Friday, January 15, 2010

Puntod

Cast: Baby Forteza, Sheree, Mark Gil, Arnold Reyes, Pekto; Director: Cesar Apolinario; Producer: ADC Productions; Screenwriters: Tammy Dantes, Cesar Apolianrio and Melchor Encabo; Genre: Drama; Location: Manila; Running Time: 100 mins;

Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above

Si Baby (Barbie Forteza) ay isang pipi’t bingi na bata na lumaki sa isang mahirap na komunidad sa tabi ng estero. Pamumulot ng mga basura sa lawa ng Maynila ang tanging pinagkakakitaan niya mula nang maulila siyang lubos. Araw-araw, tinitiis niya ang kahirapan ng buhay kapiling ang kanyang mapang-abusong nakatatandang kapatid na si Sarah (Sheree). Ang tanging nagpapasaya na lamang kay Baby ay ang palagian niyang pagdalaw sa puntod ng ina. Dito lamang siya nakakaramdam ng kapayapaan at pakiramdam niya’y may karamay siya sa buhay kapag siya’y naririto. Ngunit kahit ang mumunting kasiyahang ito’y mawawala sa kanya nang tanggalin ang mga labi ng kanyang ina sa puntod nito dahil hindi na sila nakakabayad ng kaukulang upa. Dahil dito, pagsusumikapan ni Baby na maibalik ang mga labi ng ina sa puntod nito sa pamamagitan ng pag-iipon ng pera. Sa tulong ng ilang kaibigan, magdodoble-kayod si Baby upang makaipon. Ngunit hindi pa rin magiging madali ang lahat para sa kanya at sa kanyang mga kaibigan.

Maraming ninais sabihin ang pelikula ukol sa kahirapan ng buhay. Ipinakita ng Puntod ang malabis na karukhaan sa mata ng isang batang puno ng pag-asa. Kahanga-hanga na sana ang simulain ng pelikula ngunit naging pawang mababaw at manipis pa rin ang kinalabasan nito sa kabila ng lawak ng sinakop nito sa mga usaping panlipunan. Marahil naging masyadong gigil ang mga may likha ng pelikula na paigtingin ang kanilang mensahe ukol sa kahirapan at kapabayaan ng gobyerno. Labas tuloy ay naging malabis ang pelikula sa pagpapakita ng maraming mukha ng kahirapan na halos wala na ring mararamdamang simpatya ang manonood. Nalimutan nitong maghain ng isang kaiga-igayang kuwento na magpupukaw sa natutulog na damdamin ng mga manonood. Sa halip ay naging isang mahabang sermon at komentaryong pangsosyal at politikal lamang ang pelikula. Sayang at may husay pa naman ang mga nagsiganap. Hindi malaman ng mismong pelikula kung ang nais ba nilang ipahatid ay lungkot o saya sa gitna ng kahirapan. Maraming tauhan at pangyayari ang pawang hindi kapani-paniwala kahit pa hango sa tunay na buhay ang kuwento.

Paano nga ba dapat ipakita ang mukha ng kahirapan? Ano ba ang tunay na kalagayan ng mga mahihirap sa lipunan? Hindi masama at lalong hindi kasalanan ang pagiging mahirap kung kaya’t hindi naman talaga problema kung ipakita man sa pelikula ang mukha nito. Ipinakita sa Puntod ang lahat ng mabaho, marumi, kabulukan at kawalang-pag-asa sa kahirapan, pero hindi pa rin naging malinaw kung ano ang ibig nitong sabihin. Pawang ipinakita ng pelikula ang kawalang-lakas at kawalang kapangyarihan ng mga mahihirap sa lipunan. Wala silang lakas sa mga mayayaman, mga pulitko at maging ang Diyos ay hindi sila pinapakinggan. Pinapalabas ng Puntod na sadyang may mga lugar pa rin sa lungsod ang tila tinalikuran na ng Diyos. Maging ang natitirang mabubuting tao ay nagiging masama rin kalaunan o kung hindi ma’y nauuwi sa masamang kapalaran. Talamak ang kasamaan at ang lipunang ipinakita sa pelikula ay walang kinikilalang Diyos, batas, gobyerno at kahit anumang kabutihan. Ang ilang salitang ginagamit din sa pelikula ay nakakabahala. Maaring ito ay totoong nangyayari ngunit para saan ba ang pagpapakita pa nito? Lumutang naman bilang sentro ng kuwento ang isang batang puno ng pag-asa at pagmamahal sa kapatid at kaibigan ngunit ipinalabas nilang ang kabutihang ito ay napakaliit kung ikukumpara sa napakalawak na lipunang hindi kumikilala sa kahalagahan ng buhay, kabutihan ng tao at pagmamahal ng Diyos. Sa mundong ipinakita sa Puntod, mas nakakalamang ang masama sa mabuti at walang lugar ang pag-asa para sa mahihirap. Ang mga kababaihan ay inaabuso at karamihan ay nauuwi sa maagang prostitusyon. Ilan lamang ito sa maseselang konseptong inilahad sa pelikula na hindi naman nabigyang-hustisya sa kabuuan. Bagama’t ang pangunahing tauhan ay isang bata, hindi nararapat ang pelikula sa mga manonood na wala pa sa hustong gulang.