Cast: Anne Curtis, Derek Ramsay, Andi Eigenmann, Jaclyn Jose, Joel Torre, Jackie Lou Blanco Director: Noel Crisostomo Naval Screenwriter: Mel Mendoza-del Rosario Producer: Vic Del Rosario Distributor: Viva Films Genre: Romance, Drama Running Time: 110 mins
Technical
Assessment: 3.5
Moral Assessment:
1.5
CINEMA
Rating: V18
Tinanggap ni Rafi (Ann Curtis) ang
alok na kasal ng nobyong si Anton (Derek Ramsay) ng bigla itong gawin ng huli
sa harap ng audience sa isang music bar. Ito ay sa kabila ng maikling
panahon pa lamang ang kanilang relasyon. Ang sumunod na pangyayari ay di
mapantayang galak ng paghahanda sa araw ng kasal. Subalit habang papalapit ang
araw ay nakapag-isip isip pa si Ann na di naging sapat ang panahon para
paghandaan ang isang panghabang-buhay na pagkakatali tulad ng pag-aasawa kaya
isang araw bago ang kasal ay humingi sya ng paumanhin kay Anton at umatras sa
kasal. Katulad ng inaasahan ay nasaktan at nangulila si Anton. Lingid naman sa
kaalaman ni Rafi ay nagkaroon ng one-night stand si Anton at ang kaibigan
niyang si Sam (Andi Eigenmann) bago pa man sila nagkakilala at naging obsessed
ito sa nobyo. Ikinatuwa ni Sam ang pag-atras ni Rafi sa kasal at sinamantala
niya ang panahon ng pangungulila ni Anton upang bigyang laya ang damdamin niya
para dito. Samantala nakapag-isip na si Rafi at sa kanyang pagbalik ay muli
siya humingi ng paumanhin kay Anton, sa pagkakataon na ito hiniling nya na muli
syang tanggapin subalit di upang ituloy ang kasal kundi upang magsama na muna
at subukan ang buhay mag-asawa. Bagamat nasaktan ay tinanggap sya
ni Anton dahil sa labis na pananabik at pagmamahal nya kay Rafi. Masaya
naman ang mga kaibigan at pamilya ni Rafi sa kanilang pagbabalikan maliban kay
Sam. Hindi nya inasahan na magkakabalikan ang dalawa kaya palihim syang gagawa
ng paraan para mapasakanya si Anton ng lubusan. Hindi naman nagkaroon ng lakas
ng loob si Anton na ipagtapat kay Rafi ang namamagitan sa kanila ni Sam kaya
lahat ay nagaganap ng lingid sa kaalaman ni Rafi.
Maingat ang pagkakatahi ng kuwento
ng A Secret Affair. Hindi madaling
hulaan ang katapusan kaya kailangan abangan ang mga eksena. Nabigyan ng
“highlight” ang mga pangunahing tauhan – bida man o kontrabida. Sa mga
nag-aakala na pakikiapid ang pinatutungkulan ng pamagat ng pelikula ay mabibigo
sapagkat mas tumutukoy ito sa mga palihim na pagtatalik na mas madalas nangyari
sa panahong wala sa relasyon ang lalaki. Mahusay ang mga pagganap.
Markado ang mga pag-arte nina Curtis at Jaclyn Jose bilang mag-ina kahit
na halata komportable si Curtis sa wikang ingles na siyang halos language
medium ng script. Medyo nakikipagsabayan din sina Ramsay at Eigenmann. Epektibo
ang mga napiling aktor at aktres para sa mga tauhan. Makahulugan ang paghahatid
ng mga linya lalo na sa mga tampok na eksena.. Mahusay ang direktor sa
pagpapalabas ng mga emosyon at nakatulong ang mainam na mga kuha ng camera
kahit na sa maseselan tagpo ng mga pagtatalik. Maganda ang disenyo ng
produksyon gayundin ang make-up. Isang malaking sandata ng pelikula sa pag-akit
sa mga manonood ay ang mga eksenang naglalabas sa katarayan ng mga tauhan, lalo
na’t sa mga harap-harapang pag-aaaway ng mga magkakaribal. Sa kabuuan ay maganda ang teknikal na aspeto
ng pelikula.
Nakababahala naman ang lumalabas na
pagkalahatang tema ng pelikula na casual
sex. Lumutang ang mga kahinaan sa tawag ng laman kung saan pwedeng gawin
ang pakikipag-sex nang palihim kahit
saang lugar, kahit anong oras at kahit na may masasaktan. Ito ay sa kabila ng
disenteng background at pagiging
propesyonal ng mga kasangkot na tauhan na inaasahan mas magiging responsable sa
kanilang mga kilos at asal. Tinalakay din sa pelikula ang hayagang pakikipag-sex sa loob ng live-in relationship. Pinakita sa pelikula na puwede naman pala ang
“live-in”, ang mag-eksperimento ang mga magsing-irog na hindi pa kayang sumubo
sa pag-aasawa. Madali lang, para lamang “bahay-bahayan”.
Malinaw sa pelikula na ang
pag-aasawa ay isang pang habang buhay na desisyon at di dapat daanin sa nararamdamang
kilig—dapat itong pag-isipan lalo na kung maikling panahon pa lamang sa
relasyon. Bahagya ring tinalakay sa pelikula ang pakikiaapid sa sitwasyon ng
mga magulang ni Rafi kung saan pinili ng kanyang ina na hayaan na lamang magkaroon
ng kabit ang asawa sa napakahabang panahon kaysa naman daw maiskandalo pa ang
mga anak. Pero bago naman magwakas ang pelikula ay buong-taray niyang hinarap
at sinumbatan ang kerida. Para ano pa kaya ito?
Di man aktuwal na mabunyag ang mga
lihim na pagkakasala ay mayroon laging maliit na tinig na sumisigaw sa puso at isipan
ng taong gumagawa nito—ang tinatawag na konsiyensya. Natauhan naman sa bandang
huli ang mga kasangkot na luhaang nagsisi sa mga pinaggagawa nila at parang
handa naman silang magkanya-kanya upang magsimulang muli. Babala: ang
malaking bahagi ng pelikula ay nagpapakita ng pananaig ng laman, ng kahinaan ng
mga tauhan, at labis na pinagaganda ang mga eksenang ito sa paraang
makararahuyo sa mga murang isipan upang malimutan nito ang mga gawing pinahahalagahan
ng kulturang Pilipino bilang isang Kristyanong bansa.