Friday, July 15, 2016

Dukot

DIRECTOR: Paul Soriano  LEAD CAST: Enrique Gil, Ricky Davao, Christopher de Leon, Shaina Magdayao, Bing Pimentel  SCREENPLAY: Froilan Medina  PRODUCER: Pul Soriano, Erwin Blanco  MUSIC: Robbie Factoran, Ricardo Juco  CINEMATOGRAPHERS: Mycko David, Odyssey Flores  EDITOR: Mark Victor  PRODUCTION COMPANY: Ten17 Productions, Star Cinema  DISTRIBUTOR: Star Cinema  LOCATION: Philippines  GENRE: Crime, drama, suspense  RUNNING TIME: 95 minutes
Technical assessment:  3
Moral assessment:  2.5
CINEMA rating:  V18
MTRCB rating:  R13
May kaya ang pamilya ng customs officer na si Charlie Sandoval (Ricky Davao) at ng kanyang maybahay na si Cecille (Bing Pimentel).  Dalawa ang kanilang young adults na anak, si Cathy (Shaina Magdayao) na nagpapatakbo na ng sarili niyang yoga studio, at si Carlo (Enqique Gil) na ayon sa ama ay tila hindi nagmamadaling iwan ang kanyang pagkabata.  Isang gabing nagsasara na ang yoga studio ni Cathy, papasukin ito at nanakawan ng masasamang-loob, at nang dudukutin na si Cathy ng mga ito, lalabas sa pagkakatago si Carlo at magpi-prisinta na siya na lamang ang tangayin at huwag ang kapatid na babae.  Sa hideaway ng mga kriminal na pagtataguan kay Carlo, matutuklasan nito na wala sa plano ng mga lriminal ang kidnapping.  Gayunpaman, gawa ng matinding pangangailangan, hihingi ng ransom na limang milyong piso ang mga dumukot; magpapatulong si Charlie sa mga pulis.
Akma ang iba’t ibang technical aspects ng Dukot: tunog, lighting, cinematography, daloy ng istorya, atbp.  Magaling ang pag-arte ng mga lalaki, lalo na nila de Leon, Davao, at Gil.  Ang mga babae—mula maligamgam hanggang malamig.  Nakaka-enganyong panoorin ang pelikula.  Kung ang Dukot ay isang makulay na banig, yung tipong binibili ng mga turista sa Mindanao at Visayas, at ang direktor nitong si Soriano ay ang batikang manghahabi, makabuluhan at kahanga-hanga ang disenyong nasasa isip niyang isagawa.
Sa simula pa lamang, ipapaalam na nito na ang tema ng pelikula ay madilim—karahasan.  Ipapakita rin dito ang maayos na pamilya at komportableng pamumuhay ng mga Sandoval—maaliwalas, kulay langit.  Habang inaayos ang pagtubos kay Carlo, matutuklasan naman ni Cecille  ang pagiging corrupt ng asawa sa kanyang trabaho—oops, nagdidilim ang langit, umiitim ang banig.  Habang bihag ng mga kidnappers si Carlo, makikita niya ang salat na pamumuhay ng mga ito, aalalahanin niya ang kasaganaang tinatamasa sa piling ng kanyang pamilya mula pagkabata—tila umaaliwalas na naman ang disenyo ng banig.  Lalo na itong gaganda sa ipapakitang kabutihang loob ng isa sa mga kriminal, si Johnny (Christopher de Leon).  Susundan ito ng masalimuot at nakaka-hayblad na negosyasyon para sa ikalalaya ni Carlo—ang bahagi ng banig na kulay naglalagablab na sunog sa kagubatan.  Pagkatapos noon, darating ang maluwalhating paglaya ng dinukot—anong kulay naman ito?  Puwedeng luntian, parang palayan.  Habang sabik mong inaasahang makita ang kabuuan ng pabulosong disenyo ng banig—after all, kinikilala nang film director si Soriano kahit abroad—sasabihan ka na, wala na, wakas na, tapos na ang banig, let the credits roll!  Ha?  Ang dami pang nakalaylay sa mga tabi-tabi ah!  Hoy, banig yan na hinahangaan ng mga banyaga, hindi iyan abstract painting!  Umayos nga kayo!  Pagkatapos ninyong takutin, galitin at pahangain ang manunuod, iiwanan ninyong nakatiwangwang ang banig?  Ano’ng gusto n’yong palabasin?  Na sobrang suwerte ng Sandoval family?  Eh yung mga pamilya ng mga kriminal, paano na?  Nasaan ang hustisya?  At ditto nagwawakas ang banig.  Ay, ang Dukot pala!       
