Cast: Elmo Magalona, Julie Anne San Jose, Joel Torre, Alice Dixon, Cherry Pie Picache, Gloria Romero, Buboy Garovillo Director: Mac Alejandre Screenwriters: Oman Sales, Emman Dela Cruz, Kei Fausto Producer: GMA Films Location: Philippines Genre: Drama Running Time: 105 minutes
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For mature viewers age 14 and above
Lumaki si Nyel (Elmo Magalona) na puno ng hinanakit at
galit sa ama na si Dan (Joel Torre) dahil mas pinili nito na manirahan at
asikasuhin ang kabuhayan sa probinsya kaysa makapiling sila ng ina na si
Irene (Alice). Subalit ng kinailangan niya ang pirma ng pagpayag ng ama para
makapag-aral sya sa ibang bansa ay napilitan si Nyel na puntahan ang ama sa
probinsya kung saan matutuklasan niya na may iba na itong kinakasama. Magiliw
at maasikaso naman kay Nyel ang bagong kasama ng ama na si Julie (Cherry Pie
Picache) subalit katulad ng inaasahan ay na kay Irene na tunay nyang ina ang
simpatiya ni Nyel kaya kahit papaano ay damay si Julie sa malamig at masungit
na pakikitungo ni ni Nyel sa ama. Samantala, manggagawa sa gatasan ni Dan ang
pamilya ni Beto (Julie Anne San Jose). Sa takot na madismaya ang amang si
Berting (Buboy Garovillo) dahil di siya pinalad na maging iskolar ay lumapit si
Beto kay Dan upang umutang ng pang matrikula at nakiusap na pagtrabuhan sa
gatasan ang pambayad sa halaga ng mauutang nya. Madali naming pumayag si Dan sa
kondisyon na ang trabahong ibinigay sa kanya ay subaybayan at kaibiganin ang
nagbabakasyong anak na si Nyel upang kahit papaano ay magustuhan nito ang buhay
sa bukid. Hindi naging madali kay Beto ang trabaho dahil nga isang lalaki
na puno ng galit at isyu sa pamilya si Nyel ay nakatikim din sya ng kasungitan
nito pero dahil trabaho ay pinagtiisan nya ang lahat. Hanggang saan hahantong
ang isyu sa pamilya ni Nyel at ang sitwasyon nina Nyel at Beto?
May mga sablay ang daloy ng kuwento ng pelikulang “Just One
Summer”. Hindi malinaw kung bakit tila wala man lamang naging komunikasyon ang
mag-anak sa isa’t isa sa mahabang panahon ng paghihiwalay, at kung bakit tila
nagulat pa na may iba ng kasama ang ama. Hindi rin nakitaan ng lalim ang
nabuong espesyal na pagtitinginan ng mga karakter nina Beto at Nyel at di
masyadong nakapaghatid ng kilig ang tambalan ng dalawa. Mas lumutang ang
kwentong pamilya sa pelikula kaysa kwento ng pag-ibig ng dalawang kabataan na
siyang sinasaad sa promosyon ng pelikula. Kung love story ang aabangan ng
isang manonood ay mabibigo dito. Nakasentro sa karakter ni Nyel ang
kwento bilang anak. Nakatulong ang suporta ng mga batikang actor sa pelikula
upang makapagpahayag ng emosyon sa mga eksena at may potensyal naman ang mga
baguhan lalo na si Magalona. Maganda ang kuha ng camera lalo na ang mga eksena
ng tanawin sa bukid at sa gatasan. Nakapaglarawan ang pelikula ng kaalaman
tungkol sa proseso ng pagpipiga ng gatas mula sa dibdib ng mga gatasang baka.
Maganda ang disenyo ng produksyon kahit na sa loob at labas ng mga bahay ng
mayaman at mahirap kaya madaling nakapaglaro ang mga kuha ng camera. Akma
lamang ang ilaw at inilapat na tunog sa mga eksena bagamat halos di nakarinig
ng ingay mula sa mga baka. Maingat ang pagkakalapat ng musika lalo na ang theme
song kahit ilang beses na ginamit sa mga lumang pelikula. Sa kabuuan ay maayos
ang teknikal na aspeto ng palabas.
Napakalapit sa puso ng mga Filipino ang tema ng pamilya
lalo na kung nagpapakita ng pagmamahalan, pagkakaisa at pagkakasundo. Taliwas
ito sa ipinakita sa mas mahabang parte ng pelikula. Nakakabahala ang
kawalan-respeto ng anak sa ama at sa marangal na trabaho sa bukid. At hindi
katanggap-tanggap na maging pisikal ang ang anak sa pananakit sa magulang
katulad ng pinakita sa pelikula. Subalit mas nakababahala ang pagiging
komportable ng ama sa bukid sa piling ng ibang babae sa kabila ng pagkakaroon
ng lehitimong asawa at anak na dapat ay naging pangunahing responsibilidad niya
bilang padre de pamilya. Malinaw na hindi nagbigayan at sa halip ay
pinairal ang pride kaya tuluyang nawasak ang pamilya na syang labis na
nakaapekto sa pagkatao ng kanilang anak. Samantalang imahe ng matatag, composed
at mahinahon na mga babae sa gitna ng sigalot ng pamilya ang ipinakita sa
pelikula. Bagamat kapwa nabigla ay wala ang madalas na eksena ng sigawan, sumbatan
at sabutan sa pagitan ng legal na asawa at kabit. Subalit kahit gaano kahinahon
o kabuti ang pagdadala ng isang babae sa sitwasyon niya bilang kabit ay imoral
na gawain pa rin maituturing ang pagpatol sa isang may-asawa hanggat hindi pa
legal na hiwalay.
Napakahalaga ng papel ng magulang sa paggabay sa anak lalo
na sa pakikipagrelasyon at paghahanda sa hinaharap. Ang pag-ibig sa murang
gulang ay dapat bukas sa paggabay ng magulang para maging maayos at magsilbing
inspirasyon sa pagtupad ng mga pangarap.
Maselan ang mga
ipakitang paksa ng wasak na pamilya, pakikiapid at epekto ng mga ito sa
pag-uugali ng anak kaya kailangan na may taglay na sapat na kaisipan at
pang-unawa ang manonood ng pelikulang ito.