Cast Eugene Domingo, Ariel Ureta, Zanjoe Marudo, Dingdong Dantes,
Miriam Quiambao Direktor Joyce
Bernal Screenwriter Cris Martinez Executive Producer Piolo Pascual Genre Comedy-horror Location
Philippines and
Korea
Technical
Assessment 3.5
Moral
Assessment 2.5
CINEMA
Rating: V14 (For viewers ages 14 and above)
Biglaang bibiyahe ang mag-aamang Go Dong Hei sa Korea
sa dalawang dahilan. Una, upang mamasyal
at makapag-bonding, ikalawa ay upang
tuparin ang isang kasunduan na ipakasal ang isa sa kambal na Kimmy at Dora sa
anak ng isang malaon nang kaibigan ng pamilya, bilang pagbawi sa naging
pagkakasala ng kanilang amang si Luisito (Ariel Ureta) sa isang babae sa Korea
noong kanyang kabataan. Matigas na tatanggihan ito ni Kimmy bilang isang
malaking kabaliwan lalo na sa makabagong panahon. Ang inosenteng si Dora naman ay hindi pa maiisip
ang maaring idulot ng pagsunod sa kagustuhan ng ama. Higit na bibigat ang sitwasyon sa magkapatid dahil halos sabay
na matatanggap nila ng alok na pagpapakasal ng kani-kanilang kasintahan na
sina Barry (Zanjoe Marudo) kay Kimmy at Johnson (Dingdong Dantes) kay Dora. Kasabay ng mga biglaang pangyayaring ito sa
buhay ng mag-aama ay ang mga kakaibang mararamdaman at makikita nila na gagambala sa
magkapatid, pati na sa alagang aso ni Dora, si Mikky. Sa kalaunan madadawit din sa hiwaga sila
Barry, Johnson at Luisito.
Magaling ang pagkakatahi ng istorya ng Kimmy Dora and the Temple of Kiyeme. Mahusay ang naisip ng produksyon na makalikha
ng bagong kuwento samantalang nanatili ang orihinal na konsepto ng naunang Kimmy Dora, Kakambal sa Kiyeme. Magaling ang takbo ng istorya, ang disenyo ng
produksyon, ang special effects ng
paglitaw at paglaho ng multo, at ng walang sablay na editing lalo na sa mga eksena ng dalawang karakter ni Domingo. Samantala mas naging interesante sana ang cinematography kung nakapagpakita pa ng
mas maraming lugar at kultura ng Korea sa pamamasyal ng mag-aama.
Napakahusay ng pagkakaganap ni Domingo ng dalawang tauhan
sa pelikula, ang magkakambal na Kimmy at Dora. Nakatulong sa pagpapaganda ng aspetong
teknikal ng pelikula ang epektibong pagpapatawa ng iba pang mga artista at ang pagsisikap
ng direktor na buuhin ang isang seryosong kwento na dinamitan ng pagpapatawa at
katatakutan. Tanging kapintasan lamang nito
sa aspetong teknikal ay ang mga pinahabang eksena ng pakikibaka sa multo na
maaaring makabagot o makasuya dahil sa paulit-ulit nitong pakuwela at special effects.
Napapanahon ang pagpapalabas ng Kimi Dora and the Temple of Kiyeme sa Father's Day sapagkat muling
ipinakita ang kahanga-hangang pagdadala ng isang ama (at pagganap ni Ureta) ng
kanyang tungkulin sa kakaibang sitwasyon ng kanyang dalawang anak. Mas magiliw at makalinga sa anak na may
mabagal na pag-iisip at buong kumpyansa naman sa matalino at maaasahang anak
kasabay ng di nagsasawang paalala na magpasensya sa kakulangan ng kapatid.
Walang lihim na di nabubunyag lalo na kung may epekto ito
sa hinaharap at sa mga mahal sa buhay. Dapat
pag-isipan ng sinumang may pananagutan sa pagtatago ng lihim kung paano ito
haharapin sa panahon ng pagbubunyag. Sa panahon ng pagsubok kung kailan wala nang
magawa si Luisito kungdi isakrispisyo ang kaligayahan ng anak bilang kabayaran sa
kanyang nakaraang pagkakasala ay mananaig ang pagka-ama nito upang huwag nang ipagkanulo
ang anak. Sa sitwasyon ng magkakambal na
madalas makadama ng panibugho si Kimmy kay Dora sa atensyon ng ama, ay lagi
namang nabibigyang-diin ang pagpaparaya, pagtanggap at pagmamahal. Gayundin ipinakita sa pelikula na bawat tao sa
anumang kapasidad ay may kakayahan na makatulong katulad ng nagagawa ni Dora sa
kabila ng kanyang kalagayan.
