Friday, December 31, 2010
Fr. Jejemon
A note from CINEMA: Days before the Manila Film Festival opened last Dec. 25, a barrage of text messages, calls and emails came our way at CINEMA, demanding action or at least condemnation of the movie Fr. Jejemon. A number of concerned Catholics saw the movie’s trailer and were offended by what they perceived to be “sacrilegious” scenes involving the Holy Eucharist. Some wanted the movie banned; others to delete those scenes from the film. The contentious scenes, supposedly during communion, showed a wafer stuck in a woman’s cleavage and another caught between an old person’s dentures. CINEMA got all sorts of protests: Sacrilege! Blasphemy! An affront to the Presence of Jesus in the Eucharist! This is an attack on the Church! Why are you so quiet? Aren’t the bishops going to say something? Aren’t you going to do something about it? Parrying those knee jerk reactions kept us busy for some time, but we did patiently explain to them that CINEMA does not evaluate trailers, and that as matter of policy we do not comment on a movie until we have seen it in its entirety and evaluated both its technical and moral contents. We wish to put that on record for the benefit of the movie-going faithful. Lastly, allow us to suggest: next time there’s a similar uproar, please see the whole movie before joining the fray.
CAST: Dolphy, Cherie Gil, Maja Salvador, Ejay Falcon, Roy Alvarez, Tony Mabesa, Efren Reyes Jr., Nash Aguas, Roadfill, Moymoy Palaboy and Rhap Salazar DIRECTOR: Frank Gray Jr. WRITERS: Bibeth Orteza and Rhandy Reyes PRODUCER: RVQ Productions
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: PG 13 (For viewers aged 13 and below with parental guidance)
Matanda at nanghihina na si Fr. Baby (Tony Mabesa), kura paroko ng parokya Parm Bil. Ang tanging kasama’t taga-alaga sa kumbento ni Fr. Baby ay ang kanyang kapatid na si Violeta (Cherie Gil) at ang anak nitong si Isabel (Maja Salvador). Bilang paghahanda sa kanyang pagyao, hiling ni Fr. Baby na makatulong niya sa kaniyang parokya ang kanyang kababatang si Fr. Jejemon (Dolphy) pinaikling “Jeremiah Jerome Montes.” Tatanggihan ni Violeta (Cherie Gil) ang pagdating ni Fr. Jejemon sa pangambang palalayasin nito silang mag-ina kapag wala na ni Fr. Baby. Tatangkaaing buwisitin ni Violeta si Fr. Jejemon sa pag-asang lilisanin nito ang parokya pagkat hindi ito kawili-wili, ngunit mahinahon lang tatanggapin ng pari ito, pati na ang paninira sa kanya ng asenderong si Mr. Perez o “Mr. P” (Roy Alvarez). Bilang nagmamay-ari ng pataniman ng kape, si Mr. P ay popular sa mga tao sa Parm Bil pagkat ugali nitong tumulong sa mga nangangailangan, ngunit “maaamoy” ni Fr. Jejemon ang tunay na layunin ni Mr. P at pagdududahan nito ang pagka-malapit ng asendero sa alkalde at hepe ng pulisya ng Parm Bil. Pagkat tama ang kutob ni Fr. Jejemon, takot si Mr. P na mabunyag ang katotohan tungkol sa kanya, kaya’t kukuntsabahin at susuhulan ni Mr. P ang ilang mga ina sa parokya upang palabasing isang “pedophile” o nang-aabuso ng mga bata si Fr. Jejemon.
Pangunahing layunin: magpatawa
Kapag nasa isang pelikula si Dolphy, tinaguriang “Hari ng Komedya” sa industriya ng pelikula sa Pilipinas, umasa kang hindi maaaring walang pagtawanan. Kuwela man o korni ang mga patawa, hinihingi man ito ng kuwento o hindi, hindi mawawala iyan pagkat iyan ang pangunahing layunin ni Dolphy sa paggawa ng pelikula: ang magpasaya ng manunood, kahit siya na ang pagtawanan ng mga kritiko. Tutal, biling-bili naman siya ng kanyang mga tagahanga pagkat kuhang-kuha niya ang kiliti ng masang aliw na aliw sa slapstick at toilet humor.
