Tuesday, January 8, 2013

Thy womb


Cast: Nora Aunor, Bembol Roco, Lovi Poe, Mercedes Cabral; Director: Brilliante Mendoza; Screenplay:  Henry Burgos; Running Time: 145 minutes; Genre:Drama; Location: Tawi-Tawi
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 years old and above
Si Shaleha (Nora Aunor) at Bangas-An (Bembol Roco) ay mag-asawang Badjao na nakatira sa Tawi-Tawi.  Maayos ang kanilang pagsasama.  Bukod sa pagiging mangingisda, si Shaleha ay isa ring kumadrona.  Kung kaya’t ganun na lang lalo ang kalungkutan nila sa hindi pagkakaroon ng anak sa haba ng kanilang pagsasama.  Dahil dito’y magpapasya si Shaleha na kunsintihan ang asawa sa kagustuhan nitong mag-asawang muli upang magkaroon ng anak at batang kagigiliwan sa bahay.  Tutulungan ni Shaleha si Bangas-an na humanap ng  mapapangasawa at kasama rin siya sa pagsusumikap na mag-ipon ng pera bilang dowry na pambayad sa pamilya ng babaeng pakakasalan ni Bangas-an.  Ang pagbibigay ng dowry ay ayon sa kultura at tradisyon ng mga Muslim.
Maituturing na isang hiyas ang Thy Womb. Sa gitna ng mga pelikulang melodrama, horror at komedyang walang humpay sa pag-iingay, narito ang isang pelikulang matahimik na ipinararating sa manonood ang mga pasakit ng isang nagdurusang asawa na handang magpaka-martir alang-alang sa minamahal.  Walang sampalan, walang sigawan, walang mahahabang dayalogo, ngunit ramdam ng manonood ang nais na iparating na damdamin ng pelikula. Magaganda ang mga kuha ng kamera, lalo na ang mga tanawin sa Tawi-Tawi, at hindi maitatanggi ang hirap na pinagdaanan ng buong produksiyon sa pagbuo ng pelikulang ito. Higit sa lahat, ang tunay na hiyas at yaman ng pelikula ay si Nora Aunor na halos maglaho ang tunay na katauhan sa karakter na kanyang ginampanan bilang Shaleha.  Sa kanyang mga kilos, galaw ng mata at mga labi, maliwanag nang agad ang nais na iparating na emosyon ng pangunahing tauhan. Marami ring matutunan sa kulturang Muslim at Badjao sa pelikula.
Ang Thy Womb ay patungkol sa pagpapakasakit ng isang maybahay na hindi magkaanak at handang magparaya alang-alang sa kaligayahan ng kabiyak. Kita kung gaano kawagas ang pagmamahal ni Shaleha sa asawa at siya pa ang nag-ipon ng dowry at naghanap ng dalagang magiging ikalawang asawa ni Bangas-an.  Kakatwang isipin na mayroong ganitong wagas na pag-ibig sa gitna ng mundong pinipigilan  ng kultura at relihiyon ang mga relasyon tulad ng pag-aasawa. Tunay ngang uusbong pa rin ang tunay na pag-ibig kahit saan pa man ito itanim.
Hindi hinuhusgahan ng pelikula ang mga nakakabahalang gawi tulad ng pagpapakasal ng lalaki ng higit sa isang beses; pagbibigay ng dowry sa babaeng mapapangasawa na ang halaga’y nakasalalay sa pagkababae at pagkatao ng isang babae; ang pagpapakasal ng hindi man lamang nakikita at nakikilala ang isa’t-isa, ang pagsasawalang-bahala sa damdamin ng babaeng asawa. Ito’y sapagkat pawang naka-ukit ang mga nabanggit sa kultura, relihiyon at paniniwala ng isang pangkat na dapat nating igalang at ipagpitagan.  Gayunpaman, hindi sana maging hadlang ang kultura, relihiyon o anu pa mang paniniwala upang ipagsawalang-bahala ang damdamin ng kababaihan maging ng mga kabataan na sapilitang ipinagkakasundo sa mga taong hindi pa nila nakikilala nang lubusan at ikinakasal nang walang pagmamahal. Huwag din sanang maging kabawasan sa pagkababae ang hindi pagkakaroon ng anak sapagkat ang tunay na pagkatao ay hindi naman nasusukat sa kakayahan ng sinapupunan na magsilang ng sanggol, bagkus ay nasa damdamin at nasa mga gawang mabubuti.  Dahil maselan ding maituturing ang paksa ng pelikula, minarapat ng CINEMA na ang Thy Womb ay para lamang sa mga manonood na may edad 14 pataas.