Cast: Lance Raymundo, Andrea del Rosario, Snooky Serna, Ma. Isabel Lopez; Director: Mark Shandii Bacolod; Screenwriter: Charlotte Dianco; Music: ; Editor: Orlean Joseph Tan; Genre: Drama; Cinematography: Rain Yamson III; Distributor: Piperstorm Pictures and Periwinke Entetertainment; Location: Manila; Running Time: 90 mins.;
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above
Si Fidel (Lance Raymundo) ay nagpunta ng Dubai upang magtrabaho at makatulong sa pamilya. Ngunit isang araw ay mababalitaang siya ay nakulong dahil napatay niya ang kanyang amo. Ayaw sabihin ni Fidel kung bakit niya pinatay ang kanyang amo. Inamin lamang niya ng agaran ang krimen. Kahit pa pinapayuhan siya ng kanyang abogado na sabihing “self defense” ang nangyari ay hindi niya ginagawa. Nang mabalitaan ito ng kanyang pamilya sa Pilipinas ay hindi sila makapaniwala dahil sa kanilang pagkakakilala dito ay mabuting tao si Fidel at walang kakayahang gumawa ng krimen. Gagawin nila ang lahat upang matulungang mapalaya si Fidel kung kaya’t makakarating ang kuwento ni Fidel kay Vega (Andrea del Rosario), isang reporter na naghahanap ng istorya upang mailigtas ang kanyang programa sa telebisyon na sumasadsad ang ratings. Susubukang imbestigahan ni Vega ang kaso ni Fidel kasabay ng intensiyong tulungan ito. Ngunit sadyang hindi mapagsasalita si Fidel sa tunay na dahilan ng pagpatay niya sa kanyang amo. Ano kaya ang itinatagong lihim ni Fidel?
Hindi karaniwan ang kuwento ng Fidel. Nagsubok itong maghain ng isang kuwentong bihirang pasukin at pag-usapan sa publiko dahil na rin marahil sa pag-iiwas ng karamihan sa kahihiyan. Maganda sana ang kuwentong nais tahakin ng pelikula ngunit pawang napako ito sa iisang punto lamang na hindi naman nagkaroon ng maigting na pagtatapos. Nasayang ang dapat sana’y magandang materyal pampelikula. Naging melodramatiko ang pelikula sa halip na harapin ang mga tunay na problema na kinakaharap ng bida kasabay ng maraming sakit ng lipunan. Marami ding kahinaan sa direksiyon kung kaya’t nasayang ang galing ng mga tauhan. Hindi tumataas ang emosyon maging sa mga eksena na dapat sana’y may matinding tensiyon. Bagkus, walang anumang naramdaman ang manonood sa mga eksenang ito.
Bagama’t isang maselang paksa ang tinalakay ng Fidel, nanatili itong wagas sa hangaring maghatid ng kuwento ukol sa dignidad at pagpahahalaga sa karapatang-pantao. Hindi nagpadala ang pelikula sa tawag ng pang-aabuso ng media na siya mismong nais labanan nito. Ipinakita sa Fidel kung paanong nawawalan ng kapayapaan ang taong gumawa ng krimen. Hindi nito kinukunsinte ang kasalanan bagkus ay ipinakitang ito ay may karampatang parusa. Hindi nga naman maitatama ng mali ang isang pagkakamali. Nang ilagay ni Fidel ang batas sa kanyang mga kamay ay ninais niyang ipaghiganti ang kanyang dignidad ngunit alam din niya ang magiging kanyang kahihinatnan kapag ginawa niya ito. Hindi niya tinakasan ang krimen, sa halip ito ay kanyang hinarap. Yun nga lang ay pawang mas namayani pa rin sa kanya ang kahihiyan sa halip na sabihin ang katotohanan. Sa bandang huli nama’y pinalaya pa rin ang kanyang damdamin sa pagsasabi nito ng katotohanan sa kanyang mga magulang. Mabigat man, ay kinailangan niyang tanggapin ang parusang nakaatang sa kanya. Mahalaga rin ang mensahe ng pelikula ukol sa ginagawang pang-aabuso ng mass media sa mga dapat sana’y tunay na kuwento ng mga totoong tao. Sa madalas na pagkakataon, hindi ang pagtulong sa kapwa ang namamayani sa kanila kundi ang pagpapayabong ng negosyo o posisyon sa trabaho na sa halip na pumanig sa katotohanan ay nagnanais lamang na gamitin at abusuhin ang kuwento upang bumenta lamang ang programa. Ang puntong ito ay maliwanag namang naisaad sa pelikula. Sayang nga lang at ang kabutihang-loob ni Fidel ay hindi naging sapat upang nalagpasan sana niya ng mas maayos ang kanyang kalagayan sa halip na ilagay ang batas sa kanyang mga kamay. Ang sensitibong tema ng pelikula ay nararapat lamang sa mga manonood na nasa wastong gulang.