Cast: Kim Chiu, Gerarld Anderson, Melissa Ricks, Ricky Davao, Rio Locsin; Director: Ruel Bayani; Producers:; Screenwriter: Ralph Jacinto Quiblat, Carmille Andrea Mangampat; Genre: Drama; Distributor: Star Cinema; Location: Manila; Running Time: 100 mins;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Matalik na magkaibigan sina Mae (Kim Chiu) at Bogs (Gerald Anderson) ngunit si Mae ay may lihim na pagtingin kay Bogs. Matagal itong kinimkim ni Mae habang si Bogs naman ay baliw na baliw kay Anna (Melissa Ricks). Bilang matalik na kaibigan, madalas tinutulungan pa ni Mae si Bogs sa mga gimik nito sa panliligaw kay Anna hanggang sa tuluyan nang maging magkasintahan ang dalawa. Ngunit isang araw ay bigla na lamang makikipag-hiwalay si Anna kay Bogs dahil may iba na pala itong mahal. Labis itong dadamdamin ni Bogs at ibibigay naman ni Mae ang kanyang todong suporta dito hanggang sa di-maiiwasang maibulalas ni Mae kay Bogs ang pinakatatago niyang damdamin para dito. Ito ang maghuhudyat ng pagtatapos ng kanilang pagiging magkaibigan at magsisimula na silang maging magkasintahan. Maayos na sana ang lahat sa kanilang dalawa nang biglang magbalik sa buhay ni Bogs si Anna. Dito magsisimulang mapaisip si Mae kung talagang minahal nga ba siya ni Bogs o naging panakip-butas lamang siya.
Kung tutuusin ay walang gaanong bago sa kuwento. Dalawang matalik na magkaibigan na magkaka-ibigan. Halos walang pinag-iba ang takbo ng kuwento sa mga nakagawian nang palabas na may parehas na tema. Pinakabago na lang marahil ay ang mga nagsiganap na pawang maiinit na tambalan ng makabagong henerasyon. Mahuhusay naman ang kanilang naging pagganap. Higit na mahusay ang mga pangalawang tauhan na nagpatibay pang lalo sa bigat at lalim ng daloy ng kuwento. Maayos naman ang pagkakadirehe at tama ang timpla ng mga emosyon sa bawat eksena. Yun nga lang, may mga linyang pawang luma at gasgas nang maririnig sa ibang mga pelikula. Sa kabuuan ay dama ang pagiging luma ng materyal. Hindi malinaw kung ano ang kaaya-ayang katangian ng mga tauhan upang sila ay magmahalan o mahalin. Magdudulot ito ng labis na kalituhan sa tunay na kahulugan ng pagmamahal.
Umikot ang buong kuwento sa tema ng pagmamahal at sa maraming uri nito na sa bandang huli’y pawang magkaka-kabit at magkakarugtong. Sinasabi ng pelikula na sa tahanan unang natututunan ang pagmamahal. Kung salat nito sa mga tahanan ay hahanapin ito sa labas at walang kasiguruhang matutunan at magagampanan ito ng maayos sa kabila ng kakulangan nito sa pamilya. Ito ang ipinakita sa relasyong Mae at Bogs. Parehas silang naghahangad ng pagmamahal sa kani-kanilang pamilya. Si Mae, sa kanyang ama, samantalang si Bogs, sa kanyang ina. Nagawa nilang punan ang mga kakulangang ito sa lalim ng kanilang pagkakaibigan hanggang sa sila’y tuluyang maging magkasintahan ngunit pawang hindi pa rin naging sapat ang isa’t-isa upang punan ang anumang kakulangan. Magandang mensahe ito sa mga pamilya upang kanilang pagtibayin ang pagmamahal sa loob ng tahanan dahil ito ang magiging matibay na pundasyon ng kahit sinong magmamahal. Anu mang labis at kulang ay makasasama maging sa pagmamahal. Ang ama ni Mae ay naging malabis sa pagnanais na mapabuti ang anak na sa bandang huli’y labis na sama ng loob lamang ang naitanim sa puso nito. Naging malabis din ang ibinuhos na pagmamahal ni Mae sa kanyang kaibigang si Bogs na halos makalimutan na niya ang kanyang sariling kapakanan. Ngunit magandang pundasyon din ng pagmamahalan ang pagkakaibigan bagama’t mahirap itong panindigan. Sa bandang huli nama’y namayani pa rin ang wagas na pag-ibig at walang hindi bumubuti kung paiiralin ang unawaan at pagpapatawad.