DIRECTOR: Jerrold Tarog LEAD CAST: John Arcilla, Mon Confiado, Mylene Dizon, Epi Quizon, Paulo Avelino, Bing Pimentel, Arron Villaflor SCREENWRITER: E.A. Rocha, Henry Hunt Francia, Jerrold Tarog Cinematographer: Pong Ignacio PRODUCER: E.A. Rocha EDITOR: Jerrold Tarog MUSICAL DIRECTOR: Jerrold Tarog GENRE: Biopic, historical action DISTRIBUTOR: Quantum Films LOCATION: Philippines
Technical assessment: 4
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
Bagama’t
nasa Pilipinas na ang mga Amerikano noon, hindi pa rin malimi ng bagitong
gobyerno ng Pilipinas ang tunay na motibo ng mga Kano. Si Heneral Antonio Luna (John Arcilla),
ang namumuno ng puwersa militar ng Pilipinas at tagapayo ng Pangulong Emilio
Aguinaldo (Mon Confiado), ay walang tiwala sa mga Amerikano. Sa ganang kanya, dapat unahan ang mga
Amerikano, tirahin na ang mga ito bago pa lumawak at humigpit ang kapit nito sa
bansa—ngunit hindi sasang-ayon sa kanyang pananaw ang ilang miyembro ng
kabinete, lalo na yaong mga interesadong makipagnegosyo sa mga Amerikano. Mangyayari ang nakikinita ni Heneral
Luna—digmaan sa pagitan ng mga Philipino at mga puting dayuhan. Maninindigan si Luna sa gitna ng gulo
at sa kabila ng pagiging pasaway ng ilang tauhan sa militar.
Kahanga-hanga
ang pagpili ng mga nagsiganap sa Heneral
Luna, hindi lamang dahil sa matalino at taos-pusong pagganap ng mga ito
kungdi pati na rin sa kanilang mga anyo.
Sapagka’t kamukhang-kamukha ng mga pangunahing aktor ang mga tauhang
kanilang ginagampanan, lumalabas na buhay at makatotohanan ang pelikula. (Ano kaya ang naging resulta kung ang
napiling Luna ay si Richard Gomez, Aguinaldo ay si John Lloyd Cruz, at Mabini
ay si Alden Richard? Baka naman
naging masayang zarzuela ito.) Salamat sa direksiyon ni Jerrold Tarog,
kapani-paniwala din ang mga eksena ng paglalabanan; nakadagdag din sa pagka-makatotohanan ng Heneral Luna ang
pagkakaroon ng tila mga tunay na “kano.”
Wala nang pupunahing pagkukulang ang CINEMA sa ibang technical
aspects ng Heneral Luna, bawa’t
aspeto ay may kanya-kanyang ambag sa maayos na kabuuan ng pelikula.
Kadalasan,
kapag ang isang pelikula ay tungkol sa kasaysayan—sa ibang bansa man o dito sa
Pilipinas—sinisikap nitong maging mapitagan. Ang mga “bida” ay ipinakikita bilang mga bayani—magigiting,
halos hindi mo makikitaan ng mga kahinaan ng karaniwang tao. At ang mga pangyayaring isinasalarawan
ay pawang mahahalaga sa buhay ng bida at sa pagsulong ng kasaysayan. Kahit na nga maaaring magbigay-inspirasyon
ang kanilang kuwento, minsan ay nakapangliliit din naman ito, lalu na’t kung
iisipin natin ang tila lampas-tao nang tapang, giting, at kadakilaan ng
bayani. Dito naiiba ang Heneral Luna. Ang Antonio Luna ni Arcilla at Tarog ay pinaghalong
kagitingan at kabaliwan, kaya taong-tao.
Sa digmaan, walang takot; bilang anak ng Inang Bayan, iaalay ang buhay;
kasama ng mga kawal, nambubulyaw, nambabatok, nagmumura, humahalakhak; sa piling
ng sinisintang babae, naglalaho ang bangis. (Hindi mapigilan ng CINEMA ang magtaka: uso na ba ang “P……
i….” noong panahong iyon? Hindi
ba’t sa wikang Kastila pa ang pagmumura, tulad ng “Hijo de p….”? Naitatanong
lang po).
Sa
kabila ng mumunting daplis ng pelikula, nagtagumpay ang maningning na
pagdidirihe ni Tarog na isalarawan ang dalawang mukha ng kasaysayan:
katawa-tawang komedya at walang kapararakang trahedya. Maraming ipinupunlang katanungan ang Heneral Luna sa isip ng manunood: Sino bang talaga ang nagpapatay kay
Heneral Luna? Gaano katapat ang pelikula sa katotohanan sa likod ng mga pangyayari sa kasaysayan? Bakit nasabi ni
Heneral Luna na ang ating pinakamasahol na kaaway ay hindi ang mga banyaga
kungdi ang ating sarili? Di kaya
ang hamon ni Heneral Luna sa mga namumuno noon—“Bayan o sarili?” “Negosyo o kalayaan?”—ay hamon din ng Heneral Luna sa mga namumuno ngayon sa
Pilipinas?
Bagama’t
itinuturing nating isang “demokrasya” ang Pilipinas sa ngayon, hindi maikakaila
na tayo ay isang nahahating bayan.
Ang isang bayan na walang pagkakaisa sa puso, diwa, mithiin, at gawa ay
madaling magugupo ng mga dayuhang nagnanasa sa kanyang likas na yaman at
nagsasamantala sa kanyang kahangalan.
Iminumulat ng Heneral Luna
ang mga mata ng makabagong Pilipino upang matutuhan natin ang mga aral ng
kasaysayan. Saan patutungo ang
Inang Bayan kung ang tanging katanungan ng mga kabataan sa ngayon tungkol sa Heneral Luna ay “Bakit palaging nakaupo
si Mabini?”