Friday, November 16, 2012

A secret affair


Cast:    Anne Curtis, Derek Ramsay, Andi Eigenmann, Jaclyn Jose, Joel Torre, Jackie Lou Blanco Director:  Noel Crisostomo Naval Screenwriter: Mel Mendoza-del Rosario  Producer: Vic Del Rosario  Distributor: Viva Films Genre: Romance, Drama  Running Time: 110 mins

Technical Assessment:  3.5
Moral Assessment:  1.5
CINEMA Rating:   V18

Tinanggap ni Rafi (Ann Curtis) ang alok na kasal ng nobyong si Anton (Derek Ramsay) ng bigla itong gawin ng huli sa harap ng audience sa isang music bar. Ito ay sa kabila ng maikling panahon pa lamang ang kanilang relasyon. Ang sumunod na pangyayari ay di mapantayang galak ng paghahanda sa araw ng kasal. Subalit habang papalapit ang araw ay nakapag-isip isip pa si Ann na di naging sapat ang panahon para paghandaan ang isang panghabang-buhay na pagkakatali tulad ng pag-aasawa kaya isang araw bago ang kasal ay humingi sya ng paumanhin kay Anton at umatras sa kasal. Katulad ng inaasahan ay nasaktan at nangulila si Anton. Lingid naman sa kaalaman ni Rafi ay nagkaroon ng one-night stand si Anton at ang kaibigan niyang si Sam (Andi Eigenmann) bago pa man sila nagkakilala at naging obsessed ito sa nobyo. Ikinatuwa ni Sam ang pag-atras ni Rafi sa kasal at sinamantala niya ang panahon ng pangungulila ni Anton upang bigyang laya ang damdamin niya para dito. Samantala nakapag-isip na si Rafi at sa kanyang pagbalik ay muli siya humingi ng paumanhin kay Anton, sa pagkakataon na ito hiniling nya na muli syang tanggapin subalit di upang ituloy ang kasal kundi upang magsama na muna at subukan ang buhay mag-asawa.  Bagamat nasaktan ay tinanggap sya ni Anton dahil sa labis na pananabik at pagmamahal nya kay Rafi. Masaya naman ang mga kaibigan at pamilya ni Rafi sa kanilang pagbabalikan maliban kay Sam. Hindi nya inasahan na magkakabalikan ang dalawa kaya palihim syang gagawa ng paraan para mapasakanya si Anton ng lubusan. Hindi naman nagkaroon ng lakas ng loob si Anton na ipagtapat kay Rafi ang namamagitan sa kanila ni Sam kaya lahat ay nagaganap ng lingid sa kaalaman ni Rafi.

Maingat ang pagkakatahi ng kuwento ng A Secret Affair. Hindi madaling hulaan ang katapusan kaya kailangan abangan ang mga eksena. Nabigyan ng “highlight” ang mga pangunahing tauhan – bida man o kontrabida. Sa mga nag-aakala na pakikiapid ang pinatutungkulan ng pamagat ng pelikula ay mabibigo sapagkat mas tumutukoy ito sa mga palihim na pagtatalik na mas madalas nangyari sa panahong wala sa relasyon ang lalaki. Mahusay ang mga pagganap.  Markado ang mga pag-arte nina Curtis at Jaclyn Jose bilang mag-ina kahit na halata komportable si Curtis sa wikang ingles na siyang halos language medium ng script. Medyo nakikipagsabayan din sina Ramsay at Eigenmann. Epektibo ang mga napiling aktor at aktres para sa mga tauhan. Makahulugan ang paghahatid ng mga linya lalo na sa mga tampok na eksena.. Mahusay ang direktor sa pagpapalabas ng mga emosyon at nakatulong ang mainam na mga kuha ng camera kahit na sa maseselan tagpo ng mga pagtatalik. Maganda ang disenyo ng produksyon gayundin ang make-up. Isang malaking sandata ng pelikula sa pag-akit sa mga manonood ay ang mga eksenang naglalabas sa katarayan ng mga tauhan, lalo na’t sa mga harap-harapang pag-aaaway ng mga magkakaribal.  Sa kabuuan ay maganda ang teknikal na aspeto ng pelikula.

Nakababahala naman ang lumalabas na pagkalahatang tema ng pelikula na casual sex. Lumutang ang mga kahinaan sa tawag ng laman kung saan pwedeng gawin ang pakikipag-sex nang palihim kahit saang lugar, kahit anong oras at kahit na may masasaktan. Ito ay sa kabila ng disenteng background at pagiging propesyonal ng mga kasangkot na tauhan na inaasahan mas magiging responsable sa kanilang mga kilos at asal. Tinalakay din sa pelikula ang hayagang pakikipag-sex sa loob ng live-in relationship. Pinakita sa pelikula na puwede naman pala ang “live-in”, ang mag-eksperimento ang mga magsing-irog na hindi pa kayang sumubo sa pag-aasawa.  Madali lang, para lamang “bahay-bahayan”. 

Malinaw sa pelikula na ang pag-aasawa ay isang pang habang buhay na desisyon at di dapat daanin sa nararamdamang kilig—dapat itong pag-isipan lalo na kung maikling panahon pa lamang sa relasyon. Bahagya ring tinalakay sa pelikula ang pakikiaapid sa sitwasyon ng mga magulang ni Rafi kung saan pinili ng kanyang ina na hayaan na lamang magkaroon ng kabit ang asawa sa napakahabang panahon kaysa naman daw maiskandalo pa ang mga anak. Pero bago naman magwakas ang pelikula ay buong-taray niyang hinarap at sinumbatan ang kerida. Para ano pa kaya ito?

Di man aktuwal na mabunyag ang mga lihim na pagkakasala ay mayroon laging maliit na tinig na sumisigaw sa puso at isipan ng taong gumagawa nito—ang tinatawag na konsiyensya. Natauhan naman sa bandang huli ang mga kasangkot na luhaang nagsisi sa mga pinaggagawa nila at parang handa naman silang magkanya-kanya upang magsimulang muli.  Babala: ang malaking bahagi ng pelikula ay nagpapakita ng pananaig ng laman, ng kahinaan ng mga tauhan, at labis na pinagaganda ang mga eksenang ito sa paraang makararahuyo sa mga murang isipan upang malimutan nito ang mga gawing pinahahalagahan ng kulturang Pilipino bilang isang Kristyanong bansa.