Friday, December 31, 2010
Tanging Ina Mo Rin (Last na 'to)
Lead Actors: Ai Ai delas Alas, Eugene Domingo, Marvin Agustin, Shaina Magdayao, Nikki, Carlo Aquino Musical Director: Jesse Loseten Editor: Maya Ignacio Story and Screenplay: Mel Del Rosario Director: Wenn V Deramas Producer: Charo Concio and Malou Santos Distributor: Star Cinema Genre: Drama/Comedy Location: Manila Running Time: 110 minutes
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: PG 13
Masaya naman sana sa buhay ang tanging ina na si Ina a.k.a. Madam (Ai Ai de las Alas) sa kabila ng pangungulila sa ibang anak na hindi na niya kapiling. Subalit napuno siya ng agam-agam matapos ma-diagnose ang di-matiyak na karamdaman na pinangangambahang malubha at maaring bilang na araw ng kanyang buhay. Sumailalim sa iba’t ibang pagsusuri si Ina at habang hinihintay ang resulta ay namayani sa kanya ang takot dahil sa tingin niya ay hindi siya handang iwan ang kanyang mga anak. Ipinasya ni Ina na ilihim sa kanyang mga anak ang kanyang kalagayan. May kani-kaniyang masalimuot na sitwasyon ang magkakapatid at ayaw niyang makadagdag pa sa kanilang alalahanin. Dahil sa mga problema ay madalas na namamagitan si Ina sa mga pagtatalo sa loob ng bahay. Sa mga panahon ng ganitong ligalig ay di naman siya iniwan ng matalik niyan kaibigan na si Rowena (Eugene Domingo). Di sang-ayon si Rowena sa paglilihim ni Ina sa mga anak pero iginalang at sinuportahan niya ang pasya ng kaibigan. Kahit mabigat sa loob ay sinamahan niya si Ina sa mga paghahanda sa kanyang pagpanaw. Inayos niya ang paghahati-hati ng ari-arian sa bangko para mailipat sa mga anak at walang pataw na magmahalan, magkaisa at magkasundo ang magkakapatid. Isang kahilingan ni Ina na bago siya pumanaw ay makapiling niya ang lahat ng kanyang mga anak.
Pagpapatuloy sa pagwawakas ng unang dalawang kuwento ang Tanging Ina mo rin (last na ‘to). Uminog ito sa tema ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman ng bida at ang pagdadala nito bilang ina. Maganda ang naging takbo at pagbibigay saysay sa pagwawakas ng kwento ng tanging Ina. Mahusay ang pagkakadirehe ng pelikula. Matagumpay na nailabas ang mga kinakailangan emosyon sa mga eksenang drama at patawa. Magaling ang mga nagsiganap sa paghahatid ng mga karakter na kanilang ginampanan. Hindi nabigo ang pelikula sa mga datihan at baguhang artista. Bawa’t isa ay may mga tampok na eksena at naging markadong pagganap mapa-drama o komedya. Maayos ang mga kuha ng kamera. Hindi masyadong gumamit ng effects dahil di naman kailangan. Maganda ang disenyo ng produksyon, gayundin ang make-up. May konting sablay sa editing sa mga pagpapalit ng eksena pero halos di nahalata. Akma ang inilapat na musika lalo na sa mga sundot ng eksena ng pagtutog ng piyano at trumpeta ng kasambahay sa pelikula. Sa kabuuan ay maganda ang teknikal na aspeto at makikitaan ang mga nasa likod nito ng pagsisikap na makagawa ng makabuluhang panoorin.
Muling ipinakita sa pelikulang Tanging Ina mo rin (last na ‘to) ang kadakilaan ng isang ina na walang hinahangad kundi ang malagay sa ayos ang mga anak. Sa mga panahon ng pagsubok ay nagpapakatatag ang isang ina at humuhugot ng lakas sa pananalangin sa Diyos, sa pagmamahal ng mga anak at suporta ng matapat na kaibigan. Malinaw ang hatid na aral ng pelikula lalo na sa mga anak na palaging magkasundo. Bagamat natural ang pagkakaroon ng alitan sa pagitan ng isa’t isa, lalo na sa mga praktikal na kadahilanan katulad ng pera o utang at palitan ng masasakit na salita ay di marapat na magkimkim ng galit at sama ng loob para manatili ang kapayapaan at pagmamahalan sa tahanan. Sa halip ay unawa at suporta ang dapat na pairalin upang maging maayos ang buhay. Para sa mga magulang, may hatid na kasiyahan ang makitang nagkakasundo ang mga anak na may kani-kaniya ng buhay. Gayundin naman mas mainam ang pagiging bukas sa bawat isa at huwag maliitin ang kakayahan ng mga anak na maunawaan ang mga seryosong kalagayan lalo na may kaugnayan sa buhay at kalusugan sa pamilya.
Sagana sa positibong mensahe ang pelikula bagama’t nabahiran ito ng salungat na parating: sa kagustuhan marahil na magpatawa ng pelikula, naging paulit-ulit ang pamimintas at panlalait ng ina sa panlabas na anyo ng mapapangasawa ng kanyang magandang anak. Binalewala ng pelikula ang gintong kawikaan na di dapat husgahan ang tao sa panlabas na anyo kundi sa nilalaman ng puso at sa pag-uugali nito. –By Imelda Benitez