Thursday, January 6, 2011
Si Agimat at Si Enteng Kabisote
CAST: Bong Revilla, Vic Sotto, Gwen Zamora, Sam Pinto, Oyo Boy, Amy Perez; DIRECTOR: Tony Y Reyes; MUSICAL DIRECTOR: Jesse Lasaten; PRODUCER: Marlon Bautista, Marvic Sotto, Orly Ilacad, Aneth Gozon; DISTRIBUTOR: Imus Production, M-ZET, APT, GMA Films, Octo Arts; GENRE: Comedy; LOCATION: Manila Philippines; RUNNING TIME: 110 minutes
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: PG 13 (Children aged 13 and below with parental guidance)
Sa pagtugis ni Agimat (Bong Revilla) sa kalaban ay mapapadpad siya sa Enkantasya kung saan kasalukuyang sinusundo ni Enteng (Vic Sotto) ang kanyang asawa na si Faye (Gwen Zamora). Sa simula ay mapapagkamalan ni Enteng na kalaban si Agimat subalit mamamagitan si Ina Magenta (Amy Perez) at matatanto ni Enteng na magkakampi sila sa pagsupil sa kasamaan. Upang matupad ang pagsasanib-puwersa nina Agimat at Enteng ay sabay silang magbabalik sa mundo ng mga tao upang magbigay ng proteksyon laban sa paghahasik ng lagim ng mga kampon ng kadiliman. Sa maikling pamamalagi ni Agimat sa tahanan ni Enteng nakadama si Agimat ng magkahalong kasiyahan at panibugho dahil sa nakita niyang magandang samahan ng pamilya ni Enteng. Naisip niya na dahil sa pagtupad niya sa kanyang misyon na paglaban sa kasamahan ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na magkapamilya. Lingid sa kaalaman ni Agimat, si Samara (Sam Pinto), isang babaeng mandirigma, ang matagal nang humahanga at inaasam na maging asawa niya. Magiging tulay ang batang si Bebeng (Jillian) na kapwa nila nailigtas mula sa kamay ng mga halimaw upang magkalapit sina Agimat at Samara. Katulad ni Enteng ay nakasumpong din si Agimat ng masayang pamilya sa piling nina Samara at ng ulilang si Bebeng na itinuring nilang anak. Samantala nagsanib din ng mga pwersa ang mga mortal na kalaban nina Enteng at Agimat. Mula sa taglay na kapangyarihan ng mga kampon ng kadiliman ay ginaya ang anyo ng dalawa upang kidnapin sina Faye at Samara at pagbintangan ang isa’t isa. Dahil dito ay magiging magkalaban sina Enteng at Agimat.
Maganda ang ideya ng produksyon ng Ang Agimat at si Enteng na pagsamahin sa isang pelikula ang dalawang malaking tauhan sa pelikula. Ang karakter ni Agimat ay may misyon na pagsupil sa kasamaan samantala simpleng tao naman ang karakter ni Enteng na hindi sinasamantala ang kapangyarihang enkantado ng kanyang asawa at mga anak. Nabigyan ng patas na pagtatampok ang dalawang karakter bilang mga alagad ng kabutihan sa pelikula. Bagamat umiinog sa mga kaaway ni Agimat ay markado ang partisipasyon ng orihinal na kalaban ni Enteng na si Satana. Maliban naman kay Sotto ay wala ng masyadong inihain sa pag-arte ang iba pang nagsiganap. Gayunpaman ay nakapagbigay-aliw ang mga “special effects” ng mahika at ang disenyo ng produksyon. Patok sa mga batang manonood ang mga eksenang tulad nito. Maganda rin ang mga kuha ng kamera at iba’t ibang komposisyon na nagpapakita ng magagandang tanawin.
Pagbubuklod ng pamilya at pagwawagi ng kabutihan laban sa kasamaan ang tema ng Ang Agimat at si Enteng. Isang pamilyang nagkakabuklod sa pananalangin, suporta at proteksyon sa bawat isa at sa kapwa. Isang amang nakakaunawa at handang tiisin na malayo ang anak bilang paggalang sa hangarin nito na abutin ang pangarap. Pinakita rin ang pagiging responsable at paggamit sa taglay na kapangyarihan sa tamang paraan. Bilang tao ay mas matamis ang tagumpay kung patas at pinaghihirapan ang lahat. Ang isang may misyon ay nakitaan ng focus at dedikasyon. Bagamat ginamitan ng teknik na walang pinakitang dugo sa mga eksena ng espadahan ay dapat pa ring gabayan ang mga bata na kathang isip lamang ang kwento at delikadong maglaro ng matalim na bagay tulad ng espada. Sa kabuuan ay positibo ang pelikula sa mga aral ng buhay. –Ni Imelda Benitez