 minutes; Genre: Drama; Location: Manila and Baguio, Philippines
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For viewers 18 years old
and above
Si Grace (Angel Locsin) ay isang dalagang ina na gagawin ang lahat
para sa ikakagaling ng nag-iisang anak na si Botchok (Miguel Vergara) na may
malubhang karamdaman sa dugo.
Isang paraan lamang ang maari pang magsalba sa buhay ng bata—bone marrow transplant, isang proseso na
mangangailangan ng tugmang donor na
kadalasa’y ama o kapatid lamang. Hindi
ito magiging madali dahil simula’t sapul ay wala nang ugnayan si Grace sa ama
ng kanyang anak, si Edward (Dingdong Dantes). Ngunit dahil ito na lamang ang paraan, hahanapin niya si
Edward, ibabalita niya ang tungkol sa kanilang anak at sa kalagayan nito at ang
tulong na kailangan niya sa ama tungo sa ikagagaling ng bata. Ngunit si Edward ay kasal na kay Jacq
(Angelica Panganiban), masaya silang nagsasama bagama’t wala silang anak. Papayag si Jacq na tulungan ang bata;
susubukan mag-anak ni Grace at ni Edward sa pamamagitan ng makabagong
teknolohiya (in vitro fertilization)
ngunit hindi ito magiging matagumpay. Isa na lamang ang natitirang paraan—si Grace at Edward ay
kailangang magtalik muli upang magkaroon ng anak. Paano ito mangyayari kung kasal si Edward at si Grace ay may
kasintahan din na si Tristan (Zanjoe Marudo)? Hanggang saan ang kaya nilang ibigay at subukan sa
ikagagaling ng isang bata at sa ngalan ng pagmamahal?
Mahusay ang pagkakatagni ng One
More Try sa kabuuan. Kuha nito
ang atensiyon ng mga manonood sa kakaiba at sanga-sangang kuwento na
naka-sentro sa matinding problema ng mga magulang na nagnanais sagipin mula sa
matinding karamdaman ang anak. Hindi
man masasabing orihinal ang kwento at halaw lamang sa isang pelikulang Tsino na
In Love We Trust ang One More Try, nagsubok pa rin itong
maghatid ng kuwentong aakma sa panlasa ng mga Pilipino. Sa kabila ng ilang katanungan tulad ng,
“Paano magiging solusyon ang pagkakaroon ng kapatid sa ikagagaling ng bata kung
ang isang sanggol ay hindi naman maaring isaalang-alang sa medical operation hanggang ito ay wala pang dalawang-taong gulang?
Paano rin naging sobra-sobra ang yaman nila Jacq kung sila ay mga empleyado
lamang, walang sariling negosyo at nanggaling sa hirap?” kapani-paniwala pa rin
naman ang kuwento sa kabuuan. Nailabas ng mga tauhan ang kani-kanilang husay sa
mapaghamong iskrip at malulutong na dayalogo. Maaring naging pawang teleserye
ang dating ng One More Try ngunit
nag-iwan pa rin ito ng tatak sa mga manonood hindi lamang dahil sa natatanging
kahusayang ipinamalas ditto, kundi pati na ang di-pangkaraniwang tema nito.
Matindi ang problemang moral na ibinato ng One More Try sa mga tauhan nito at maging sa mga manonood. Magiging katanggap-tanggap ba na ang
isang ina ay makikipagtalik sa asawa ng iba para iligtas ang buhay ng anak? Kapag ang lahat ng paraan ay nasubukan
na at tanging iyon na lamang ang solusyon, sapat bang dahilan ang nakatayang
buhay ng isang bata para isuko ng isang babae ang kanyang dignidad? Hanggang saan din magbibigay,
magpaparaya at magtitiis ang mga taong masasaktan alang-alang sa pagliligtas ng
isang buhay? Ito nga ba ay sukatan
ng pagmamahal o sukatan ng paninindigan o sukatan ng pananampalataya?
