Friday, November 16, 2012

Suddenly it's magic


Cast: Erich Gonzales, Mario Maurer, Joross Gamboa, Jestoni Alarcon; Director: Rory Quintos;  Screenplay:  Vanessa Valdez; Producer/ Distributor: Star Cinema ; Running Time:120 minutes; Location: Ilocos; Genre: Romance-Drama

Technical Assessment: 3

Moral Assessment: 3

CINEMA Rating: For viewers ages 14 and above

Si Joey (Erich Gonzales) at Marcus (Mario Maurer), bagamat nasa magkaibang panig ng daigdig, ay nasa parehong industriya ng romansa at pantasya. Si Joey ay isang baker chef  sa Ilocos na gumagawa ng cupcakes at kamangha-manghang romantic wedding cakes. Habang si Marcus naman ay isang sikat na artista sa Thailand na kilala sa paggawa ng mga romantic movies. Parehas din sila ng pinagdadaanan- si Joey ay iniwan ng kanyang groom sa araw ng kanilang kasal, habang ang ka-love-team/ girlfriend naman ni Marcus ay ipinagpalit siya sa ibang lalaki. Sa labis na sama ng loob, tila natabangan na si Marcus sa paggawa ng pelikula kasama ang ka-love-team na ex-girlfriend kung kaya’t maiisipan niyang magpakalayo muna panandalian at pumunta sa isang lugar na walang nakakakilala sa kanya. Ang kanyang yaya na Filipina ang magbibigay sa kanya ng ideya na magpunta ng Pilipinas at siya nga ay tumuloy dito. Sa Laoag ay makikilala niya si Joey at sa kabila ng di magandang umpisa ay magkakapalagayang loob din sila. Ngunit magtagal kaya ang kanilang relasyon kung may naghihintay na showbiz career si Marcus sa Thailand habang si Joey ay naghihilom pa lang ang sugat ng nakaraan?

Isang formula romance ang Suddenly It’s Magic. Lahat ng inaasan sa isang pelikulang romansa ay ipinagsiksikan nang pilit sa pelikulang ito. Gayunpaman, nagawa naman nitong magbigay ng kahit papaano’y kilig sa mga manonood. Malinaw naman ang daloy ng kuwento, pati na ang daloy ng damdamin, ngunit hindi maitatangging pawang naging predictable pa rin ang pelikula sa katapusan nito. Mahusay ang mga pangunahing tauhan at may kani-kaniya silang galing at ningning, yun nga lang, tila kulang sa “magic” ang kanilang tambalan. Dala na rin ito marahil ng pagiging magkaiba ng kanilang kultura at salita. Sadyang mahirap silang gawan ng koneksyon at kitang-kita ang kamay ng mga manunulat upang ipilit ito. Sa kabila nito’y hindi naman maitatanggi ang malinis ang sinematograpiya at talaga namang nakabibighani ang mga pinili nilang lokasyon at tanawin. Kaya’t masasabing kaaya-aya na ring panoorin ang pelikula.

Mababaw lamang ang mga inihaing tema ng pelikula bagama’t pawang mabibigat na itong dalahin sa mga tauhan. Ang pinaka-sentro dito ay patungkol sa pagpili sa pagitan ng damdamin at kinabukasan, puso o trabaho. Sino nga ba ang nararapat na magbigay sa mga pagkakataong kinakailangan ang isang matinding desisyon kung nakasalang-alang ay ang kasiyahan at mga pangarap? Ipinakita sa pelikula na ang pagpaparaya, pagbibigay at pagpapatawad ay susi sa malayang pagmamahal. Ang mga ito rin ang magpapatibay sa relasyon ng dalawang nagmamahalan. Kita rin sa pelikula ang pagbibigay-halaga ng dalawa sa Diyos, magkaiba man sila ng relihiyon, sa kanilang mga desisyon. Yun nga lang may ilang tema ang pelikula na nakababahala pa rin, tulad na lamang ng pagsasama ng dalawang bida sa iisang bahay kahit hindi pa sila kasal. Wala namang pinakitang sensualidad ang pelikula ngunit pawang ipinakita na rin sa kuwento na sila ay nagsama. Hindi rin malinaw ang naging tayo ng pelikula patungkol sa pagkakaroon ng anak sa labas at relasyon sa labas ng kasal. Ang malinaw lamang na sinasabi ng Suddenly It’s Magic ay, lahat ay magiging maayos basta’t susundin ang idinidikta ng damdamin. Ito’y hindi pa labis mauunawan ng mga batang manonood kung kaya’t minamarapat ng CINEMA na ang pelikulang ito ay para lamang sa mga manonood na 14 taong gulang pataas.