Thursday, January 6, 2011

RPG: Metanoia


CAST: (voices of) Zaijan Jaranilla, Aga Muhlach, Eugene Domingo, Vhong Navarro; DIRECTOR: Luis Suarez; SCREENPLAY: Luis Suarez; PRODUCER: Ambient Media, DISTRIBUTOR: Star Cinema; GENRE: Animation; RUNNING TIME: 100 minutes;

Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 4
CINEMA Rating: For viewers of all ages


Si Nico (boses ni Zaijan Jaranilla) ay isang tipikal na batang mas kinahihiligan ang paglalaro ng computer games kaysa pakikipaglaro sa labas. Sa kabila ng pangungumbinsi ng kanyang ina (boses ni Eugene Domingo) na maglaro sa labas, ay tila may pag-aalinlangan parati si Nico. Ang totoo kasi’y walang tiwala si Nico sa sariling kakayahan at ang pag-aakala niya’y hindi siya nararapat sa mga gawain at larong pisikal. Sa paglalaro niya ng RPG: Metanoia, nagiging bayani at bida si Nico bilang si Zero, isang superhero na may taglay na kapangyarihan sa pamamagitan ng yoyo. Dahil kay Nico, nanguguna ang kanilang grupo sa larong Metanoia. Sa mundo ng Metanoia ay nagkakaroon si Nico ng kompiyansa sa sarili at dito na rin napapatibay ang samahan nilang magkakaibigan. Sa Metanoia rin natagpuan ni Nico ang kahulugan ng buhay at pag-ibig. Ito rin ang nagbibigay sa kanila ng koneksyon ng kaniyang amang nagtatatrabaho sa Dubai. Ngunit dahil din sa kabayanihang ito ni Nico ay mapapatalsik ang kanyang grupo sa internet cafĂ© na kanilang pinaglalaruan. Mapipilitan sila ngayon na manumbalik sa kalsada at makuntento sa mga larong kalye. Lingid sa kanilang kaalaman ay may nagbabadyang panganib sa Metanoia dahil ang kalaban ay may nakuhang kakaibang lakas at tanging sila lamang ang maaring makalaban at makapagligtas sa iba pang nasa panganib. Makabalik kaya silang muli sa laro at maging bayani kayang muli si Nico?

Isang pelikulang tunay na maipagmamalaki ng bawat Pilipino ang RPG: Metanoia. Sa una’y aakalain na isang napakataas na ambisyon para sa mga manlilikha ng pelikula at sumabak sa larangan ng animation na tanging mga progresibong bansa lamang ang nakakagawa nito ng buong husay. Ngunit pinatunayan ng RPG: Metanoia na kayang-kaya na ng mga Pilipinong makipagsabayan sa larangang ito ng pelikula. Walang itulak-kabigin ang kahusayan ng CGI (Computer Generated Imagery) sa pelikula—world class ika nga. Aakalain din ng manonood na puro effects lamang ang mapapanood sa pelikula ngunit hindi. Ang RPG Metanoia ay may simple ngunit malalim na kuwento rin. Maayos ang pagkakalahad nito at talaga namang maituturing na orihinal sa kulturang Pilipino. Kahanga-hanga kung paanong napagtagpo ng pelikula ang makabagong teknolohiya at ang makaluma at tradisyunal na pagpapahalagang Pilipino. Sa isang banda, tinatangkilik ng pelikula ang mga likhang-banyaga ngunit sa isang banda rin ay binibigyang-pugay nito ang ating pagiging Pililipino sa napakaraming detalye ng pelikula na maididikit lamang sa pagka-Pilipino nito. Tulad ng yoyo na imbensiyong Pilipino, nariyan din ang kalesa, daing na bangus, barong, larong kalye at iba pa. Nariyan ding ipakita ang napakaraming hilig ng Pilipino—kuwentuhan sa sari-sari store, mga Koreanovela, OFWs at marami pang iba.

Hitik sa magagandang aral ng kabutihang-asal ang RPG: Metanoia. Bagama’t masasabing pawang may karahasan at masasamang epekto ang makabagong teknolohiya, partikular na ang computer games, ay naipakita pa rin ang ilan at maraming magagandang bagay na maaring maidulot nito. Sa larong Metanoia ay naisasakatuparan ng mga manlalaro ang kani-kanilang papel bilang bayani at kalaban. Ipinakita dito ang paglalaban ng kasamaan at kabutihan na gaano man kahirap at kalakas ang kalaban, ang kabutihan pa rin ang siyang magwawagi basta’t may pagtutulungan at malasakit sa isa’t-isa. Si Nico ay simbolo ng mga kabataang Pilipino sa makabagong panahon—mahusay sa teknolohiya, matalas ang isip at higit sa lahat, may angking katapangan sa oras na kinakailangan. Kitang-kita na ang nagtutulak sa kanya upang maging matapang ay pagmamahal. Sa kabila nito ay ang kanyang hindi maitatangging kamusmusan—maraming takot, maraming alinlangan ngunit sa tulong ng mga kaibigan at lalo’t higit ng pamilya, kanya itong nalalagpasan. Kahanga-hanga kung paanong isinalarawan ang pamilyang Pilipino sa pelikula. Tunay ngang marami sa ating pamilya sa kasalukuyan ay hindi pisikal na magkakasama dala na rin ng matinding pangangailangang mangibang-bayan alang-alang sa kapakanan ng pamilya. Sabi nga rin sa pelikula, sila ay mga tunay na bayani rin. Ang pagiging tunay na bayani ay hindi lamang makikita sa pakikipag-laban kundi pati rin sa pagsasakripisyo alang-alang sa kabutihan ng nakararami. Tunay na bayani rin ang mga nasa likod ng pelikulang RPG: Metanoia na sa gitna ng maraming balakid ay nagawang makabuo ng isang maipagmamalaking obra na pinagsanib ang modernong teknologhiya at kulturang Pilipino. Kung hindi man pantay-pantay ang katayuan ng mga lahi sa mundo, sa Metanoia, maaring maghari ang lahing Pilipino. Hindi man pisikal na magkakasama ang pamilyang Pilipino, sa Metanoia, maari silang magkita, magkausap at magkatulungan. Sana ang RPG: Metanoia na ang simula upang kilalanin ang Pilipinas sa buong mundo bilang mahuhusay na manlilikha ng animasyon at sana rin ay matamo ng pelikulang ito ang nararapat na suporta ng manonood upang magpatuloy pa sila sa paggawa ng maraming obra.--Ni Rizalino R. Pinlac, Jr.