Friday, December 31, 2010

Super Inday and the Golden Bibe



Cast: Marian Rivera, John Lapuz, Mylene Dizon, Jake Cuenca, Pokwang; Direction: Michael Tuviera; Story and Screenplay: Aloy Adlawan; Cinematography: ; Editing: Jay Halili; Music: Aldred Ongleo ; Producers: Roselle Monteverde, Lily Monteverde; Genre: Fantasy/Comedy; Running Time:2 hours 6 minutes; Location: Manila; Distributor: Regal Films

Technical Assessment : 2.5
Moral Assessment : 3.5
Rating : PG 13


Ibinagsak sa lupa ang anghel na si Goldie (John Lapuz) upang maghanap ng panibagong superhero bago siya muling makabalik sa langit. Kasama ang isang tyanak na namatay bilang sanggol ay pupuntiryahin nila si Inday (Marian Rivera) upang bigyan ng mga pagsubok bago ipagkaloob ang buong kapangyarihan ng isang superhero. Si Inday ay isang simpleng probinsyana na nagpunta sa Maynila upang hanapin ang kanyang tunay na ina. Mamamasukan siya sa dating pinagtratrabahuhan ng ina bilang katulong. Bagamat malupit ang mayordomang si Kokay (Pokwang) at ang bagong asawang si Ingrid (Mylene Dizon) ay mapapalapit naman si Inday sa dalawang anak ni Danilo (Jestoni Alarcon). Samantala, pilit na inaalam ni Super J (Jake Cuenca) ang utak ng mga halimaw na dumurukot sa mga bata. Sa kanyang paghahanap ay mapapadpad siya sa pagawaan ng mga laruan na pag-aari ni Danilo at Ingrid. Dito magkakatagpo-tagpo ang kanilang mga landas para sa maaksyong katatawanan.

Unang ipinalabas ang Super Inday and the Golden Bibe nuong 1988 sa pangunguna ni Maricel Soriano. Kaya naman hindi maiiwasan ang paghahambing sa dalawang pelikula. Di hamak na mas malinaw ang daloy ng kwento ng naunang bersyon. Sa dami ng sub-plots ng bersyon ni Tuviera ay hilaw at malabnaw ang pagbuo nito. Mababaw din ang mga diyalogo at may kakornihan pati ang komedya nito. Nasa Super Inday and the Golden Bibe ang laging sakit ng pelikulang Pinoy: ang umaalingawngaw na eksena at katauhang kinopya buhat sa ibang pelikulang banyaga (si Batman at mga alagad ni Joker sa The Dark Knight), ang napakadaling hulaan na daloy ng kwento at ang pag-uulit ng katatapos na biro o eksena para siguradong naiintindihan ng manunuod. At dahil pantasya ang pelikula ay bibigyang bigat ang husay ng mga special effects, na sa lawak ng kakayahan ng post production sa panahon ngayon ay pipitsugin pa rin ang ipinakikita sa pelikula. Unang-unang kapintasan ay pagka halata ang pagkakapatong ng mga kuha sa chroma at ang madalas na paggamit ng slow motion tuwing eksena ng aksyon. Madalian ang pagkakagawa ng ibang special effects. Halimbawa ay sumobra sa motion blur at color correction ang eksena ng paglipad nina Super J at Super Inday. Maraming elemento ng produksyon ang hindi rin masyadong napag-isipan. Tulad ng pagkakaroon lamang ng iisang katulong sa napakalaking bahay na pinaglilingkuran ni Inday o ang kakatwang itsura ng mga laruang binuhay ni Ingrid na mukhang mga mascot sa isang walang kwentang children’s party. Isa pa’y ang hindi-kapani-paniwalang itsura ni Irma Adlawan bilang inang may sakit ni Inday—masyado siyang makinis, hindi mukhang kawawa o may sakit; tinipid lang ba sa make-up o talagang nakaligtaan? Maging ang musika at tunog ay hindi na rin masyadong binusisi. Sayang ang husay sa pag-ganap nina Rivera, Dizon at Pokwang na natabunan lamang ng mababaw na katatawanan. Sa kabuuan, nakakaaliw ang Super Inday and the Golden Bibe, pero maraming maipipintas dito ang mga manunuod na mahilig mamburirit ng aspetong teknikal sa pelikula.

Sa kabila ng kapintasang teknikal sa Super Inday and the Golden Bibe, mairerekomenda pa rin ng CINEMA ang pelikula kahit sa mga bata, pagkat bukod sa wala itong mahahalay na eksena, maraming aral na laman ito. Hindi lamang mga itlog ng bibe ang ginintuan sa pelikula kundi ang mga maraming aral din. Halimbawa, malinaw na isinasaad nito kung ano ang bumubuo sa isang superhero. Hindi basta’t super powers kundi ang kabusilakan at kabutihan ng pagkatao. Ito ang isa sa mga magagandang aral ng pelikula. Hindi lamang basta magaling sa suntukan o may pambihirang kapangyarihan ang mga katangian ng isang bayani. Higit sa panlabas na kakayahan ay ang ganda ng kalooban ang kailangan. Ang pagiging bayani ay hindi isang pamana o suwerte kundi pinaghihirapan dahil hinihingi nito ang kabaitan, pagiging mapagpatawad, katapangan at ang pagkahandang isakripisyo ang sarili para sa kapakananan ng iba. Magandang halimbawa, lalo sa mga kabataan, ang katauhan ni Inday na kinailangang dumaan sa maraming pagsubok bago ginawaran ng kapangyarihan. Isa sa mga pagsubok ay ang buong pusong pagtanggap sa pananagutang kaakibat ng kapangyarihan. Mainam na binigyang-diin ang aspetong ito lalo na sa panahon ngayon kung kailan tila mas ginugusto pa ng taong maging malaya mula sa tungkulin o obligasyon sa kanyang kapwa kaysa maging tagapaglingkod ng kabutihan. Kapansin-pansin din na bilang isang ganap na superhero, walang high tech gadgets si Inday; bagkus ay Pilipino pa rin ang mga sandata niya: batya’t palu-palo. --By Josephine Fenomeno