Sa Fr. Jejemon, makikita mong marami ang patawang korni at walang kinalaman sa istorya, na alam mong isinisingit pa rin para lang magpatawa. Meron ding patawang napapaloob sa istorya pero eksaherada naman sa haba—tulad nung eksena ng tatlong matatandang hikain na bumubuo ng koro—sinasayang lang ang oras. May mga patawa din namang sadyang nakakatawa dahil hindi pilit at nakabase pa sa mga totoong pangyayari, kagaya nung “tumikim” ng alak na pang-misa yung tatlong batang sakristan, kaya gumewang-gewang ang lakad nila patungong altar at nagkandatulog pa sa misa.
Hindi maaaring pagtawanan
Ang hindi mo pagtatawanan ay ang pagganap ni Dolphy bilang isang pari: dibdiban. Ang papel ni Dolphy sa Fr. Jejemon ay katuparan ng isang pangarap para sa “King Of Comedy.” Sa ilang dekada niya bilang artista, lumabas na si Dolphy sa kung ano-anong papel maliban lamang sa pari. Sa Fr. Jejemon (na ayon kay Dolphy ay huli na niyang pagsali sa Manila Film Festival), nagampanan nang mahusay ni Dolphy ang ipinipinta ng kuwentong larawan ng isang maka-Diyos at maka-taong pari na laging panatag ang kalooban sa anumang kalagayan. Ang pagiging ulirang pari ni Fr. Jejemon ay hindi nakasalalay sa isang uri ng di-makabasag-pinggang panglabas na kabanalan, hindi sa pagiging isang santo-santito, kundi sa pagiging isang tunay na taong tapat sa sarili at sa Diyos.
Bagama’t pa-kuwela at maunawain si Fr. Jejemon sa mga kabataan, hindi siya kunsintidor; marunong siyang manuheto kung kinakailangan. Masayahin siyang tao at mahilig magbiro, pero kung dapat maging siryoso, siryoso siya, halimbawa’y kapag kinakausap niya nang masinsinan si Fr. Baby o kapag nagsesermon siya. At kahit napapaligiran na siya ng “kakuwanan” ng mga tao, kahit siya na mismo ang pinupuntirya nito, hindi ito nagiging dahilan para siya ay mainis o magalit. “Dedma” lang, hindi siya nagtatampo sa Diyos.
Saan nag-uugat ang lakas ni Fr. Jejemon?
Maaaring hindi ito sinasadyang isaad sa pelikula ngunit maliwanag na makikita rito ang ugat ng pagiging panatag ni Fr. Jejemon kahit sa harap ng panganib: ang kanyang puso ay puso ng isang paslit—payak, mapagtiwala sa Diyos, walang pagkukunwari. Nasasalamin ito sa paraan ng kanyang pananalangin kung saan—habang nakaluhod sa harap ng imahen ng nakapakong Kristo—mistula siyang isang musmos na nakikipag-usap sa kanyang mapagmahal na Ama. Ikinalulungkot niya na tila hindi siya tanggap ng mga tao sa parokya; nangangako siya sa Panginoon na tatanggapin niya kahit saang parokya siya ipadala, ngunit humihingi siya ng palatandaan, ng liwanag, upang matiyak kung ano ang kalooban ng Diyos para sa kanya.
Kung paano siya makipag-usap sa kanyang Ama sa langit, ganoon ding kapayak ang kanyang pakikipag-usap sa kanyang inang nakabaon na sa lupa. Ang unang-unang hinango ni Fr. Jejemon mula sa kanyang maleta pagdating niya sa kanyang bagong silid-tulugan ay isang aklat-dasalan, sinundan ng isang naka-kuwadrong larawan ng kanyang yumaong ina na lagi niyang kinakau-kausap na animo’y buhay at kasama niya sa kuwarto.
Nagpapatawa lang ba talaga?
Hinangad lang kaya ng pelikulang Fr. Jejemon na magpatawa lamang, o tinangka din kaya nitong tawagin ang pansin ng mga nanunood sa ilang bagay tungkol sa ating pananampalataya, sa Simbahang Katoliko, at sa kalagayan ng mga pari? Maaaring tulad ng dati, gusto lang ng pelikula ni Dolphy na magbigay-aliw habang nagbabahagi din ng ilang makabuluhang aral. Ngunit sa mga manunood na bukas ang “ikatlong mata” at may damdamin sa Simbahan, mayroong mga parating ang Fr. Jejemon na makabubuting pagnilayan.pagkatapos ng tawanan.
