DIRECTOR: Miko
Livelo LEAD CAST: Kiray Celis, Enchong
Dee, Janice De Belen, Betong Sumaya, Michelle Vito, Devon Seron, Trina Legaspi,
Shine Kuk, Paolo Gumabao, Jon Lucas, Christian Bables, Nico Nicolas, Dino
Pastrano, Gilbert Orsini SCREENWRITER: Ash Malanum EXECUTIVE
PRODUCERS: Lily Monteverde, Roselle Monteverde
MUSIC BY: Francis Concio
FILM EDITOR: Carlo
Francisco Manatad GENRE: Romantic Horror Comedy CINEMATOGRAPHER:
Moises Zee
PRODUCTION DESIGNER:
Vanessa Uriarte PRODUCTON COMPANY: Regal Entertainment, Inc. DISTRIBUTED
BY: Regal Entertainment, Inc. COUNTRY:
Philippines LANGUAGE: Pilipino
RUNNING TIME: 104 minutes
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2
Cinema Rating: V18
MTRCB Rating: PG
Noong sila’y mga musmos pa lamang, nagsumpaan sina
Tonton (Enchong Dee) at Gwen (Kiray Celis) na magpapakasal pagdating ng tamang
panahon at magmamahalan hanggang kamatayan. Ngunit nang dahil sa tila panunukso ng mga
kaibigan ni Gwen kay Tonton, nagkahiwalay sila ng landas at si Tonton ay labis
na naghinanakit at isinumpang si Gwen ay papangit. Makalipas ang sampung taon, makikitang pawang
nagkatotoo ang sumpang ito ni Tonton kay Gwen. Kung kaya’t sa kanyang kaarawan, hiniling ni
Gwen na sana’y dumating na sa buhay niya ang isang lalaking magiging “patay na
patay” sa kanya. At tila isang kasagutan
sa kanyang hiling, nagbalik si Tonton sa buhay niya at niyaya siya agad nito na
magpakasal. Mamamangha si Gwen sa
matipuno at guwapong si Tonton, agad niyang tatanggapin ang alok nito na
magpakasal. Ngunit tila may hindi
maipaliwanag na misteryo sa pagkatao ni Tonton. Simula rin nang magbalik ito sa buhay ni Gwen,
tila nagkakasunod-sunod ang pagkamatay ng kanyang mga kaibigan. Siya pa rin kaya ang Tonton na matagal nang
hinintay ni Gwen?
Nagsubok ang I Love You To Death na maghain
ng bagong putahe ng romantic-horror-comedy
sa pagkakaraon ng bidang babae na ang kasikatan ay natamo sa pagkakaroon ng
“kakaibang-uri” ng kagandahang panlabas. Bagama’t mahusay si Celis, tila malabis ang
pagtataya ng pelikula sa kanyang hitsura para laging gamitin itong tulay upang
maitawid ang katatawanan sa pelikula. Isa itong makalumang paraan ng komedya. Sa isang banda, nakakabilib na sana ang
pelikula sa mapanglibak nitong paglalarawan ng lipunang umiikot sa materyal na
bagay at pagpapahalaga sa panlabas na anyo. Nakakatawang panoorin ang magbabarkadang babae
at lalaki na talagang tipikal na samahan ng mga kabataan sa ngayon—lalo na sa
mga nanggaling sa may-kayang angkan. Nagsubok
din ang I Love You To Death na magpamalas ng mga nakagugulat na special effects at make-up. Matagumpay ito sa
ilang eksena, ngunit palaging problemado ang pelikula pagdating sa kabuuan ng
pagsasalaysay nito—maraming mga eksenang tila hindi maramdaman at hindi malaman
ng manononood ang pinanggagalingan. Mahina ang hagod ng emosyon—marahil ito’y
dahil sa hindi kapani-paniwala ang pagkakalahad ng kwento. Kitang may malalim na sining at talinong
pinangagalingan ang pelikula ngunit sadyang maraming kulang upang masabing
epektibo ito bagama’t itoĆ½ tunay na napapanahon.
Problemado
rin ang pelikula pagdating sa aral at asal na nais nitong iparating. Sa isang
banda, kapuri-puri ang pelikula sa pagtalakay nito ng problemang “bullying” o
pag-aalipusta. Tila ito ang naging sentro ng pinanggagalingan ng mga bida sa
pelikula—ang sugat na dulot nito tila mahirp mapaghilom. Tumatanim ang sakit ng
pag-aalipusta hanggang kamatayan.
Natabunan ng malabis na galit at paghihiganti ang dapat sana’y magandang
mensahe ng pelikula. Nariyan pa ang kaguluhan kung ano ba talaga ang totoong
motibo ni Tonton? Tunay ba ang kanyang pag-ibig kay Gwen o hindi? Paanong ang
mga musmos na tulad nila ay nagkaroon ng kakayahan at kaalaman ukol sa wagas na
pag-ibig? Bagama’t ang pagmamahal ay walang pinipiling edad o estado, ang mga
batang tulad nila ay hindi dapat pinagmumulan ng malisya. Hindi dapat maging
instrumento ang sining ng pelikula upang palabasin na ang malisya ay
nagsisimula sa pagkabata. Ito’y isang kasinungalingang pilit nilang idinidiin
maya’t-maya dahil lamang sa ito’y “cute” tingnan. Ang nakakabahala dito’y
nagkakaroon ng tila malabong kahulugan ang pagmamahal sa mga musmos na gaya
nila. Isa pang malabis na nakakabahala sa I Love You To Death ay ang mga
kahindik-hindik na eksena at larawan ng malabis na katatakutan—mga bahagi ng
katawan na binabali, sinusunog, pinuputol, pinahihirapan. Anuman ang nais nitong sabihin, kalabisan na
ito para sa mga batang manonood—maaari itong magdulot ng bangungot sa kanila.
Kita rin sa pelikula na walang pagpapahalaga ang Pilipino sa pakikipag-kapwa—pawang
nabubuhay sila para sa kanilang pansariling interes lamang. Tama bang tanggihan
ng upuan sa dyip ang isang nakasuot-pangkasal at hayaan pa itong sumabit sa
dyipni? Dahil dito at sa marami pang
ibang dahilan, minamarapat ng CINEMA na ang I Love You to Death ay para
lamang sa manonood na may 18 taong gulang pataas.