Friday, December 31, 2010

Dalaw


Cast: Kris Aquino, Diether Ocampo, Maliksi Morales, Susan Africa, Gina Parreno, Karylle, Alessandra de Rossi; Director: Dondon Santos; Screenplay: Joel Mercado; Producer/ Distributor: Star Cinema; Running Time:100 minutes; Location: Manila; Genre: Horror

Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2
Rating: For Viewers 14 years old and above


Ang biyudang si Stella (Kris Aquino) ay nakatakdang ikasal sa kanyang dating kasintahan at tunay na mahal na si Anton (Diether Ocampo). Ngunit tila tutol dito ang kululuwa ng kanyang namayapa nang asawa niyang si Danilo dahil sa madalas nitong pagpaparamdam sa kanya. Sa araw ng kanilang kasal, inatake ang ina ni Anton na pinaghihinalaang pinagmultuhan ni Danilo. Kinailangang alagaan ang ina ni Anton kung kaya’t napilitan si ang mag-asawang Stella at Anton na lumipat at manirahan sa lumang bahay nito kasama ang anak ni Stella kay Danilo na si Paolo (Maliksi Morales). Ngunit tila sumusunod pa rin ang kaluluwa ni Danilo sa kanila dahil sa maraming kababalaghang nangyayari sa kanilang pamilya. Subalit balot ng hiwaga ang mga dalaw kay Stella, at sa pamamagitan ng katulong nilang si Olga (Gina Pareno), malalaman din ni Stella kung ano ang multong sumusunod sa kanya at ginugulo ang buhay niya.

Sa mga taong sadyang matatakutin at mapaniwalain sa multo at pamahiin, maaaring makagulat pa ang Dalaw, tulad ng napansin naming ilan sa mga nanunuod na napapatili pa sa mga panggulat na eksena. Ngunit sa pihikan at masusing manunood na may alam sa mga aspetong teknikal ng paggawa ng pelikula, naging katawa-tawa lang ito. Nagsubok maghain ang Dalaw ng kakaibang kuwentong katatakutan sa pagpupuno ng maraming komplikasyon sa kuwento. Ngunit sa halip na maging kakaiba ay naging kakatwa ang kinalabasan nito. Sa pagsasama-sama ng maraming elemento, naging mas magulo ang pelikula sa kabuuan. Maraming dapat sana’y mga nakakagulat na eksena ay nagiging katawa-tawa na lamang; ang ilan nama’y parang nakaka-insulto lang ng katalinuhan.

Sa kagustuhan ng Dalaw na piliting maniwala ang manunood sa multo, pinagpatung-patong nito ang mga eksena ng pananakot hanggang maisip mo nang, “Sobra namang kulit ng multong iyan!” lalo pa’t gasgas na ang mga panggulat na iyon sa laksa-laksang horror movies na naipalabas na. Sa kabuuan ay hindi napalabas ng pelikula na ang isang multo ay may mga kakayahang tulad ng kanilang ipinakita, pagka’t tila pinakyaw na ng isang multong ito sa Dalaw ang lahat ng kapangyarihan ng lahat ng mga multo sa buong kasaysayan ng pinilakang tabing. May multo ba talagang makapagkakalat ng putik saan man siya pumunta? Nahahawakan na ba talaga ang multo ngayon at maari nang makipagbuno sa kanila? At ang katawa-tawa pa, bakit nang makipagbuno ang multo sa tao ay nabura ang putik sa braso nito at lumitaw ang tunay niyang balat? (Ay, taong putik lang pala!). Sa maraming eksena ay nakakasapaw ang tunog at kakatwang musika na lalong nagpa-korni sa pelikula. Kakatwa din ang pag-arte ng mga tauhan na tila hindi nagtutugma-tugma. Nasayang ang kani-kanilang galing. Si Aquino ay pasado na sana ngunit lumalabas pa rin siyang nakakatawa kapag mataas na ang eksena dahil kulang sa damdamin. Si Ocampo ay wala pa rin gaanong ibubuga. Nakakahinayang ang husay nila Pareno, Africa, de Rossi at Karylle subalit gawa ng mataimtim nilang pagganap ay—sige na nga!—nagkaroon ng kaunting kabuluhan ang pelikula bilang isang sining.

Gaano nga ba kalakas ang ang kapangyarihan ng isang kaluluwa o ng multo ng yumaong hindi matahimik? Ito ang isang malaking katanungan sa Dalaw. Oo nga’t may pinanggagalingang negatibong emosyon ang isang kaluluwa kung kaya’t hindi ito matahimik, pero anong klaseng kapangyarihan ang naidudulot nito upang makagambala nang ganoong katindi? Kung ito man ay kapangyarihang itim, hindi ba dapat na nilabanan agad ito ng kapangyarihan ng kabutihan at dasal? Sa halip, mas naging mapaniwalain si Stella sa kapangyarihan ng kababalaghan imbes na manalangin sa pagtataboy ng masamang espiritu. Naganap man ito sa bandang huli—sa bendisyon na isinagawa ng isang pari—hindi naman naging malinaw kung ito nga ba ay ipinalalabas nilang nakatulong o nakapagpalala pa sa situasyon. May mga kasalanang pinagsisihan sa bandang huli ngunit kailangan pa bang takutin at pagmultuhan ang isang tao para mabagabag ang budhi niya? Hindi rin nilinaw kung ano ang naging plano ng isang lalaki sa magiging anak nito sa kanyang kasintahan at palabasing tama ang kanyang desisyong magpakasal sa iba habang mayroon pala itong sinasaktan at pinapabayaan.

Sa kabuuan ay malabo rin ang mensaheng nais ipahiwatig ng Dalaw. Ninais lamang ba nitong kilitiin ang mga manonood sa pagbibigay ng kuwentong katatakutan? Gusto lamang ba nitong bigyang babala ang mga lalaking nang-iiwan sa kanilang mga binubuntis? Ang pinakamalaking pagkakamali ng Dalaw ay hindi ang maging katawa-tawa sa kaniyang pananakot, kungdi ang hayaang apihin ng paghihiganti ng isang multo ang tao. Bakit ni hindi naisip ninuman sa kanila ang tumakbo sa Diyos, manalangin at humingi ng tulong gayong nginig na nginig na sila sa takot? May imahen mang sagrado kang masisilip sa ilang mga eksena, ito’y nagsisilbing dekorasyon lang sa dingding o sa altar. Wala silang pinagtitiwalaan kungdi ang sarili nilang lakas—tuloy nawika ng isang matabil naming katabi sa sinehan, “Alam mo nang hindi mo kaya, hindi ka pa magdasal, buti nga sa iyo!” At hindi pa tapos yan: sa dulo ng pelikula, ipinahiwatig pa na hindi pa nasisiyahan ang multo sa dami ng pinatay nitong mga tao sa kanyang paghihiganti. May isa pa siyang pinupuntirya—isang walang sala. At doon nagwakas ang pelikula.

Ang MTRCB rating sa Dalaw ay PG 13. Ibig sabihin nito, puwede itong panoorin ng mga batang wala pang 13-taong gulang, basta’t magagabayan ng mga magulang. Kung sa murang edad pa lamang ay tinuturuan na natin ang mga bata sa pamamagitan ng pelikula na higit pang makapangyarihan ang multo kaysa tao—at walang Diyos na maaaring tumulong sa tao—ano na ang mangyayari sa kinabukasan ng ating magulo nang lipunan?--By Rizalino Pinlac