Isa na rito, bukod sa mga nabanggit na, ay ang kalagayan ng mga paring matatanda na’y wala pang makahalili sa parokya. Sino ang mangangalaga sa kapakanan nila upang sila ay hindi mapagsamantalahan ng mga makapangyarihan at halang ang kaluluwa sa kanilang parokya? Tama ba na ang mga kadugo ng pari ang mga kasama niya sa kumbento? May nagmamalasakit ba sa kanilang kilos at pananamit upang tiyaking wasto ang kanilang bihis at kapita-pitagan ang kanilang anyo? Bagama’t mukhang malinis ang damit ng dalawang pari sa pelikula, kapuna-punang mali ang paggamit ni Fr. Jejemon sa Roman collar niya—nasa ilalim ng kuwelyo ng ordinayo at makukulay na polo shirt. Ito ba’y kapabayaan ng direktor at costume designer, o tanda ng pagiging kakaiba ni Fr. Jejemon, o sinasabi ba ng pelikula na ang mga tumatandang pari ay wala nang pakialam sa katumpakan ng pananamit nila?
Kapuna-puna rin na sa pagkamalapit ng mga kabataan kay Fr. Jejemon ay natural lamang na yakap-yakapin siya ng mga ito. Ngunit kahit isang marilag na dalaga (Salvador) ang yumayapos at humihilig sa dibdib niya, kilos-pari pa din si Fr. Jejemon, “malinis ang hipo” ika nga, at walang malisyang mababakas sa mukha, tunay na “tatay ng lahat.” Sa eksenang ito, agad naming naalala ang pagmamahal at debosyon ni Fr. Jejemon sa kanyang yumaong ina na tila buhay pa kung kausapin niya. Maaaring ang inang ito ang kumakatawan sa Birheng Maria sa kanyang pagka-pari, kaya’t napapatnubayan siya nito laban sa tukso ng laman—sino ang makapagsasabi? Maaaring tinutugon din ng Diyos ang debosyon ng pari sa mahal niyang ina, kung kaya’t hindi rin siya nayayanig nang siya ay nililibak na ng mga parokyano bilang isang pedophile. Habang namamalatak na sa tuwa ang mga utak ng paninira kay Fr. Jejemon, hindi niya ipinagdiinan ang kanyang pagka-malinis, bagkus ay naghahanda siyang lumisan sa parokya na buo ang tiwala na lulutang din ang katotohanan pagdating ng panahon.
Katapatan at katapangan
Ang katapatan ni Fr. Jejemon sa kanyang sinumpaang tungkulin ay nababakas sa kanyang walang-luhong pamumuhay. Nang dumating siya sa Parokya Parm Bil at inilagay siya ni Violeta sa kuwartong mistulang bodega sa kalat at dumi, masaya niyang tinanggap iyon. Masaya niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa kabila ng pagiging hamak ng kanilang parokya—wala silang magarang kumbento, sariling man lamang sasakyan, o makabagong mga kagamitan na maaaring makatulong sa kanilang Gawain. Para kay Fr. Jejemon, ang yaman ng Parm Bil ay ang mga parokyano—lalo na ang mga kabataang na inaasahan niyang magdulot ng pagbabago sa parokyang malaon nang pinaghaharian ng kasakiman at sabwatan nila Mr. P, ng alkalde, at ng hepe ng pulisya.
Kung katatawanan ang hanap mo at ang titingnan mo lamang ay ang mga poster ng pelikula, mae-engganyo kang manood ng Fr. Jejemon, at maaaring makita mo ang hanap mong aliw. Kung isa ka naman doon sa mga nangalisag ang balahibo at naglabas ng pangil dahil sa nakita mong kabastusan sa trailer ng pelikula, at nag-aabang ka pa ng mga pambabastos na lalo mo pang ikagagalit, masisiphayo ka, pagkat ang pari dito ay isang tapat, matapang at mahinahong kalaban ng kasamaan. Sa kadulu-duluhan ng pelikula, mauunawaan ng masusing manunood na ang Fr. Jejemon ay isang butil ng ginto na nababalot sa mumurahing palara. Sana, dumami pa ang mga paring katulad ni Fr. Jejemon.--By Teresa R. Tunay OCDS