Cast: Sharon Cuneta, Zsa Zsa Padilla, Heart Evangelista, Ciara Sotto, Christopher de Leon, Kris Aquino, Boots Anson-Roa; Director: Joel Lamangan; Screenwriter: Roy Iglesias; Genre: Drama; Distributor: Regal Films; Location: Manila; Running Time: 120 mins;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Melinda (Sharon Cuneta) ay bunga ng pagmamahalan ng dalawang lahi. Ang kanyang ina (Boots Anson-Roa) ay isang purong Tsino habang ang kanyang ama naman ay isang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit itinakwil sila Melinda ng pamilya ng kanyang asawang purong Tsino (Christopher de Leon). Malas daw ang kanilang pagsasama dahil hindi puro ang pagka-Tsino ni Melinda. Magkakaron sila ng apat na anak pero ang pangalawa sa panganay na si Stephanie (Heart Evangelista) ay mapapalapit ng husto sa pamilya ng asawa ni Melinda, at dahil hindi gusto ng mga ito si Melinda ay sisiran siya ng mga ito sa kanyang anak. Nangunguna sa paninira kay Melinda ang kanyang hipag na si Olive (Zsa Zsa Padilla). Tuluyang mapapalayo si Stephanie sa kanyang ina nang mamatay ang kanyang ama at palabasin nila Olive na si Melinda ang dahilan. Aangkinin nina Olive ang mga anak ni Melinda at maiiwan lamang sa kanya ang kanyang panganay na si Carol (Ciara Sotto). Gagawin lahat ni Melinda ang paraan upang mabawi ang kanyang mga anak ngunit sadyang makapangyarihan at maimpluwensiya ang pamilya ni Olive. Nang mamatay ang ina ni Melinda, pansamantala niyang ititigil ang pakikipaglaban para makuha ang mga anak. Magsusumikap siyang umangat sa buhay upang maging mayaman at makapangyarihan nang sa gayon ay magkaron siya ng lakas na mabawi ang mga anak. Magawa pa kaya niya ito gayong tuluyan nang lumayo ang loob sa kanya ng kanyang mga anak lalo na si Stephanie?
Muling ipinakita ng Mano Po 6 ang pagsasanib ng kulturang Tsino at Pilipino. Naging epektibo ito sa ilang aspeto ngunit hindi pa rin matagumpay sa kabuuan. Sa dami ng tauhan, madalas malihis ang kuwento sa kung sino-sino at kung anu-ano. Masyadong abala ang kuwento sa maraming bagay at nalilimutan nitong pagtuunan ng higit na pansin ang nararapat na daloy ng damdamin. Naging karikatura lahat ng tauhan sa kuwento. Walang totoong tao sa kanila. Maliban sa mga tunay na Tsinong nagsiganap, hindi kapani-paniwala ang pagiging Tsino ng marami sa tauhan. Walang gaanong maramdaman sa mga eksena dahil hindi binusisi ang pag-arte maging ang kabuuang kwento. Sayang ang ilang magagandang kuha ng kamera at malinis na musika at tunog. Ang mada-drama sanang eksena ay nagiging komedya dahil sa maling pag-trato ng direktor. Sa halip na magbigay ng makabago at angkop na larawan ng mga Tsino sa Pilipinas, pinaigting pa ng Mano Po 6 ang anumang masamang imahe meron ang mga Tsino sa Pilipinas.
Pinaka-sentro ng kuwento ng Mano Po 6 ang dalisay at walang maliw na pagmamahal ng isang ina sa anak. Maliwanag itong naipakita sa dalawang henerasyon ng ina sa pelikula na ipinaglaban ang kani-kanilang mahal sa kabila ng pagtutol ng ilan. Kahanga-hanga ang ipinamalas na pagmamahal ni Melinda sa kanyang mga anak. Yun nga lang, may ilan pa ring pag-abuso sa kapangyarihan na ipinakitang katanggap-tanggap sa pelikula katulad ng pakikipag-sabwatan sa pulis upang idiin sa maling krimen ang isang tao. Hindi man ito ang pangunahing kuwento, nakaapekto pa rin ito sa dapat sana’y dalisay na katauhan ni Melinda. Nabahiran na rin siya kahit papaano ng kaunting kasamaan dahil sa kanyang pag-angat sa buhay nang gawin niya ito. Naging malabis naman ang pagrerebelde ng anak sa magulang sa pelikula. Ipinakita pang isa itong paraan upang mapansin ng magulang. Nariyan din ang pagtatalik sa labas ng kasal. Ngunit sa kabuuan ay lumutang naman ang magagandang mensahe ng pelikula ukol sa pagpapahalagang moral, pagmamahalan at pagpapatawad. Sa bandang huli’y nagwawagi pa rin ang mga inaapi at ang masasamang-loob ay napaparusahan kundi man ng batas ng tao ay ng batas ng Diyos. Pinahalagahan din ng pelikula ang pagtitiyaga at pagtitiis bilang mahalagang parte ng kabuuan ng isang pagkatao. Nariyan din ang aral ng pelikula ukol sa mga pamihiin ng suwete o malas. Na ang tao ang gumagawa ng kanyang kapalaran at hindi ang ano pa mang kaugalian o maling paniniwala. At sa Diyos nanggagaling ang anumang biyaya. Higit sa lahat, binigyang halaga ng Mano Po 6 ang kahalagahan ng pamilya sa lipunan, anumang lahi ang pinagmulan.