Friday, January 7, 2011

Rosario


CAST: Jennilyn Mercado, Dennis Trillo (Alberto), Isabel Oli (Carmen) Sid Lucero (carding), Yul Servo (Vicente), Philip Salvador (don enrique), Eula Valdez (dona adela); Dolphy (Hesus). DIRECTOR: Alberto P. Martinez. PRODUCER: TV5 and Cinemabuhay. STORY: Manny Pangilinan.

Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: R 18


Taong 1920, darating mula sa Nuweba York and kaakit-akit na dalagang si Rosario (Jennylyn Mercado) upang magbakasyon sa kanilang hacienda. Dahil sa lubhang makabago niyang mga gawi, madali siyang lulutang sa mga pagtitipon, bagay na kanyang ikagagalak ngunit ikababahala naman ng kanyang amang si Don Enrique (Philip Salvador). Mapusok si Rosario at hindi itatago ang kanyang nasa kay Vicente (Yul Servo), katiwala ng kanyang ama sa kanilang pataniman ng tabako na mapapa-ibig naman ng dalaga. Hindi maglalaon, matutuklasan ni Don Enrique ang bawal na pag-ibig, palalayasin ang binugbog na binata at ikukulong sa kumbento si Rosario. Makakatakas naman si Rosario at magtataanan sila ni Vicente patungong Maynila. Sapagkat mahusay sa gawain at masipag si Vicente, giginhawa naman ang buhay nila at ng kanilang anak sa Maynila ngunit magkakasakit si Vicente ng tuberkulosis at titigil ito sa trabaho, bagay na magiging dahilan upang si Rosario ay maghanap ng trabaho. Papatol si Rosario sa masugid niyang mangliligaw na makikilala niya sa kanyang pinapasukang opisina, si Alberto (Dennis Trillo). Mahuhuli ni Vicente ang kapalaluan ng dalawa, at ihahabla nito ang asawa at ang kanyang kalaguyo sa hukuman. Mapapatunayang nagkasala si Rosario’t si Alberto at hahatulang itapon sa Hongkong kung saan iluluwal ni Rosario ang anak na lalaking si Hesus. Pagbabalik ng mag-anak sa Pilipinas, lalayasan naman ni Alberto ang mag-ina sa paghihinalang nakikiapid si Rosario kay Carding (Sid Lucero), pamangkin ng may-ari ng bahay na kanilang tinutuluyan. Titiisin ni Rosario ang hirap ng buhay, tatanggap ng labada at palantsahin upang maitaguyod ang anak, ngunit sadyang magiging malupit sa mag-ina ang tadhana.

Ang Rosario ay base sa tunay na pangyayari ayon sa Producer nitong si Manny Pangilinan, at isinagawa naman sa pelikula sa pagdidirihe ng kilalang aktor na si Albert Martinez bilang kanyang unang proyekto bilang direktor. Ang paglalahad ng kuwento ng karanasan ni Rosario ay nagmumula sa pananaw ng kanyang anak na si Hesus (Dolphy), na siyang magbubukas at magsasara ng pelikula. Hindi lamang ginastusan kundi pinaghirapan ding sadya ang Rosario, at ito’y mababakas sa maayos na pagsasalarawan ng panahong 1920.

