Cast: Lovi Poe, Jaime Fabregas, Gina Alajar, Julia Clarete, Neil Ryan Sese, Empress, Benjamin Alves; Director: Tara Illenberger. Screenplay: Tara Illenberger; Running Time:110 minutes; Location: Manila; Genre: Horror.
Technical
Assessment: 2.5
Moral
Assessment: 3
CINEMA Rating: For Viewers 14 years old and above
Si Mylene (Lovi Poe) ay nag-aaral ng medisina
at nakatira sa isang boarding house
na pagmamay-ari ni Tatay Nanding (Jaime Fabregas) na mayroong sakit na kalimot.
Sa boarding house ay sinasabing maraming multong nagpaparamdam at nagpapakita.
Ito ay pinapatotohanan ng kaibigan niyang si Joana (Empress) at nobyong si
Paolo (Benjamin Alves) na may nakikitang multo sa anyo ng isang bata. Lingid sa
kanilang kaalaman, sa boarding house ay maraming nakabaong lihim na magsisimulang mahukay nang ang
nagmumulto ay magalit at maghiganti dahil sa kasalanang nagawa ni Mylene. Kasabay nito ay ang unti-unting pagka-bunyag
ng pinakatatagong lihim ni Mylene patungkol sa kanyang di-nakilalang kakambal.
Hindi malinaw ang daloy ng kwento ng Guni-Guni. Marami itong butas at katanungan na hanggang
sa huli ay hindi nasagot. Kalat at
sabog-sabog ang kuwento na kung saan-saan lumilihis at hindi makapagdulot ng
paliwanag. Animo’y binuo ito sa mga pinagtagpi-tagping elemento mula sa
iba’t-ibang nakalipas na pelikula—isa na sa mga elementong ito ay ang
paulit-ulit na pagpapakita ng mga manyikang watak-watak. Oo nga’t tumatayong mga simbulo ito ng isang mahalagang bahagi ng
istorya, ngunit lumabis naman ang paggamit dito ng pelikula kaya’t nababawasan
ang “kilabot effect” nito sa kabuuan
ng palabas. Nasayang ang kahusayan ng
mga artistang nagsiganap. May mga ilang eksenang katakutan na nakaka-aliw
ngunit ang karamihan ay pawang kakatwa. Ang ilang special effects ay masagwa
ang pagkakagawa. May mangilan-ngilan ding gulat ang pelikula na nararapat sa
pelikulang horror pero ang lahat ng
ito ay sayang sa kabuuang kaguluhan ng kwento.
Bagama’t talamak sa “gimmick” ang Guni-guni,
hindi nito natabunan ang pahatid sa isip ng kuwento. Sa kabila ng kakulangang teknikal ng pelikula
ay may malinaw naman itong mensahe ukol sa pagpapahalaga sa buhay ng isang tao
magmula pa sa sinapupunan. Sinasabi ng pelikula na hindi dapat ang tao ang
nagdedesisyon patungkol sa buhay at kamatayan. Kapag ito ay nangyari, may mga
kaluluwang hindi matatahimik at magdudulot ito ng kapahamakan. Sa kasasagsagan ng mga debate ngayon ukol sa RH
Bill at sa gitna ng maraming batikos ng Simbahang Katoliko ukol sa
paninidigan nito laban dito ay narito ang isang pelikulang gigising sa ating
guni-guni na nagsasabing hindi kailanman magiging tama ang pagpatay sa ano pa
mang dahilan at maging sa ano pa mang pamamaraan. Ang buhay ay buhay at dapat itong ipagsanggalang
at pangalagaan—dapat ipagpasa-Diyos kung sino ang dapat na mabuhay o mamatay.
May ilang maseselang eksena nga lang sa pelikula kaya minarapat ng CINEMA na
ito ay maaari lamang mapanood na mga may gulang 14 pataas.