Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2/5
CINEMA rating:
R 14
Magkakabarkada
sila Lizzie, Danielle, Margaux at Claudia, pawang mga socialites—“sosi” o “sosyal” at mestisahing mga dalaga. Dahil mga may kaya ang kani-kaniyang pamilya, magagara
ang kanilang mga tirahan, mamahalin ang mga kotse, kaya nilang maging mga “fashionista”,
palagi silang mapera at mababango—sa madaling salita, wala silang mga
problema. Pero teka, meron din
pala, mga problemang lumulutang sa kani-kanilang mga pang-araw-araw na buhay:
ano ang kanilang oorderin sa restaurant para hindi sila tumaba; ano ang mga
pinakahuling modang isosoot para hindi sila maunahan ng ibang “sosi”; sinong
lalaki ang pinakadapat na siluin; at iba pa. Ngunit darating sa bawa’t isa sa kanila ang pagkakataong
makapagbabago ng takbo ng kanilang “sosyal” na buhay; paano nila ito
sasagupain?
Habang
pinapanood namin ang Sosy Problems,
sulpot nang sulpot sa isip namin ang mga katanungang sumusunod: Ano ba ang
gustong tumbukin ng pelikulang ito? Bakit kaya pinagpagurang gawin ito, kung
pinagpaguran man? Nagtataka lang
kami dahil sa hinaba-haba ng pakikinig at panonood namin sa mga “problema” na
bumabagabag sa mga socialites na ito
ay hindi man lamang naantig ang aming isipan o damdamin para makiramay sa
kanila. Naisip din namin, Ano ang
pakay nila at ginusto nilang ilaban ito sa Manila
Film Festival? Ang istorya,
walang katorya-torya. Ang mga
papel, walang hamong inihahain sa mga gaganap, kaya’t ang pag-arte nila ay
hindi maituring na arte. Para lamang
silang… wala lang, mga sarili lang nilang sosing barkadahan na nasumpungang “magpakodak”
ng mga kababawan nila.
Sasang-ayon na
kami na may maganda rin sigurong hangarin ang Sosy Problems; marahil gusto nitong mangaral tungkol sa
kawalang-katuturan ng mga “sosyal” na hilig ng tao, o imulat ang mga mata ng
mga manonood sa kahalagahan ng pagkakaroon ng matayog na mithiin, ngunit nabigo
ito. Nananaig sa kabuuan ng
pelikula ang kabanidosahan ng mga pangunahing tauhan, ang kababawang
nasasalamin sa mga maburirit nilang usapan at pataasan ng ihi. Dahil salat sa lalim ang characterization, nagmistulang isang fashion show lamang halos ang kalakhan
ng pelikula, kaya’t hindi tumiim ang mensahe. Kung may transformation
o pagbabago man sa katauhan ng mga sosing dalaga sa bandang dulo, ito ay
matabang at walang pinaggalingan, pagkat hindi ito na-develop nang kapani-paniwala sa istorya kundi idiniin lamang sa
isang talumpati. Walang mawawala
sa inyo kung hindi man ninyo mapanood ito; ikain nyo na lang ang pambili ng
tiket.