Wednesday, December 1, 2010

My Amnesia Girl


CAST: John Lloyd Cruz, Toni Gonzaga; DIRECTOR: Cathy Garcia-Molina; PRODUCER/ DISTRIBUTOR: Star Cinema; RUNNING TIME: 100 minutes; GENRE: Romantic-Comedy; LOCATION: Manila

Technical: 3
Moral: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 18 and above


Nagkakilala sa isang dating/ match-making event ang ahenteng si Apollo (John Lloyd Cruz) at ang photographer na si Irene (Toni Gonzaga). Mabilis ang mga pangyayari at agad nahulog ang loob nila sa isa't-isa at nagkamabutihan. Yayayain ni Apollo si Irene na magpakasal ngunit sa araw ng kasal, habang palakad si Irene sa altar ay biglang uurong si Apollo at iiwan si Irene nang walang anumang pasabi. Makalipas ang ilang taon ay wala pa ring asawa si Apollo at tila hindi pa rin makalimutan si Irene at malabis ang pagsisisi sa ginawang pag-iwan dito. Sa muling pagku-krus ng landas nila ni Irene ay malalaman niyang may amnesia ito na bunga marahil ng natamong trauma sa pag-iwan niya dito sa araw ng kanilang kasal. Magiging daan para kay Apollo ang amnesia ni Irene upang makabawi sa mga nagawa nitong kasalanan at magpapanggap na bagong manliligaw ni Irene sa pangalang Paul. Lingid sa kanyang kaalaman, si Irene ay nagkukuwanri lamang na may amnesia upang siya ay sadyang gantihan at pahirapan. Saan kaya hahantong ang pagbabalat-kayo ng dalawang ito? Paano kung malaman ni Apollo na nagkukunwari lamang si Irene?

Nagawang bigyan ng bagong bihis ng pelikula ang tila gasgas nang tema ng amnesia sa mga kuwentong Pilipino lalo na sa pelikula. Ginamit ng My Amnesia Girl ang maraming makabagong pamamaraan ng pagkukuwento upang gawing kapana-panabik ang bawat susunod na eksena. Bagama't pawang napabilis ang mga rebelasyon sa manonood, naging epektibo pa rin ang kwento sa kabuuan at nabigyang kadahilanan naman kung bakit maraming sekreto sa kuwento ang hindi itinago sa manonood. Naging mas nakakakilig nga naman at nakaka-enganyong panoorin ang dalawang tauhan na tila naglolokohan at hindi nagkaka-alaman. Ang tunay na hiyas pa rin ng pelikula bukod sa husay ng direktor at manunulat ay ang walang kupas na kahusayan nila Cruz at Gonzaga. Napanatili nila ang kilig, katatawanan at maging ang tamang timpla ng drama kung kinakailangan. Tuloy ang mga manonood ay natatawa, kinikilig at lumuluha ng magkakasunod kundi man minsan ay magkasabay. Ang mga pangalawang tauhan ay pawang mahuhusay din. Salamat din at panandilaan tayong nakawala sa mga titulo ng popular na kanta bilang pamagat ng pelikula at may isang kuwentong bago sa panlasa ng Pilipinong manonood.

Ang kuwento ng My Amnesia Girl ay uminog sa kasinungalingan at pagbabalat-kayo. Bagama't nagawa ng pelikulang gawing katatawanan at nakaka-kilig ang makita ang dalawang pusong nagmamahalan habang naglolokohan ay marami pa rin itong aral na inihain. Una na dito ang hindi magandang naidudulot ng pagsisinungaling. Sa hinaba-haba ng takbo ng kuwento na uminog sa kasinungalingan, ipinakita pa rin na sa bandang huli'y katotohanan pa rin ang mananaig. Tunay ngang "ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwat". Matindi rin ang naging balik kay Irene ng kanyang matatawag na "maliit na kasinungalingan" at mapapatunayan na wala ngang kasinungalingang maliit at ito ay kasinungalingan pa rin bali-baligtarin man. Mas higit na nakababahala naman ang hindi gaanong naipaliwanag na dahilan kung bakit si Apollo ay bigla na lamang tumalikod at kumaripas sa araw mismo ng kasal. Sa napaka-habang pinagdaraanang proseso sa sakramentong ito ay hindi dapat naba-bale wala at tinatalikuran nang ganoon lang ang kasal nang walang matinding dahilan. Nagkulang marahil sa pagsasaliksik o sa paghahagod ng pelikula sa aspetong ito. Hindi rin husto ang naging paliwanagan ng dalawa sa kung ano nga ba ang naging mali sa kanilang relasyon. Kahanga-hanga naman sa isang banda ang ginawang pagpapatawad ng dalawang tauhan sa isa't-isa. Patunay na ang pusong nagmamahal ay laging handang magpatawad. At ang paglimot sa ginawang pagkakamali ng kapwa, bagama't mahirap, ay posible pa rin sa wagas na pag-ibig. Ang kaiga-igayang pagganap Gonzaga at Cruz, na sinusuportahan ng mabilis at katukso-tuksong dialogue ay hindi sapat upang maituring ka ganoong kahanga-hanga ang pelikula. Ito'y isa pa ring "feel good movie" sa kabila ng magaling na pagsasalarawan ng mensahe nito. At tulad ng lahat ng mga "feel good movies", ang panganib nito sa nanonood ay ang maaaring pagliligaw nito mula sa katotohanan. Bukod sa rito, ipinapakita na ang mga magsing-irog ay halos nagsama na bago ikasal, tila nagsasaad na ang pundasyon ng kanilang relasyon ay posibleng "good vibes" at "sexual compatibility" lamang. Ang isang dibdibang relasyon na magwawakas sa patawaran at kasalan ay hindi tapat sa katotohanan kung ito'y mistulang "formula" lamang ng pagkakamali-pagpapatawaran-at-ayos-na-ang-buto-buto! Kung nailabas sana ng pelikula mga ugat ng pagkakamali at pagpapatawad, maaaring nabigyan ng CINEMA ng mas mataas na "rating" ang Amnesia Girl. --By Rizalino R. Pinlac, Jr.