    



Ma' Rosa


DIRECTOR:  Brillante Mendoza  LEAD CAST:  Jaclyn Jose, Julio Diaz, Mon Confiado, Baron Geisler, Jomari Angeles, Felix Roco, Andi Eigenmann WRITER: Troy Espiritu  PRODUCER: Larry Castillo  EDITOR:  Diego Marx Dobles  MUSIC: Teresa Barrozo  CINEMATOGRAPHER:  Odyssey Flores  PRODUCTION COMPANY: Center Stage Productions  DISTRIBUTOR: Films Distribution, Paris  GENRE: Drama  LANGUAGE:  Pilipino  LOCATION:  Manila slums RUNNING TIME: 110 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment:  2.5
CINEMA rating:  V18
MTRCB rating:  R16
Isang maliit na tindahang sari-sari lamang ang pinagkakakitaan ng mag-asawang Rosa at Nestor Reyes (Jaclyn Jose at Julio Diaz), may apat na anak sila at nakatira sa isang squatter area sa Maynila.  Upang madagdagan ang kinikita, nagtitingi sila ng droga sa ilang mga kapitbahay.  Lulusubin ng pulisya ang kanilang bahay at sa kabila ng kanilang pagmamaang-maangan, matatagpuan ng mga alagad ng batas ang kahong taguan nila ng shabu.  Nakaposas na kakaladkarin ng mga pulis ang mag-asawa sa presinto, at hihihimukin silang makipag-areglo na lamang—hihingan sila ng mga ito ng 200,000 libong piso kapalit ng kanilang paglaya.  Pagka’t wala naman silang gasinong naiipon, papayag sila sa alok ng mga pulis na ituro na lamang ang kanilang pinagkukunan ng droga—si Jomar (Kristofer King)—para ito ang dakpin at siyang managot.  Bagama’t maibababa sa 100,000 piso na lamang ang hinihingi ng mga pulis, ang makakaya lamang ibigay ng asawa ni Jomar ay 50,000.  Walang magagawa ang mag-asawang nakakulong kungdi ang umasa sa mga anak; sa kagustuhan namang makalaya ang mga magulang, kung anu-anong paraan ang papasukin ng mga bata para makalikom ng halagang inaasahan ng mga buktot na pulis.
Unang tatambad sa paningin ng manonood sa Ma Rosa ang maalog na kuha ng kamera, bagay na sinadya upang higit na maging “tunay na buhay” ang dating ng salaysay.  Pagka’t sinikap ni Mendoza na mag-mukhang isang dokumentaryo at maging makatotohanan ang anyo ng pelikula, hindi kinailangan ng Ma Rosa ang mga eksena o tanawing makapigil-hininga sa ganda.  Ang mga manonood na medaling mahilo o hindi nakakaunawa sa layuning ito ay hindi rin makakatagal sa ganitong patalbog-talbog na mga imahen, at malamang ay mawalan din agad sila ng interes sa inilalahad ng pelikula.  Sayang, sapagka’t napapaloob sa kabuuan ng kuwento ang malaking bahagi ng puwersa ng Ma Rosa.
