Monday, September 10, 2012

Bwakaw



Cast: Eddie Garcia, Rez Cortez, Armida Siguion-Reyna, Gardo Verzosa, Luz Valdez, Soxy TopacioDirector: Jun Robles Lana Screenplay:  Jun Robles Lana; Producer: Antonio Tuviera; Running Time: 110 minutes; Genre: Drama; Location: Philippines

Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: for viewers 14 and above

Si Rene (Eddie Garcia) ay 70-taong-gulang na nang matanggap sa sarili ang pagiging bakla.  Ngayon, siya’y nabubuhay nang mag-isa matapos pumanaw ang kanyang ina.  Sa kanyang palagay ay wala na siyang dahilan upang  maging masaya sa buhay sapagkat buong buhay niya, siya ay nagbalat-kayo at huli na ang lahat para sa kanya.  Dahil dito’y pinaghahandaan na lang niya ang kanyang kamatayan.  Naka-kahon na ang lahat ng gamit sa kanyang bahay at may listahan na rin siya ng kanyang mga huling habilin.  Maging ang kanyang kabaong na nabili niya noong ito’y naka-sale ay ipinauwi na rin sa kanyang bahay sapagkat magsasara na ang binilhan niyang punenarya.  Ang tanging kasama na lamang ni Rene sa buhay ay ang napulot na asong pinangalanan niyang Bwakaw.  Bagama’t sa simula’y di alam ni Rene kung paano ito mamahalin, kalauna’y ito na ang kanyang magiging matalik na kaibigan.  Magsisimulang  magbago ang pagtingin ni Rene sa buhay nang magkasakit si Bwakaw ng cancer.  Kasabay nito’y makakatagpo siya ng bagong pag-ibig sa katauhan ng tricycle driver na si Sol (Rez Cortez).  Sa unang pagkakataon, haharapin ni Rene ang buhay sa halip na kamatayan.  Ngunit ito kaya’y magtatagal?
Isang nakakaaliw na panoorin ang pelikulang Bwakaw.  Swabe ang hagod ng mga eksena at malinaw ang daloy nito na sumasalamin sa uri ng pamumuhay sa mga karatig-nayon sa Pilipinas.  Naipakita ng pelikula ang bibihirang tapat na pagsasalarawan ng pamumuhay ng isang komunidad sa bandang lalawigan.  Payak at ang tanging yaman lamang ng mga tao ay ang makabuluhang relasyon at pagkakaibigan.  Ngunit ang tunay na hiyas ng pelikula ay ang mga nagsigananap dito na pinangungunahan ng batikang si Eddie Garcia na nagwagi bilang pinakamahusay na aktor para sa pelikulang ito sa ginanap na Cinemalaya.  Bagama’t wala nang kailangan pang patunayan ang isang Eddie Garcia, nagawa niyang buhayin ang katauhan ni Rene nang hindi kinakailangang maging stereotyped.  Kakaibang lalim at natural na atake ang pinairal ni Garcia dito at nararapat lamang ang tinanggap niyang pagkilala.
Ang Bwakaw ay tumatalakay sa isang buhay na puno ng maraming pagsisisi.  Pagsisisi sa inaakalang pagbabalatkayo at pagkakakulong sa isang pagkataong taliwas sa tunay na kagustuhan.  Resulta’y isang buhay na nababalot ng matinding kalungkutan.  Sinasalamin ng pelikula ang karamihan sa kinatatakutan ng mga tao—ang tumanda at tumandang nag-iisa.  Kapag pinagsama ang dalawang ito, tiyak na magiging miserable ang buhay ng isang tao hanggang kamatayan.   Hindi rin naman ito nangangahulugang tama at totoo.  Nang makatagpo si Rene ng pagmamahal ay nagbago naman ang kanyang pananaw, ‘yun nga lang, ipinakita pa ring nakasalalay sa ibang tao ang kanyang kaligayahan.  Ang pagiging miserable ni Rene ay nag-uugat sa kanyang maling pagtingin sa sarili, sa mundo, sa buhay at sa simbahan.  Kung tutuusin ay walang dahilan si Rene na magalit sapagkat naging mabuti naman ang buhay para sa kanya.
Nakababahalang pawang ang simbahan at ang mga turo nito ukol sa homosekswalidad ang itiniturong ugat ng pagiging miserable ni Rene.  Hindi nagbago ang kanyang pagtingin ukol dito hanggang sa huli bagama’t bukas ang simbahan na siya ay tanggapin.  Marahil ay pinatigas at minanhid na siya ng panahon at talagang nagsara na ang kanyang puso’t isip sa paniniwalang hindi siya pinaboran ng Diyos kahit kailan.  Kita naman sa pelikula na patuloy pa rin si Rene sa paghahanap ng tunay na kaligayahan at paunti-unti naman ay natutunan na niyang muling manalangin.  Maaring matagal pa, malayo at di-tiyak ang landas na tatahakin ni Rene, ngunit ang mahalaga’y nanatiling may pag-asa.  Kasama na diyan marahil ang pag-asang matagpuan niya ang tunay na kapayapaan at kasiyahan sa pagtanggap niya sa pagmamahal ng Diyos na nakahandang tumanggap sa kanya maging ano at sino pa man siya.  Sa bandang huli’y maaari ding isipin na hindi kaya naging “bwakaw” lamang si Rene sa pagmamahal sa kanyang sarili kung kaya’t di na niya nakita ang lahat ng pagmamahal na nakapaligid sa kanya?