Technical: 3.5
Moral: 2.5
CINEMA rating: V 18
Si Sari (Bea Alonso), isang master cutter sa isang tailoring
shop sa Maynila, ay “querida” ni Rico, isang mayamang negosyanteng asawa ni
Regina (Hilda Koronel) at ama ni JD (John Lloyd Cruz). Hindi batid ni JD na kerida ng ama niya si
Sari, at wala ring kamalay-malay si Sari na ama pala ni JD si Rico. Mabibighani si JD at liligawan nito si Sari. Masugid mangligaw si JD, at bagama’t tapat si
Sari kay Rico, kalauna’y makakagaangan na niya ng loob si JD, at sa katunayan
ay ipagtatapat niya dito ang kanyang kalagayan bilang isang kerida. Napakalaki na diumano ang naitulong ni Rico
kay Sari at sa kanyang pamilya na sa kanya lamang umaasa sa ikabubuhay at
ipangtutustos sa pag-aaral, kaya’t tanggap na niya ang ganoong buhay. Ngunit matindi ang panunuyo ni JD kay Sari,
lalo na’t nang malaman nito na ang tinutukoy na kalaguyo ni Sari pala ay walang
iba kundi ang kinamumuhian niyang ama.
Una, sa magagaling na bahagi ng pelikula: mahusay ang pagganap ng mga pangunahing artista. Naging kapani-paniwala ang mga tauhang ginampanan
nila, lalo na ni Alonso. Matagumpay ang
pagpapakita ng sipag ni Sari sa kanyang piniling gawain, sa pamamagitan ng
maraming eksenang kinunan sa tailoring
shop at yaong mga kasama ang kanyang inaarugang pamilya. Dahil sa kagustuhan mong sundan ang takbo ng
mga pangyayari, maipipikit mo na lamang ang isa mong mata sa ilang malubak na
bahagi ng editing, sa di pantay-pantay
na lakas ng mga tunog, o sa ilang malalabong bahagi ng characterization at daloy ng istorya na nakakabawas sa pagmakatotoo
ng pelikula. Tulad halimbawa ng tila deus ex machina na atake sa pusosa
bandang dulo. Biglang-bigla, kaya’t para
lamang ipinasok sa kuwento at madali nang matapos. Sana man lamang ay ipinahiwatig ito nang
maaga-aga pa sa pelikula, halimbawa, ipinakita sanang umiinom siya ng mga maintenance medicines niya pagkakain. (O baka naman meron noon at nakalampas dahil
nakatulog kami gawa ng kabagalan ng takbo ng ilang eksena? Patawarin po.)
Ang The
Mistress ay tungkol sa tinatawag nating “kabit” o “kerida”—si Sari ang “bida”
sa dramang ito. Tila walang maitim na
buto, ika nga, sa katawan ni Sari. Bukod
sa ganda niyang pang-beauty queen,
siya ay mabait pa, may mabuting asal, magalang, masunurin, mapagmahal sa
pamilya, kagalang-galang—aba, ay nasa kanya nang lahat! Ito ang peligroso sa ganitong uri ng kuwento. Hindi namin sinasabing imposibleng magkaroon
sa tunay na buhay ng ganoong kabuting-tao na “kabit”, ngunit ipinapaalala
lamang ng CINEMA na ang kuwentong ito ay kathang-isip lamang—pati na ang mga
tauhan, siyempre, kaya “de kahon” ang mga ito, stereotyped. Ang kabit ay
mabait, ang asawa ay mataray, ang nakikiapid na matanda ay tipong asendero,
atbp. Sa The Mistress, kampante ang mga tao sa takbo ng kanilang buhay; parang
itinutulak lamang sila ng tadhana. Kung ano
man sila ngayon, iyon ay dahil sa mga pangyayari, sa ibang mga tao, at hindi
dahil sa isang matalino at masusing pagbabalik-tanaw o pagsisiyasat sa kanilang
mga pinapahalagahang kabuluhan.
Ngunit bahagi na rin marahil ng mabuting hangarin ng
pelikula, idiniin nito ang pagsisisi at paghingi ng tawad sa bandang huli. Hindi kailanman matatakasan ang pighating
dulot ng bawal na pag-ibig—ito ang pahatid ng The Mistress. At para din
marahil pasayahin ang karaniwang manonood na Pilipino na ang hanap ay laging “happy
ending”, tinapos ang pelikula ng isang pangakong napapaloob sa pinagtiyap na
pangitain. Maaaring pangitain pa lang,
pero “heppy” pa rin.