Cast: Dolphy, Eric Quizon, Eddie Garcia, Pokwang, Heart Evangelista, Jeffrey Quizon, Eugene Domingo, Vandolf, G Tongie; Director: Eric Quizon; Producer: Rodolfo Quizon; Screenwriters: Eric Quizon and Bibeth Orteza; Music: ; Editor: ; Genre: Comedy/ Light Drama; Location: Philippines and US; Running Time: 100 mins;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Residente si Juan Dela Cruz (Dolphy/Jeffrey Quizon) sa isang "home for the elderly" sa America. Bagamat pag-aari ng sarili niyang anak na si Mario (Eric) at ng asawa nitong si Alana (G Tongie) ang institusyon ay hindi masaya si Juan sa pananatili niya dito dahil si siya sang-ayon sa pagbabawal sa kanilang mga matatanda na makapanood ng paborito nilang programa sa telebisyon na tangi nilang libangan. Naiibsan nito ang pangungulila ni Juan sa Pilipinas at mga alaala ng pagkakaibigan nila ng mga nakasama niya sa entablado noong panahon ng hapon na sina Toribio a.k.a Tu (Eddie Garcia/Vandolf), Lolay (Pokwang) at unang niyang pag-ibig na si Aida (Gloria Romero/Heart). Nang nagkaroon ng matinding alitan ang mag-asawang Mario at Alana ay lumipat muna si Juan sa isa niyang anak sa America na si John. Dito magkakaroon siya ng pagkakataon na mahawakan ang passport at makapag-withdraw ng pera sa bangko upang makabalik sa Pilipinas. Ano ang naghihintay kay Juan sa kanyang pagbabalik sa sariling bayan?
Sa kabila ng masalimuot na takbo ng istorya ay nai-sentro naman sa karakter na si Juan ang pelikula. Nakatulong dito ang pagtagni-tagni ng mga flashback scenes. Pero tila mas lumutang ang promosyon ng programang "Wowowie" at cable channel na TFC. Nakitaan din ang director ng pagsisikap na mailabas kahit papaano ang sentimyento ng mga matatanda subalit hilaw naman ang intensyon nito na makapagpatawa, mabuti na lamang at may mga likas na talento sa patawa ang mga nagsiganap. Maingay at parang nagtatalo ang tunog at linya ng mga artista. Akma lamang ang ilaw, make up at disenyo ng produksyon. Subalit tila limitado ang mga kuha ng background scenes sa mga light rail trains. At walang kaugnayan ang sikat na awiting "Nobody Nobody.." sa pelikula. Sa kabuan ay walang masyadong naihain ang teknikal na aspeto.
Isang maipagmamalaking kultura sa Pilipinas ang pagkalinga sa mga nakatatanda lalo na sa pamilya. Madalas ay nagiging susi ang mataas respeto sa kanila upang magkaisa ang pamilya o matapos ang anumang alitan. Subalit dahil sa kaibahan ng istilo ng pamumuhay sa banyagang bansa ng Amerika ay muntik ng mabalewala ang pagpapahalagang ito ng pamilya ni Juan Dela Cruz. Mabuti na lamang at hindi naging huli ang lahat at napagtanto na bawat isa ang kanilang mga pagkukulang, kahinaan at kalakasan upang muling magbuklod bilang pamilya at maging masaya ang matanda sa pamilya. Binigyan-diin din sa pelikula ang kahalagahan ng tapat na pagkakaibigan, pagsasakripisyo, pagtanggap at pagpapatawad. May aral ang pelikula subalit dahil sa mga eksena na nagpapakita ng magaspang na trato sa matatanda ay dapat gabayan ang mga batang manonood.