Wednesday, August 1, 2012

The Healing


LEAD CASTVilma Santos, Kim Chu, Pokwang, Janice de Belen, Robert Arevalo, Mark Gil, Martin del Rosario, Allan Paulle, Cris Villanueva, Daria Ramirez, Ces Quesada, Ynez Veneracion, Simon Ibarra, Abby Bautista, Joel Torre, Chinggoy Alonso, Mon Confiado, Carmi Martin DIRECTOR:  Chito S. Rono  PRODUCER: Charo Santos  GENRE: Horror, Drama  DISTRIBUTOR:  Star Cinema  LOCATION:  Philippines

Technical:   3.5
Moral:    2
CINEMA rating:  V 14  (For viewers aged 14 and above)

Napagaling ng faith healer na si Manang Elsa (Daria Ramirez) ang stroke victim na si Odong (Robert Arevalo), ama ni Seth (Vilma Santos).  Dahil kumalat ang balita na ang baldadong si Odong ay nakabangon at nangangapit-bahay na kinabukasan, ang ilang mga kaibigan ni Seth ay magsisilapit sa kanya para magpasama din kay Elsa nang malunasan ang kani-kaniyang mga sakit.  Kabilang dito sila Chona (Ces Quesada), Alma (Pokwang), Kakay (Abby Bautista), Greta (Ynez Veneracion), at iba pa.  Bantulot na sasamahan ni Seth ang grupong may iba’t ibang sakit sa tirahan ni Elsa, at dito matatagpuan nila ang ilang may sakit na naghihintay sa labas pagkat hiniharang sila ng kapatid nito (Joel Torre).  Pagod na raw si Elsa at hindi na kayang manggamutan.  Ngunit dudungaw si Elsa mula sa kuwarto sa itaas, pakikinggan ang nagsusumamong si Seth, at patutuluyin ang pulutong.
Babalik sila sa kanilang kapitbahayan ng umaasang magsisigaling lahat.  Sa simula, tila lalala pa ang mga sakit ng mga kasama ni Elsa, ngunit kinabukasan, isa isa silang magsisigaling, at magsasaya.  Papasok ang hiwaga sa buhay ng magkakaibigan nang matatagpuang bangkay si Chona, kinitil ang sariling buhay at nakabulagta sa kalye.  Susundan ito ng di maipaliwanag na mga karahasang sangkot ang mga pasyenteng gumaling.  Mapupuna nila na iisa ang takbo ng mga pangyayari: ang unang napagaling ay unang mamamatay, at isa-isang susunod ang iba—ngunit mababaliw muna ito at maghahasik ng kadiliman sa kanilang paligid bago tuluyang magpakamatay.  Ngunit… bakit buhay pa si Odong na ama ni Seth, at sa katunayan ay nagmumurang-kamatis pa?  Di ba’t siya ang unang sinamahan ni Seth at napagaling ni Elsa?
Napakakinis ng pagkaka-dirihe ni Chito Rono sa The Healing.  Totoong hindi hinabi ang pelikula para lamang manggulat at manakot sa mga manonood, pagkat maliwanag na may kuwento itong isinasalaysay.  Maihahambing na rin sa mga pelikulang imported at nakahihigit ang kalidad ang pagkakagamit ng CGI (computer generated images) sa The Healing, bagama’t wala itong bagong naidagdag sa genre.  Sa katunayan, ang mga ipinakita dito ay “lumang tugtugin” na, halimbawa, ang paggamit ng uwak upang magpahiwatig ng nakaambang kapahamakan.  Nakakasawa din ang paulit-ulit na gimmick na ginamit kapag nababaliw na ang mga pasyente—kikilos nang kakaiba; magdidilim ang mukha; manglalaki, tila luluwa, at magpapaikot-ikot ang mata.  Kapag nasa punto nang iyon, tiyak, papatay na siya, at papatayin din ang sarili.  Nawawala tuloy ang “gulat”, nagiging predictable.
Subalit ang kakulangang ito ay mapupunuan na napakahusay na pagganap ng mga artista.  “Nahatak” nito ang grading teknikal ng The Healing sa aming mga mata.  Maaalala na ang The Healing ay itinuturing na ring pagdiriwang ng 50 taon sa pelikula ni Vilma Santos, na ngayon ay iginagalang na sa larangan ng politika.  May palagay kaming naging inspirasyon si Santos ng mga kasamahan niyang gumanap, kayat kahit na ang mga bagitong matatawag ay nagpakitang gilas sa kani-kaniyang mga papel.  Ipinakita rin ni Janice de Belen (Cita, ina ni Kakay) na hindi pa rin kumukupas ang galing niyang gumanap, at kahit na ang komikerang si Pokwang ay nagpamalas na rin ng husay sa pagda-drama.
Ang paksa ng pelikula, na napapaloob din sa pamagat nito, ay ang pagpapagaling ng karamdaman sa labas ng kinikilalang siyensiya ng medisina, ngunit ang ubod ng salaysay ay: hanggang saan nakakatulong at nakakabuti ang ganitong uri ng panggagamot?  Kailan dapat gamitin ang kapangyarihang ito, at kailan dapat ihinto?  Inaalam ba ng tao kung saan nagmumula ang kapangyarihang ito?  Kung susukatin ang ibinubunga nito—ang paggaling ngunit pagkabaliw ng mga pasyente—masasabi ba nating nagmumula sa Diyos ang kapangyarihan ni Elsa? 
Isang puna lamang: napakaingay ng mga nanonood na kasabay namin sa Megamall, tila walang pakundangan ang ilan sa damdamin ng ibang manonood.  Puno ang sinehan, at dahil sa ingay nila ay mahirap nang ihiwalay ang kanilang sigaw, daldal at tili sa tunay na sounds ng pelikula.  Unfair ito sa pelikula, pagkat iginagalang nito ang manonood sa pamamagitan ng pagdibdib nito sa kanyang sining, ngunit ginugulo naman ng mga taong walang humpay sa kadadada.  (Marahil, ganoon nila pinapawi ang kanilang takot).  
Nabalitang dalawa ang bersiyon ng The Healing na ipinasa ng MTRCB: ang isa ay PG13 ang rating, at ang isa naman ay R18.  Ang napanood ng CINEMA ay yaong PG 13 kaya’t marami sa mga nanood ay may kasamang mga bata.  Lubhang madugo ang napanood naming bersiyon, bagay na ipinagtaka naming kung ano pa kayang mga karumal-dumal na bahagi ng pelikula ang napapaloob sa R18 version nito.  Dito pa lamang, sa close-up shots ng mga kinikitlan ng buhay at bumubula pang dugo na dumanak mula sa bangkay sa kalye ay napapabiling na kami sa aming mga upuan, ano pa kaya ang magiging epekto sa manonood ng pang-matandang bersiyon?  Sa panukat ng CINEMA, labis na marahas, madugo, at maaaring makalito sa murang isipan ng mga bata ang The Healing.