Sa sitwasyon ng pagiging amo at empleyado nakababahala
ang pagpapakita ng labis na karahasan at pagkamatayog ni Kimmy sa sekretarya at sa doktor sa
pag-aari nilang ospital, bagama’t malinaw ang konteksto na ang masamang ugaling
ito ay epekto diumano ng kanyang pagiging dating typhoid patient . Dahil sa
ginagawang basehan ng pagpapatawa ng pelikula ang ganitong asal ni Kimmy, nagmumukha
tuloy itong isang “palusot” lamang upang bigyang daan ang husay sa papel na
pagtataray ni Domingo.
Sa kabila ng intensiyon ng pelikula na maghatid ng
mensaheng kapupulutan ng leksiyon sa buhay, maaaring hindi ito ang “binibili”
ng mga manonood na may bitbit pang mga musmos na bata sa sinehan. Ang hanap nila’y katatawanan, at katatawanan
naman ang inihahain ng pelikula, makatuwiran man ito o hindi.
Taliwas sa turo ng Simbahang Katolika ang ipinakikita
ng pelikula na labis na kapangyarihan ng isang multo, na sa kanyang
paghihiganti ay nagugupo ang sinumang naisin.
Hindi maliwanag sa pelikula kung ang takot bang ito sa multo ay
nagmumula sa pagkakaroon ng ibang relihiyon ng mag-aama. (Sumamba sila sa isang tila Buddhist temple sa Korea, at ang pamagat
mismo ng pelikula ay may kaugnayan sa relihiyon: Temple). Anupaman, sa
paniniwala ng mga Kristiyano, ang mga
kaluluwa ng yumao na di matahimik ay dapat ipagdasal—lalo na kung inaakala
natin na may mensahe itong ibig iparating—nang sa gayon ay magkaroon ng
kapayapaan sa kabilang buhay. Wala ang
ganoong elemento dito, bagama’t may isang maliit na krus na gawa sa sangay ng
punong kahoy ang hawak ng isa sa mga tauhan noong nagri-ritual sila upang tawagin ang espiritu ng isang yumao.
May pinanghihinayangan ang CINEMA sa pelikulang Kimmy Dora and the Temple of Kiyeme. Sa husay ng teknikal na pagkakagawa nito,
naging mabisa sana itong kasangkapan sa pagpapakalat ng higit na makabuluhang
mensahe upang maiangat ang kamalayan ng mga manonood na Pilipino. Sa halip, naging sunud-sunuran pa ito sa
kalakaran sa entertainment industry
sa paggamit nito ng mga may kapansanan bilang ubod ng katatawanan.
Si Dora (ayon sa Kimmy
Dora 1) diumano ay nagkaroon ng autism
gawa ng isang aberiya habang siya ay iniluluwal ng ina.
May isang eksena sa swimming pool
dito sa Kimmy Dora 2 kung saan hindi iginalang ang kanyang
pagiging isip-bata. Nagmistula siyang
palakang nakatihaya at lumulutang sa tubig.
Oo nga’t maaaring nangyayari ito sa tunay na buhay, ngunit sa tunay
buhay, hindi natin hinahayaang mahantad nang mahalay ang katawan ng isang
isip-bata, lalo na kung ito’y dalaga na; dito, pinupog pa siya ng halik, tuloy
lubog sa tubig. Para lang mapatawa ang manonood? Huwag naman. Ang tinawanan ay si Domingo, ngunit
kinalimutan nila ang maselang kalagayan ng karakter na si Dora. Kung napapasaya tayo ng ganitong mga eksena,
mayroon tayong dapat suriin sa ating kalooban.
Napuna din ba ninyo na unano ang isa sa mga tauhang
pinagtatawanan, at hindi Tagalog ang kanyang orasyon? Marami
nang mga sinaunang pelikulang Pilipino ang gumamit na ng unano para lamang
magpatawa; panahon na siguro upang ipakita naman natin na ang mga unano ay
mayroon ding puso, kaluluwa, at kakayahang gumawa ng kagitingan. Ang katulong sa bahay na kung tumawag sa amo
ay “Ma’am Dura” ay hindi rin Tagalog—bakit laging dapat gawing katawa-tawa Bisaya o ang katulong? Maaaring ito’y
isang “maliit na bagay” lamang ngunit sa paglakad ng panahon, ang mga maliliit na bagay na
ito ang siyang nagpapatibay sa ating mga prejudice
laban sa ating kapwa.
Ingatan natin
ang ating isipan, lalo na ng mga kabataan, hindi lamang laban sa walang humpay
na pagmumulto o katatakutan sa mga palabas na ating pinanonood, kundi laban
din sa mga kinagisnan nating panglilibak sa mga taong may kapansanan at mga
kapos sa buhay, saan mang rehiyon ng Pilipinas sila nanggagaling. Ituring na ninyo itong hamon ng CINEMA sa Kimmy Dora 3.