Nakababahalang tila pinaboran ng pelikula ang pagko-kompromiso ni
Grace sa kanyang moral para lamang iligtas ang kanyang anak. Hindi bale nang magkasala kung para sa
kapakanan ito ng naghihingalong anak samantalang binigyan din naman siya mga pagpipilian? Hindi ninanais ng CINEMA na husgahan ang
naging paninindigan ni Grace, ngunit malinaw ang nakasaad sa pagpapahalagang
moral: anumang maling gawain ay hindi maitatama ng layunin. Maaring maging
maunawain ang simbahan sa kalagayan ni Grace, ngunit hindi nito maaring
kunsintihan ang anumang gawaing mali. Hindi rin tamang palabasin na ang mga
tauhan sa pelikula ay wala nang pagpipilian. Laging mayroong pagpipilian sa
pagitan ng tama at mali. Ganyan
kung lumapit ang tukso—pinapaniwala kang wala ka nang pagpipilian.
Higit na nakababahala na pawang pinag-isipan at pinagplanuhan ni
Grace na akitin si Edward para lamang maisagawa ang kanyang layunin. Bagamat
ipinakita rin sa pelikula na may kaparusahan ang bawat kasalanan, nakalalamang
ang mga imaheng ginagawang romantiko at kaakit-akit ang pakikiapid,
pagbabaluktot ng katwiran at pagsusuko ng moralidad. Para sa ano? Sa
ngalan ng “habag” sa isang paslit na may sakit? (Noong manood ang CINEMA ng One More Try, nakaka-bawas-tensiyon na
marinig naming kinukutya ng ilang manonood si Grace sa mga intimate scenes nila ni Edward: “Iyan lang naman ang gusto mo, gagamitin mo pang dahilang
ang anak mo, mahiya ka!”)
Totoong mapanganib sa mga murang isipan na maaaring padala sa
taliwas na katuwiran ni Grace na bingi sa katuwiran at bukas sa
kunsintihan. Naroon ang ina ni
Grace (Gina Pareno) na buong bangis na pumipigil sa balak niyang “hiramin” si
Edward “kahit isang gabi lang”, at naroon din naman ang doktora ni Grace
(Carmina Villaroel) na nagsusulsol sa kanya, “It’s only sex”, kung gustong iligtas ang anak, go for it!
Malalim na isipin ang hinihingi ng tema ng pelikulang ito. Ang One More Try ay isang happily-ever-after
movie; sa tunay na buhay, hindi nagwawakas sa isang masayang party lamang ang ganoong mga masalimuot
at sanga-sangang relasyon. Marami
pa silang sasapiting pagsubok at pasakit, sapagkat ang isang anak ay laman ng
dalawang magulang, at kung ang bawat magulang may sariling asawa, gugulo ang
buhay pagkat hindi madaling bunutin ang ugat ng panibugho sa puso. Hindi rin madaling kitlin ang tawag ng
laman at pakikiapid lalo na’t iisiping “alang alang sa mga bata…” Papaano na kung ang ikalawang anak ni
Grace at Edward ay magkoroon din ng karamdamang tulad ng sa panganay? Is pa bang anak ulit ang solusyon? Paano na kung si Jacq at si Tristan,
gawa ng pagkasawi o panibugho ay magkaroon din ng relasyon? May karapatan pa ba silang pigilan nila
Grace at Edward? At kung magbunga
din ang relasyon nila, hindi ba magiging kaawa-awa ang mga bata, ang mga bata
na ginagawa nilang dahilan upang pagtakpan ang kani-kanilang kahinaan?
Napapanahong pagnilayan ang tema ng One More Try ngayo’t nakataya ang kinabukasan ng pamilya at ng
kabataang Pilipino gawa ng pinaiiral na contraceptive
mentality ng pamunuang Aquino.
Ang tinig ng Simbahan para sa mga kabataan: masdan ninyo ang ibinubunga
ng pre-marital sex, ng pagtatalik sa
labas ng pag-aasawa. Pahalagahan
ang inyong katawan at damdamin; sa pamamagitan ng inyong katawan, dumadaloy ang
buhay, kinakasangkapan kayo ng Panginoon upang lumalang ng mga bagong kaluluwang
magpapatuloy ng lahi.
Sa tindi ng tensiyong moral ng pelikula at sa tema at mga eksena nitong
sekswal, minamarapat ng CINEMA na ang One
More Try ay para lamang sa manonood na nasa hustong gulang na 18 pataas.