DIRECTOR: Paul
Soriano LEAD CAST: Enrique Gil, Ricky
Davao, Christopher de Leon, Shaina Magdayao, Bing Pimentel SCREENPLAY: Froilan Medina PRODUCER: Pul Soriano, Erwin Blanco MUSIC: Robbie Factoran, Ricardo Juco CINEMATOGRAPHERS: Mycko David, Odyssey
Flores EDITOR: Mark Victor PRODUCTION COMPANY: Ten17 Productions, Star
Cinema DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION: Philippines GENRE: Crime, drama, suspense RUNNING TIME: 95 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: R13
May kaya ang
pamilya ng customs officer na si
Charlie Sandoval (Ricky Davao) at ng kanyang maybahay na si Cecille (Bing
Pimentel). Dalawa ang kanilang young adults na anak, si Cathy (Shaina
Magdayao) na nagpapatakbo na ng sarili niyang yoga studio, at si Carlo (Enqique Gil) na ayon sa ama ay tila
hindi nagmamadaling iwan ang kanyang pagkabata.
Isang gabing nagsasara na ang yoga
studio ni Cathy, papasukin ito at nanakawan ng masasamang-loob, at nang
dudukutin na si Cathy ng mga ito, lalabas sa pagkakatago si Carlo at
magpi-prisinta na siya na lamang ang tangayin at huwag ang kapatid na babae. Sa hideaway
ng mga kriminal na pagtataguan kay Carlo, matutuklasan nito na wala sa plano ng
mga lriminal ang kidnapping. Gayunpaman,
gawa ng matinding pangangailangan, hihingi ng ransom na limang milyong piso ang mga dumukot; magpapatulong si Charlie
sa mga pulis.
Akma ang iba’t
ibang technical aspects ng Dukot: tunog, lighting, cinematography, daloy ng istorya, atbp. Magaling ang pag-arte ng mga lalaki, lalo na nila de Leon, Davao, at
Gil. Ang mga babae—mula maligamgam
hanggang malamig. Nakaka-enganyong
panoorin ang pelikula. Kung ang Dukot ay isang makulay na banig, yung
tipong binibili ng mga turista sa Mindanao at Visayas, at ang direktor nitong
si Soriano ay ang batikang manghahabi, makabuluhan at kahanga-hanga ang
disenyong nasasa isip niyang isagawa.
Sa simula pa
lamang, ipapaalam na nito na ang tema ng pelikula ay madilim—karahasan. Ipapakita rin dito ang maayos na pamilya at
komportableng pamumuhay ng mga Sandoval—maaliwalas, kulay langit. Habang inaayos ang pagtubos kay Carlo,
matutuklasan naman ni Cecille ang
pagiging corrupt ng asawa sa kanyang
trabaho—oops, nagdidilim ang langit, umiitim ang banig. Habang bihag ng mga kidnappers si Carlo, makikita niya ang salat na pamumuhay ng mga
ito, aalalahanin niya ang kasaganaang tinatamasa sa piling ng kanyang pamilya
mula pagkabata—tila umaaliwalas na naman ang disenyo ng banig. Lalo na itong gaganda sa ipapakitang
kabutihang loob ng isa sa mga kriminal, si Johnny (Christopher de Leon). Susundan ito ng masalimuot at nakaka-hayblad
na negosyasyon para sa ikalalaya ni Carlo—ang bahagi ng banig na kulay
naglalagablab na sunog sa kagubatan. Pagkatapos
noon, darating ang maluwalhating paglaya ng dinukot—anong kulay naman ito? Puwedeng luntian, parang palayan. Habang sabik mong inaasahang makita ang
kabuuan ng pabulosong disenyo ng banig—after
all, kinikilala nang film director
si Soriano kahit abroad—sasabihan ka
na, wala na, wakas na, tapos na ang banig,
let the credits roll! Ha? Ang dami pang nakalaylay sa mga tabi-tabi ah! Hoy, banig yan na hinahangaan ng mga banyaga,
hindi iyan abstract painting! Umayos nga kayo! Pagkatapos ninyong takutin, galitin at
pahangain ang manunuod, iiwanan ninyong nakatiwangwang ang banig? Ano’ng gusto n’yong palabasin? Na sobrang suwerte ng Sandoval family?
Eh yung mga pamilya ng mga kriminal, paano na? Nasaan ang hustisya? At ditto nagwawakas ang banig. Ay, ang Dukot
pala!