Technical
Assessment: 3.5
Moral
Assessment: 3
Rating: PG 13
(For viewers 13 and below with parental guidance)
Inilahad
sa pelikula ang kuwento ni Andres Bonifacio, ang hinirang na Supremo ng
Katipunan. Nagsimula ang kuwento taong 1882 sa pagkamatay ng unang asawa ni
Bonifacio. Dito rin siya nagsimulang mamulat sa mga sakit ng lipunan kung saan
ang kawalan ng katarungan at di pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at Kastila
ang punong dahilan. Taong 1896, pinamunuan ni Bonifacio ang Katipunan, isang samahan ng mga
Pilipinong rebolusyonaryong mandirigma. Bagama’t walang pormal na pagsasanay,
sasabak sila sa digmaan upang labanan ang mapanupil na pamahalaan ng Espanya. Susugod sila sa Intramuros upang
kalampagin ang mapang-aping gobyerno sampu ng mga kawal nito.
Muling
inilahad ng Supremo ang isang bahagi
ng ating kasaysayan bilang isang bansa sa mata ng isang bayaning lagi nating
naririnig ngunit hindi gaanong kilala—si Andres Bonifacio. Matagumpay ang
pelikula sa pagnanais nitong buhayin ang mga rebolusyon na pinamunuan ng
Katipunan. Bagama’t hindi kalakihang-produksyon, nagawa pa rin nitong iparamdam
ang epiko at lawak ng digmaang pinag-buwisan ng buhay ng ating mga bayani noong
panahon ng mga Kastila. Naging tunay at totoo rin sa kasaysayan ang pelikula
kung kaya’t maraming kabataan ang makakapulot ng aral sa pelikula patungkol sa
ating kasaysayan. Mahusay ang pagganap ng mga pangunahing tauhan bagama’t
kulang sa emosyon ang ibang karakter. Maayos ang kabuuan ng pelikula mula sa
disenyong pamproduksyon hanggang sa pag-iilaw at editing. Nagawa nitong pukawin ang natutulog na makabayang damdamin
ng mga manonood. (May isa lamang kaming tanong tungkol sa isang bagay na sa tingin namin ay nakakabawas sa pagiging makatotothanan ng Supremo: bakit naman po napaka-sosyal naman ng porma ng bida? Napaka-moderno ng gupit ng buhok, at sa puti ng plantsadong kamisadentro ay--nadinig naming wika ng isang manonood--"parang advertisement ng Tide!" May pagka-banidoso po ba si Gat Andres Bonifacio?)
Anong
pag-ibig kaya ang hihigit pa kaysa dalisay at dakilang pag-ibig sa
inang-bayan? Iyan ang mga katagang
pinasikat ni Gat Andres Bonifacio. Ito ay kitang-kita sa alab ng damdamin na
ipinamalas ni Bonifacio para sa bayan, para sa mga inaapi nating kababayan.
Bagama’t naging madugo ang kanilang naging pamamaraan, naging bugso lamang ito
ng kanilang dinanas na kaapihan. Maaring sa panahong iyon ay wala nang ibang
paraan upang ipagtanggol ang kanilang kaapihan kundi ang madugong digmaan. Kita
naman na ito’y hindi naging madali at ginawa lamang nila ang pagbubuwis ng
buhay alang-alang sa kalayaan at katarungan. Katapangan at pagmamalasakit ang
ipinakitang halimbawa ni Bonifacio. Yun nga lang, minarapat sana niyang
tambalan ng wasto at kalmadong pag-iisip ang katapangang ito naging mas
matagumpay pa siya at hindi nakaranas ng kaapihan sa kamay ng kapwa
rebolusyonaryong mga Pilipino. Nakakalungkot isipin ang naging katapusan ng
kwento ni Bonifacio, ngunit marami pa ring aral na matutunan dito. Sa huli’y
kasaysayan pa rin ang maghuhusga sa pagkabayani ng isang tao, kahit na siya ay
itinuring pang isang “Supremo”.