Friday, January 4, 2013

Shake, rattle and roll 14


Cast: Janice de Belen, Herbert Bautista, Arlene Mulach, Dennis Trillio, Vhong Navarro, Lovi Poe; Direction: Chito Rono Screenplay: Ricky Lee, Rody Vera, Roy Iglesias; Producer:  Roselle Monteverde-Teo, Lily Monteverde; Location: Luzon; Genre: Horror;  Distributor: Regal Films Multi-media Films
Technical Assessment:  2.5
Moral Assessment:  2.5
CINEMA Rating:  V14

Tulad ng dati, nahahati sa tatlong maiikling kwento ang Shake Rattle and Roll (SRR). Ang una ay ang PAMANA na tungkol sa apat na magpipinsang (de Belen, Bautista, Muhlach, Neeman) biglang nagkaroon ng pagkakataong magmana ng tig-5 milyon sa pagpanaw ng kanilang tiyuhin na isang sikat na manunulat sa komiks ng mga matagumpay na kwentong kakatakutan. Kasama ng pera ay ang responsibilidad na pangalagaan ang isa sa limang obra ng kanilang tiyuhin. Kaya nga lamang, ang mga obrang pang-komiks ay nabubuhay sa pagsapit ng hating gabi at nagsasabog ng lagim sa mga taong nasa paligid. Kasabay ng paglalahad ng kakatakutan ay ang pagkadiskubre sa mga natatagong sikreto ng magpipinsan.
Sa tatlo, ang PAMANA ang may pinakamahigpit at buong kwento. Mahusay ang pagkakaganap ng mga datihang aktor na sina de Belen, Bautista at Muhlach na sadyang lumamon sa mga nakasabit na baguhang mga actor sa bawat eksena. Magaling ang mga “improvisation” ng tatlo sa kanilang mga diyalogo at karakter. Maging ang kwento ay medyo malikhain naman kahit gasgas na ang buod. Mapapatawad na ang mga daplis sa special effects dahil kita naman na pinagbuhusan ito ng isip at panahon at hindi pakitang gilas ang paglalagay sa mga ito. Kaya nga lamang, dahil marahil bitin ang panahon o minadali na ang pagsusulat, mababaw ang resolusyon at tila ba hindi naman nagkaroon ng malinaw na katapusan ang kwento. Sayang dahil nadala na sana ng unang yugto ang buong pelikula kung mas pinag-isipan ang katapusan nito.
Ang ikalawang kwento ay pinamagatang LOST COMMAND at umiikot sa isang liblib na kagubatan kung saan ang isang hukbong militar sa pangunguna ni Sgt. Barrientos (Trillio) ay tumutugis sa di kilalang grupo ng mamamatay tao. Sa kanilang pagtatanung-tanong sa mga taong-bayan at mga saksi, malalaman nilang mga dating sundalong naging halimaw ang mga ito.
May pag-asa sana ang konsepto ng kwento pero isang malaking kapalpakan ng direksyon ang sumira dito. Hindi binigyang pagkakatong magbuo ang karakter ng mga tauhan at magkaroon ng koneksyon sa manunuood kaya’t halos walang kang pakialam sa kung anuman ang sasapitin nila. Mahirap palagpasin ang mga teknikal na pagkukulang nito. Tulad ng malaking pagkakaiba ng kulay at texture ng mga eksenang may computer generated effects  sa mga eksenang wala, ang di mo matukoy kung umaga ba o gabi ito nagaganap dahil iba-iba ang kulay ng langit, pagpapalit ng angulo at ang mala-teatrong disenyo ng produksyon sa bandang dulo ng pelikula. Hindi rin nakatulong na para bang mga malilinis at di makabasag pinggang modelo ang dapat sanang bruskong mga sundalo. Lalo ring nakagulo ang biglang pagtatambak ng impormasyon sa huling mga minuto ng kwento upang magkaroon lamang ng saysay ang takbo nito.
