DIRECTOR: Jun Lana LEAD CAST: Jennylyn Mercado, Sam Milby, Gardo
Versoza, Dominic Ochoa, Jaclyn Jose, Tirso Cruz III SCREENWRITER: Jun Lana GENRE: Romantic Comedy CINEMATOGRAPHER: Carlo Mendoza DISTRIBUTOR:
Regal Entertainment LOCATION:
Philippines; New York USA RUNNING TIME: 1 hour 58 minutes
Technical
assessment: 2.5
Moral
assessment: 2.5
CINEMA
rating: V14
Unang
magkikita nang ilang saglit si Wendy (Jennylyn Mercado) at si Sean (Sam Milby)
nang magbanggaan ang kanilang mga sasakyan sa kalye. Magtatagpo silang muli sa eroplano, bilang magkatabi ng
upuan sa business class, at
mag-iinisan sila sa buong haba ng biyahe mula Maynila hanggang New York, kung
saan inaasahan ni Wendy na makapiling ang kanyang tunay na ama. Magkikita ang mag-ama pero hindi
matutuloy ang pagpisan ni Wendy sa ama pagkat tutuol dito ang babaeng
kinakasama nito. Habang
namomroblema kung saan tutuloy si Wendy, susulpot muli sa eksena si Sean, na
tila hindi umalis habang naghihintay sa ama si Wendy. Nagmamagandang-loob, kukupkupin ni Sean si Wendy sa kanyang
apartment sa New York. Sa madaling
salita, magkakaigihan ang dalawa hanggang sa magkasundong magpakasal. Dito magsisimula ang gulo sa matamis
nilang pakikipag-ugnayan.
Bagama’t
may mga parteng nakakaaliw sa mga eksena ng The prenup, gaya ng mga kuha sa New York at ang pagkakagayak ng
bahay/tindahan ng pamilya ni Wendy, marami din namang mga aspeto na hindi
pulido ang pagkakagawa—tulad ng tunog (na minsa’y nakabibingi), ang kawalan ng
orihinal na musical score, ang
mababaw na characterization, ang editing na tila may bungi, at ang dialogue kung saan nangingibabaw ang
bastusan sa kapwa. Sayang ang
kahanga-hangang talino sa pagganap ni Mercado na ipinakita niya sa pelikulang Rosario; sa The prenup, kahit “carry” niya ang rom/com, hindi nito hinamon ang husay ng artista. Ang mismong istorya ng The prenup, tulad ng mabilisang
pag-iibigan nila Wendy at Sean, ay mukhang minadali din, tinuhog ang mga
pira-pirasong kuwelang eksena at kinoronahan ng isang happy ending—sa tingin kaya ng mga producers ay sapat na ito para katalinuhan ng mga manunuod?
Gasgas
na ang tema ng The Prenup—guwapong
binata, magandang dalaga, magkakatagpo, magkakaibigan, pero tututol ang
kani-kaniyang mga pamilya. Ang isa
kasi’y ubod ng yaman at ang isa nama’y … hindi nila kauri, ika nga. Para hindi siguro malaglag ang predictable na kuwento, tutukuran ito ng
bagong elemento: parehong lalaki ang mga adoptive
parents ng ulilang si Wendy.
Hindi mapigilan ng CINEMA na magtaka kung walang hidden agenda ang The prenup—bukod
sa mga binabaeng nag-ampon kay Wendy, ay may bakla at tomboy din sa dalawang
pamilyang sangkot. Ang pagtatapos
ng pelikula ay “hati”, ika nga: bagama’t tumpak, ito’y artipisyal; hindi
ganitong kasimple ang resolusyon ng ganoong mga situasyon sa tunay na
buhay. Buti pa ang mga fairy tales, pinahihirapan muna ang mga
karakter bago makamtan ang matamis na happily-ever-after.
Hindi
nababagay sa mga murang isipan ang pelikulang ito gawa ng ipinakikita nitong
kagaspangan ng asal at ang bunga nitong kabastusan sa pananalita. Maaaring magdulot din ng kalituhan ang
pelikula sa mga bata na dapat ay pinalalaki sa wastong pagpapahalaga sa
pagkakaiba ng kasarian ng babae at lalaki.