Friday, January 7, 2011

Shake, Rattle and Roll 12


CAST: Shaine Magdayao, Ricky Davao, Andi Eigenmann, Carla Abellana; Nash Aguas DIRECTORS: Zoren Legaspi, Topel Lee, Jerrold Tarog; PRODUCERS: Roselle Monteverde-Teo, Lily Monteverde; LOCATION: Luzon; GENRE: Horror; DISTRIBUTOR: Regal Films

Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: V14


Ang unang kwento ay umiikot sa magkapatid na naulila na sa ina. Sa isang pagdalaw nila sa sementeryo ay makakapulot ng isang lumang manyika ang mas nakababatang kapatid. Iuuwi niya ito at tatawagin MAMA DOLL dahil tila ba pupunan nito ang pangungulila niya sa ina. Pero malaki ang pagdududa ng kanyang nakatatandang kapatid na si Anna (Shaina Magdayao) na may masamang espiritu nakapaloob sa manyikang ito at hindi nito titigilan hangga’t hindi matuklasan ang kwento sa likod ni Mama Doll.

Ang sumunod na kwento ay pinamagatang ISLA dahil naganap ito sa isang liblib na islang tinitirahan diumano ng engkanto. Daranting sina Andrea (Andi Eigenmann) dito upang magbakasyon at paghilumin ang puso. Susubukan niyang idaos ang SOULMATE RITUAL kung saan ay makikita niya ang mukha ni Rey (Rayver Cruz), ang tagapangalaga ng isla na nawalan na rin ng kasintahan dito. Pero sa halip ay matitipuan si Andrea ng engkanto at tuwing gabi ay susunduin siya ng mga lambana upang dalhin sa kaniyang kuta. Mapipigilan ba ni Rey na maulit kay Andrea ang nangyari sa kanyang kasintahan?
Ang huling kwento ay ang PUNENARYA at umiikot ito kay Diane (Carla Abella) at ang kanyang karanasan sa pamilya ng mga batang kanyang tinuturuan. Dahil sobrang sensitibo sa liwanag ang kanilang pamilya ay mapipilitan si Carlo (Sid Lucero) na kumuha ng tutor para sa kanyang mga anak sa kabila ng panganib na matuklasan ni Diane ang kakila-kilabot na liham ng kaniyang pamilya.

Hindi ko maintindihan kung bakit kung kailan panahon ng pagsasaya at pagdiriwang ay gugustuhin ng mga taong manuod ng kakatakutan. Sa ika-12 serye ng Shake, Rattle and Roll lalong ginawang nakakikilabot and mga eksena dahil talaga namang nakadidiri ang umaapaw na dugo at lamang loob. Isa-isahin natin ang aspetong teknikal ng 3 kwento.
Sinikap ni Legaspi na bigyan ng bagong atake ang istilo ng pananakot sa MAMA-YIKA sa pamamagitan ng tila hapyaw at magulong mga kuha. Maganda sana ito at nakadagdag sa tensyon kung sinikap din ng manunulat na ayusin ang mga dialogue at gawing mas orihinal ang kwento. Hindi lamang korni ang script kundi nakakabagot pa ito. Hindi rin buo ang kwento dahil maraming eksena o tauhan ang maaring alisin nang wala naming mawawala sa itinakdang istorya. Nakakatawa rin ang halimaw na manyika. Kunwa’y imortal at di tinatablan ng patalim o ng pagpugot ng ulo pero namatay pangsumandali nang tamaan ng bala. Ang walang buhay na pagganap ni Magdayao ay lalong nakapangit sa yugtong ito.

Kung nakaiinis ang mala Chuckie doll na MAMA-YIKA ay nakalilito naman ang kwento ng ISLA. Hindi mo na nga maintindihan ang tinutukoy na misyteryo ng Engkanto at ni Ray, magulo pa ng pagtatagni-tagni ng mga eksena. May mga lumitaw na engkanto na bigla na lamang nawala at nakalimutan. Maging ang tauhan ni Maya (John Lapus) ay hindi naman nakatulong sa istorya, bagkus ay pampatawa lamang para siguro hindi naman mahalata ng tao na walang saysay ang yugtong ito. Hindi ko na rin bubusisiin ang hindi magandang visual at computer generated effects nito na para bang isiningit lamang ng wala ni kaunting pagplaplano.

Pinakamatino na sana ang PUNENARYA. Magaling ang supporting cast, malinaw ang istorya at buo ang daloy ng kwento. Maganda rin ang katauhan ni Diane (kahit magtataka ka kung bakit ang pilay na kapatid pa ang pinasundo niya nang siya ay malagay sa panganib) bilang bida dahil matapang siya at marunong manimbang kumpara sa iba babaeng pinatatakbo at pinasisigaw lamang habang hinahabol ng mga halimaw. Kaya lang ito rin ang yugto na talaga namang nakadidiri at dinaan ang pananakot sa pag-agos ng dugo, mga asong kumakain ng laman at pagtiwangwang ng lamang-loob ng biktimang kinakain nnag buhay.

Sa kabuuan, hindi sulit ang panunuod ng Shake Rattle and Roll 12; mas tipid pa kung aabangan na lamang ang pagpapalabas nito sa telebisyon o cable para malibang naman ang manunuod sa mga isisingit na commercial. Kadalasang nakikita sa mga pelikulang horror ang katapangan ng bida at katapatan sa kanyang mga mahal sa buhay. Sinikap ng pelikula na ipakita ito sa pagmamalasakit ni Anna sa kapatid, sa mga kaibigan ni Andrea at sa kabaitan ni Dianne. Magandang halimbawa rin sana ang katauhan ni Carlo na may paggalang sa tao kahit kaunti kaya’t pinili nilang bangkay lamang ang kainin (mala –Cullen ng Twilight). Pero ang katangiang ito ay nasasapawan ng maliit ngunit nakababalisang mensahe.

Una, sa MAMA-YIKA, hindi marunong magpatawad si Anna dahil hanggang kalagitnaan ng kwento ay sinisisi pa rin niya ang kanyang ama sa pagkamatay ng ina. Ikalawa, ang pagmamahal ng kanyang ama ay katumbas lamang ng mga laruan at materyal na bagay na naibibigay niya sa anak. Parang hindi siya nagsumikap na makabawi o mapunuan sa mga anak ang pagkawala ng kabiyak dahil sa kanyang kasalanan. Ikatlo, sa ISLA, tila ba ang paraan ng pagsasaya at paglimot sa sakit ng kalooban ay ang paglulong sa alak gabi-gabi.

Subalit ang pinakanakababalisa sa lahat ay sa tatlong kwento, para bang hindi naggapi ang kasamaan. Ang katapusan ng tatlong istorya ay nagpapahayag ng muling pagsasaboy ng lagim at kamatayan. Oo nga’t ganito ang buhay, umiikot at madalas nagpapatuloy pa rin ang kasamaan sa kabila ng pakikipaglaban ng ilan pero sana ay nagbigay naman ang pelikula ng kahit kapirasong pag-asa upang maipakita na sa huli kabutihan pa rin ang mangingibabaw.

Hindi angkop ang pelikula sa mga bata dahil sa tema, mga tagong mensahe at labis na karahasan ng mga eksena.—Ni Josefina Fenomeno