Ang huling kwento, ang UNWANTED, ay tungkol sa magkasintahang Hank (Navarro) at Kate (Poe). Papunta na sana sila sa mga magulang ni Hank upang sabihing buntis ang kasintahan pero nagdadalawang isip si Kate kung gusto ba niyang ituloy ang pagbubuntis. Dadaan sila sa isang mall upang bumili ng regalo at duon sila aabutan ng di maipaliwanag na lindol kung saan guguho ang buong gusali, magkakalat ang mga namatay at maglalabasan ang mga gahiganteng insekto. Pagkatapos ng paghahanapan sa gumuhong mall, magkakasamang muli ang magkasintahan at makakalabas upang matuklasang ang buong mundo ay sinakop na ng mga  alien  at silang dalawa at ang kanilang anak sa sinapupunan ang napili upang muling simulan ang susunod na salinlahi.
Sa tatlo, ito ang pinakamagulo ang kwento at malabo ang pagkakadirehe. Tila ba pampahaba na lang at pampuno para maging nakasanayang tatlong istora ang SRR. Ang pinakamagandang pamagat dito ay HINDI MAIPALIWANAG. Hindi mo maipaliwanag ang layon ng kwento. Hindi mo maipaliwanag kung bakit lumindol at ano ng aba talaga ang nangyari at naguho nang ganun na lamang ang gusali. Hindi mo maipaliwanag kung ano ang mga ka-higanteng kuto, ipis at mala-isdang de-kuryente. Hindi mo maipaliwanag kung bakit nag-abala pang maglagay ng dagdag na tauhan kung mamatay lang pala silang lahat. Hindi mo maipaliwanag kung ano ang problema ni Kate at ano ang punto na sila ang napili ng mga alien. Sa totoo lang, hindi mo maipaliwanag kung bakit ni Navarro ang ginamit na kapareha ni Poe gayun hindi siya bagay sa seryosong pagganap at walang kemistriya sa kanila ni Poe. 
Mahuhusay na mga direktor at mga manunulat ang bumuo sa SRR 14 pero ang katapusang produkto ay  nakapanghihinayang pag-aksayahan ng pera at panahon.
Nakalulungkot isipin na maliban sa aspetong teknikal at pagkamalikhain, bagsak din ang SRR 14 sa pagbibigay ng positibong mensahe.
Sa PAMANA, hindi nabigyaang dahilan kung bakit nabubuhay at naghahasik ng lagim ang mga kathang pangkomiks. Ang mga tauhan sa yugto ay hindi kinakitaan ng mabuting ugali kahit sa gitna ng krisis. Bagkus, tila ba lalo silang naging makasarili at mapanira. Kahit ang dating paring si Donald ay napakahina ng karakter at walang impluwensya sa masamang ugali nina Myra at Faye. Nakababagabag lalo ang huling eksena kung saan ang naaapi at mabait na batang si Felimon ay napasukan na rin ng masamang ispiritu. Tila ba sinasabi na sa harap ng kasamaan, walang laban ang kabutihan at pananalig sa Diyos.
Wala namang intensyon na magkaroon ng aral sa LOST COMMAND dahil maliban kay Ronnie Lazaro, ang lahat ng tauhan ay sarili lamang ang inintindi at nais iligtas. Pati si Bunag na sa una’y nais bawiin ang kanyang ama ay nagtraydor sa natitirang sundalo at para sa hindi mawaring dahilan. Tila maliit na kutitap ng kabutihan ang sakripisyo ni Lazaro nang patakasin niya si Barrientos alang-alang sa kanyang anak. Pero na balewala naman ito sa gitna ng nakadidiring paglapa ng mga halimaw sa mga tao (kasama na ang kanyang anak na gustong iligtas). Sa huli, nagtagumpay ang mga halimaw na makatawid sa ilog at magkalat ng lagim sa kabihasnan.
Medyo nagkaroon ng positibong aspeto sa UNWANTED dahil sa pagtutulungan at malasakit na ipinakita sa kapwa ng mga nakaligtas sa pagguho. Kaya nga lamang, nasapawan ito ng tema ng pre-marital sex at abortion sa relasyon nina Hank at Kate na siyang sentro ng yugto.
Sa kabuuan, ang tila nangingibabaw na mensahe ay ang paggapi sa pwesrsa ng kabutihan. Sa lahat ng yugto, ang kasamaan o negatibong pwersa ang naiwan kahit na may mga pagsusumikap na maging matulungin, mapagmalasakit at mapagmahal.
Hindi angkop ang pelikula sa mga bata dahil sa tema, mga tagong mensahe at labis na karahasan ng mga eksena.