Ang tema ng droga at ang pagiging ganid at mapagsamantala ng ilang mga pulis ay hindi na bago o naiiba sa mga pelikula ngayon, ngunit dahil sa maigting at taos-pusong pagganap ng mga artista, nabigyang-buhay ang Ma Rosa—nabigyan ito ng sapat na galaw at hininga upang sundutin ang kaisipan ng mga manunood at magtanong ng “Ito kaya talaga ang nangyayari sa kapaligiran natin ngayon?”
Sa kabila ng magaling na pagganap ng mga nangunguna sa cast, namumukod-tangi pa rin ang husay ni Jose bilang si Rosa.  Dalisay at buong-buo ang pagsasalarawan ni Jose sa katauhan ng bidang biktima; habang sinusundan mo ang mga pangyayaring kinasasadlakan ni Rosa, hindi man lamang sasagi sa isip mo na “si Jose iyan at umaarte lang siya dahil hanapbuhay niya iyan”.  Sa igting ng kanyang pagganap, kinilala ang kakayahan ni Jose ng mga hurado sa Cannes Film Festival—mga batikan sa larangan ng pelikula—at itinanghal siya bilang Best Actress sa taong 2016, ang kauna-unahang aktres mula sa Timog-Silangang Asia na tumanggap ng Palme d’Or mula sa pinaka-prestigious film festival sa buong mundo.
Sa kagustuhan marahil ni Mendoza na tutukan ang corruption sa hanay ng mga pulis, iniwasan na ng Ma Rosa na sisirin pa ang mga motibo ng mga tauhan sa kuwento—ang nanaig ay ang pagpapakita ng kagipitan ng pamilyang Reyes sa kamay ng mga pulis at ang paglapat nila ng solusyon dito.  Pagkat hindi naipakita kung ano ang maaaring mangyari kung hindi makakalikom ng sapat na halagang pang-areglo ang pamilya, nagkulang sa tension ang situasyon: tila siguradong-sigurado sila na “maareglo” lamang nila ang mga pulis ay malaya nang muli ang mag-asawa, tapos na ang problema.
Gawa ng mga “bungi” ng pelikula, o sa kabila ng mga ito, maraming maaaring pag-usapang issues sa Ma Rosa.  Ilan sa mga katanungan ng mapanuring manunood ay: “Tama o makatuwiran ba na ipagamit ng binatilyong si Erwin ang kanyang katawan upang kumita ng iaambag sa pang-areglo sa pulis?  Sa ipinakitang eksena sa kama at sa bayaran matapos ito, lumalabas na tila hindi na bago ang karanasang iyon kay Erwin—batid kaya ito ng kanyang mga magulang?  Hindi kaya pagsimulan ito ng bagong problema sa pamilya, kung hindi man ng isang uri ng adiksiyon para kay Erwin?
Ngunit sa kadulu-duluhan, mapapatawad na rin ang mga kakulangan at kalabisan ng pelikula.  Halimbawa, ang kakulangan ng delikadesa sa labis na mahaba at buyangyang na eksena ng pagsisiping ng dalawang lalaki ay tatapatan naman ng banayad na pamumukadkad ng katotohanan sa mga huling sandali, kung kailan—habang binubusog ang sarili sa pagnguya ng fishball at pagmamasid sa isang pamilyang nagsasara ng kanilang munting tindahan sa bangketa—si Rosa ay luluha.  Walang salita, walang tunog, walang musika—luha lamang ng isang inang nasa dilim.
Sino ang makapagsasabi kung bakit lumuluha si Rosa?  Hindi pinalad ang CINEMA na tanungin si Mendoza tungkol dito, ngunit sa aming palagay, magkahalong hapis at pagsisisi ang kahulugan ng pagluha ni Rosa.  Matatag na babae si Rosa—hindi niya iiyakan ang matinding pagod, ang malaking pagkakautang na hinaharap, o ang pang-aapi ng makapangyarihan.  Dahil sa kanyang namasdang pamilya, tila baga nagbalik-tanaw siya sa panahon ng kawalang-malay: maliliit pa ang mga anak nila, sa bangketa lang sila nagtitinda, masaya sila—at wala pang droga sa buhay nila noon.