LEAD CAST: Kris
Aguino, Ai-Ai de las Alas, Vice Ganda, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Xyriel
Manabat DIRECTOR: Wenn V.
Deramas PRODUCER: Star Cinema & Viva Films GENRE: Comedy RUNNING TIME: 108 minutes
DISTRIBUTOR:
Star Cinema & Viva Films
LOCATION: Manila, Philippines
Technical
assessment: 3.5
Moral
assessment: 2.5
CINEMA
rating: V14
Si Bernice (Vice Ganda) at si Detty (Ai-ai de las Alas) ay magkapatid na nagkahiwalay mula pagkabata. Si Bernice, anak sa katulong ng ama ni Detty, ay lumaki nang may hinanakit kay Detty pagkat noong sila ay pinalayas sa tahanan nila Detty, hindi siya natulungan ng batang si Detty. Magiging isang matagumpay na negosyante si Bernice at tataguriang “the lord of apparels”, pero brusko at bastos ito sa kanyang mga tauhan kung kaya’t ika-374 nang assistant niya ang lalayas sa kanya. Magkakataong maghahanap sila ng bagong assistant ni Bernice nang darating naman sa opisina nila si Detty, naghahanap ng trabaho. Tatanggapin ni Bernice bilang assistant si Detty na wala namang kamalay-malay na kapatid niyang mapaghiganti ang magiging amo niya. Sa tindi ng kompetisyon mula sa kumpanyang pinamumunuan ni Roselle (Kris Aquino), darating sa puntong mag-aagawan pa si Bernice at si Roselle kay Detty, pagkat may talent si Detty sa pagdidibuho ng mga kasuotan.
Sa aspetong teknikal ay masasabing
pasado ang Sisterakas—ayos lang ang lights, sound, cinematography, sets, plot
development, at talaga namang pinaghirapan ang mga damit ni Bernice—dapat
lamang pagkat ang karakter nito’y “bongga” at hindi magpapasapaw. May kuwento
din naman sana ang Sisterakas, at
isang kuwentong hindi basta-basta babahingan ng siryosong manonood. Lamang, nabubura ang halaga ng kuwento
dahil sa mga eksaheradong pagpapatawa ng mga gumaganap, lalo na ni Ganda, na
ang tanging puhunan sa pag-arte ay ang taray ng mga linyang namumutawi sa
kanyang namumusargang mga labi.
Inasahan naming makakita naman ng pagbabago sa pagganap ni Ganda dito sa
Sisterakas pero nabigo kami. Pareho pa rin ng dati, mapa-sine o
mapa-TV, “same same”, ika nga. Si
Aquino man ay… ganon pa rin, sa pagkilos, sa pananalita—para lang nagho-host ng
TV show, mas mahaba nga lang ang mga pilikmata niya rito sa Sisterakas. Masasabing si de las alas ang “nagdala” ng pelikula, gawa ng
dibdiban niyang pagganap sa papel niyang hindi nawawalan ng sigla, bait at
tiwala sa kapwa sa kabila ng lubos na pang-aapi.
Maraming tao sa sinehan noong araw
na manood ang CINEMA ng Sisterakas,
mga magulang na bitbit ang mga anak.
Naalala namin ang tanong ng isang7-taong gulang na bata sa kanyang ina
noong pinanonood nila si Ganda sa telebisyon. “Babae ba siya o lalake?” Sagot ng ina, “Lalake!” Tanong ulit ng paslit
“Eh bakit ganon siya?”
Paliwanag ng ina, “Nagpapatawa lang yan!” pagkat iniiwasan niya ang
mahirap na pagpapaliwanag sa anak.
Sa Sisterakas, ipinapakita na
batang paslit pa lamang si Bernice ay “iba” na siya. Hindi tulad ng ibang mga batang lalaki na mahilig sa
tirador, baril-barilan, at manghuli ng palaka, si Bernice ay mahusay magbuo ng
mga kasuotan mula sa kung ano-anong bagay (tulad ng lumang diyaryo) at
pakendeng-kendeng niya itong ipagmamalaki sa kapatid. Kung panonoorin ninyo ito at isasama ang inyong mga
murang-isip na mga anak, payo ng CINEMA, paghanda na kayo ng mga paliwanag kung
sakaling tatanungin nila kayo kung si Ganda bas a Sisterakas ay “sister” o “brother”.