Hindi madaling gumawa ng period movie pagkat mahirap maghanap ng mga elementong bubuo ng mga production sets upang higit na maging tapat sa panahon at kapani-paniwala ang pelikula. Marahil madaling tumahi ng mga costumes o damit para magmukhang “unang panahon” ang pelikula; gayon din sa make-up at ayos ng buhok, pati na ng mga ekstra, basta’t masusing sinaliksik ito at hindi ginawang tantiya-tantiya o hula-hula lamang. Subali’t ang paghahanap ng mga bahay, pier at barkong luma, halimbawa, ay kailangang pagpawisan; tulad din ng pag-iipon ng sapat na mga sasakyang sinauna na magagara pa at tumatakbo nang maayos upang ipakita ang karangyaan ng buhay-hacienda ng dalagang si Rosario. (Kung sabagay halos wala nang hindi magagawa sa tulong ng Computer Generated Imagery o CGI ngayon.) Ang mumunting mga bagay na ito ay may kani-kanyang ambag tungo sa ikabubuo at ikagaganda ng pelikula. Para madala ng pelikula ang manunood sa nakaraan, hindi siya dapat makasulyap man lang ng kahit anong makabago o magpapaalala sa kanya sa kasalukuyan. (May nasilip ba kayong kotseng Toyota, o plantsang de-koryente, o MacDonald’s noong sa Maynila na naninirahan sila Rosario?)

May mga bagay din naman sa Rosario na nakakabawas sa pagiging buo ng pelikula, tulad halimbawa ng labis na liwanag sa mga mukha ng artista magkaminsan na nakakahadlang sa pagkakaroon ng akmang “mood” ng eksena. O kaya’y ang pag-iiba-iba ng hugis ng kilay ng mga babaeng artista—hindi “consistent” ang guhit, ika nga, na nagpapahiwatig na hindi sanay ang make-up artist sa pagpinta ng make-up noong panahong iyon. Dapat sana’y may giya silang larawan ng mukhang gusto nilang palabasin, at tularan iyon hangga’t kinakailangan ang ganoong anyo. Maaari namang pagpikitan na lang ng mata ang mga kapintasang iyon lalo na’t kung susukatin mo ang katapatan ng pagganap ng mga pangunahing aktor.

Mahusay na ginampanan nila Servo, Trillo at Lucero ang kani-kaniyang papel—pinangibabaw nila ang kani-kanyang karakter, kaya’t “buhay” ang mga ito. Sa ma-dramang papel naman ni Rosario ay makikitang nagsisimula nang mamukadkad ang talino sa pag-arte ni Mercado. Bagama’t ang kanyang karakter ay isang babaeng may sariling pag-iisip noong mga panahong hindi ito tanggap ng lipunan, nakuha ni Mercado na manulay sa pagitan ng pagiging malaya at pagiging api. May sapat na karakter ang mukha at kilos ni Mercado upang siya ay maging kapani-paniwala bilang isang biktima man o isang nambibiktima. Hindi namin mapigilang magtaka kung bakit hindi man lamang nakakuha ng nominasyon si Mercado bilang “Best Actress” sa nakaraang Manila Film Festival (MFF) samantalang bukod-tanging Rosario lamang ang pelikulang may napakalaking hamon para sa mga nagsisiganap.

Rosario lamang ang hindi naglalaman ng komedya sa mga pelikulang tampok sa nakaraang MFF; ito’y isang kuwentong hango mula sa tunay na buhay na isinalaysay ng tunay na anak ni Rosario, si Hesus, kay Pangilinan. Ang mga inilahad ng pelikula ay sumasalamin lamang sa mga totoong pangyayari; wasto lamang na hindi sinikap ng direktor o ng pelikula na pangunahan ang manunood na husgahan si Rosario. Sa halip, ipinakikita lamang ng pelikula na ang tadhana na mismo ang siyang humuhusga sa gawain ng tao. Sa sinapit ni Rosario sanhi ng kanyang kapusukan at dala ng kagipitan, maaaring masabing may isang buhay na nasayang, mga pamilyang nawasak, kayamanang tinalikuran, at kinabukasang itinapon. Maganda, matalino at may husay sa pagtugtog ng piano si Rosario, ngunit pinili niya ang pinili niyang buhay. Maihahalintulad si Rosario sa isang maapoy na konsiyertong inihinto sa kalagitnaan ng paglikha, isina-isang tabi, natabunan ng limot, hanggang sa hindi na ito matagpuan—tulad ng mga labi ni Rosario na hindi na rin malaman kung saan dadalawin ng mga naiwan. -Teresa R. Tunay, OCDS