Saturday, January 2, 2010

Wapakman

Cast: Manny Pacquiao, Krista Ranillo, Rufa Mae Quinto, Bianca King; Director: Topel Lee; Producers: Wilson Tieng; Music: Von de Guzman; Genre: Action/ Drama/ Sci-Fi; Distributor: Solar Entertainment Corporation; Location: Philippines;

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above

Ulirang ama si Magno Meneses (Manny Pacquiao) sa kanyang apat na anak at isang ampon, nagtatrabaho naman sa Italya bilang isang DH ang kanyang maybahay na si Magda (Ruffa Mae Quinto) sa internet lamang nila ito nakakausap. Sa kanyang debosyon at sipag na itaguyod ang mga bata, anupa’t siya’y ama’t ina na rin ng mga ito, datapwa’t hindi alam ng mga ito ang kanyang hanapbuhay sa kompanya ng poso negro. Sa isang hindi inaasahang pangyayari, malalanghap ni Magno ang isang imbensiyong kemikal na ipinapanakaw ni Dr. Rex (Jojo Alejar), isang mad scientist, mula sa imbentor nito. Nakapagbibigay ng kakaibang lakas ang kemikal na ito. Darating ang pagkakataong kakailanganin ang pagtulong ni Magno sa isang kahip[itan, at doon niya matutuklasan ang kanyang di pangkaraniwang lakas, hanggang sa siya’y taguriang “Wapakman”

Kapuna-punang pinakamahina sa takilya ang Wapakman noong Manila Film Festival. Nag-iisa po sa sinehan ang CINEMA reviewer noong siya ay manood, at ayon din sa mga takilyera, pinaka-kaunti daw ang benta nito. Marahil, higit na gusto ng madla na panoorin ang tunay na lakas ni Manny Pacquiao bilang boksingero kaysa sa pantasya niyang lakas bilang isang superhero. Kung tutuusin, hindi naman magpapahuli ang Wapakman sa iba pang mga pelikulang tampok sa Manila Film Festival. May pagka-spoof pa nga ito, pinaghalong komedya at drama, at nasa lugar naman ang anumang matatawag nitong “toilet humor” pagkat ang trabaho mismo ng karakter ni Pacquiao ay, sa kanyang sariling salita, “Taga-sep-sep ng ebak.” Kapuri-puri pa nga na sa kabila ng ganitong trabaho, ay hindi kinapital ito ng direktor upang gawing totoong “toilet humor” ang mga patawa dito. Sana lamang ay hindi masaktan ang mga Bisaya sapagkat ang kanilang kakatwang pananalita ang isa sa mga lumutang na puhunan upang mapatawa ang nanonood. Mahusay ang interpretasyon ni Alejar bilang mad scientist; sa kabilang dako, gasgas na plaka na ang arte at pananalita ni Quinto bilang isang sexpot. Mayroon ding nagsasabing tuyot ang pagganap ni Pacquiao, subalit totoo man yon, akma naman sa pagkatao ng papel niya na kimi, siryoso sa buhay, at pasensyosong lalaking na-“torotot” ng kanyang seksing maybahay.

Mapapatawa na marahil ng madla ang ilang teknikal na kakulangan ng Wapakman, sapagkat sadyang hitik naman ito sa mga values na dapat ay itaguyod natin sa mga panahong ito—tulad ng pagmamahal sa gawain gaano mang kahamak ito sa mata ng tao; ng pagiging tapat sa asawa at ulirang ama sa kabila ng kataksilan ng babae; ng paggamit ng kapangyarihan tungo sa ikabubuti ng balana; ng pagiging mapagkumbaba sa kabila ng katanyagan; ng takot sa Diyos at pagiging tapat sa sarili, at iba pa. Ito’y mga aral na mapapakinabangan ng mga “marunong bumasa” sa ating lipunan. Maraming mapapag-usapan ang mga guro at kabataan, ang mga anak at mga magulang, sa pelikulang Wapakman—mga katanungang humihingi ng kasagutang hindi pagtuunan ng pansin ng mga “bingi” sa ating mga tagapamuno. Kailangan ba natin talagang magtrabaho sa labas ng bansa sa kabila ng mga panganib na dulot nito sa pamilya? Ang mga nakatapos lamang ba ng kolehiyo at nagtatrabaho sa malilinis na opisina ang may karapatang ipagmalaki ang kanilang trabaho? Hindi ba sapat nang maging tapat, marangal at malinis ang puso ng ating mga magulang upang sila ay ating ikaligaya at ipagmalaki? May hanggahan bang kinikilala ang pagpapatawad sa nagkasala? Bagama’t may masamang ipinakikita ang pelikula (ang hantarang pagtataksil ni Magda), sa dulo’y mamamasid naman ang tagumpay ng kabutihan sa pagbabagong-loob ng kanyang panganay na anak. Sayang at hindi gasinong pinapansin ng mga manonood ang Wapakman. Lata man ang kuwento nito, tanso man ang pagkakaganap, tunay na ginto ang mensahe ng pelikula. Higit pa sa sulit sa halaga ng tiket.