DIRECTOR:
Joel
Lamangan LEAD CAST: Dennis
Trillo, Bela Padilla STORY and SCREENPLAY: Bienvenido Santiago MUSICAL DIRECTOR: Von de Guzman CINEMATOGRAPHER: Rody
Lacap FILM EDITOR: John Wong GENRE: Biography DISTRIBUTOR: Viva Films (2015) PRODUCERS: Vincent del Rosario, Veronique del
Rosario Corpus PRODUCTION COMPANY: Viva Films LOCATION: Philippines LANGUAGE: Tagalog,
English RUNNING TIME: 2 hrs. 55 mins.
Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
MTRCB rating: GP
CINEMA rating: V14
Magbubukas ang pelikula sa araw ng kapanganakan ni
Felix Manalo, Mayo 10, 1886, sa isang pamilyang saradong Katoliko. Ipapakita nito ang mga mahahalagang
yugto sa buhay ni “Peles” (Dennis Trillo) mula sa pagkabata hanggang sa pagtatatag
ng Iglesia ni Kristo at kanyang
kamatayan noong 1963, at magwawakas ito sa paghirang sa kanyang anak na si
Erano bilang bagong pinuno ng itinatag niyang simbahan.
May balitang ang Felix Manalo ay kalahati lamang sa haba ng orihinal na pelikula—anim
na oras. Marahil ay ninais ng mga producers
ng pelikula na itampok nito ang talambuhay ni Manalo at ipapanood sa mga kasapi
ng Iglesia sa kanyang kabuuan, ngunit iniklian ito para sa publiko pagka’t ang
karaniwang “moviegoer” ay walang tiyagang upuan ang mga pelikulang hahaba pa ng
dalawang oras. Dito nagmumula ang
mga kakulangan ng pelikula.
Tiyak na “nosebleed” ang editor sa pagbubuo ng Felix Manalo. Ang resulta?
“Major surgery”, ika nga.
Kung ang Felix Manalo ay
isang tao, inoperahan ito: iniklian ang bituka, tinapyasan ang baga, binawasan
ang utak, tinaniman ng “pacemaker”, at inalisan ng apdo. Bagama’t natuhog nito ang mga makahulugang
bahagi ng kanyang buhay, hindi nito sinisid ang lalim ng pagkatao ni Manalo; sa
halip, naging isang paglalahad ito ng simbahang INK, kung paano ito umusbong,
naitatag, lumago, at lumalago. Kung
gayon, maaaring hindi ito tangkilikin ng mga manonood na gustong maaliw sa
sinehan; kung ikaw nga’y nagbabayad para malibang, bakit panonoorin mo pa ang Felix Manalo? Kung siryoso ka naman at gusto mong higit pang alamin ang
tungkol sa INK, may Google naman para sa higit na malayang pananaliksik.
Hindi kataka-takang naging 150-milyong piso ang budget ng Felix Manalo: bukod sa maraming tanyag ng artista at 7,000 ekstrang
ginamit dito, kitang-kita na pinaggugulan din ng salapi at panahon ang kanyang production sets, costumes, atbp., kaya
lamang, halatang bago ang mga ito—mukhang hindi pa natitirahan ang mga bahay
kubo, wala pang libag ang mga kawayang bakod, kasasabit pa lamang ng mga
kurtina, malutong pa ang uniporme ng mga sundalo, etsetera, etsetera, etsetera. Hindi maitatanggi na ang “nagdala” ng
talambuhay na ito ay si Trillo, na marubdob na ginampanan ang papel ng yumaong
Manalo, katulad ng kapani-paniwala niyang pagganap bilang isang bakla sa
teleseryeng “My Husband’s Lover”.
Sa mabilisan at nakakalitong paglukso ng kuwento sa
pagitan ng mga eksena sa buhay ni Manalo, maraming bagay sa kanyang pagkatao at
sa mga pangyayari ang napawalang halaga.
Kapalit nito ay ang mga detalyadong tagpong nagpapakita ng pagrerehistro
ng INK, ang pagtanggap ng gobyerno rito bilang isang lehitimong relihiyon, ang
pagpapakita ng mga napakaraming retrato ng kanilang mga sambahan at kasapi mula
noon hanggang ngayon pati na sa ibang bansa. Ipinagtataka tuloy ng karaniwang manonood: “Ano bang talaga
ang pakay ng pelikula—ipakilala si Manalo o ang kanyang iglesya?” Tila
nanunudyo naman ang pagkakataon nang ilabas ang “pakita” o trailer ng Felix Manalo habang
umaalingasaw pa ang krisis ng INK gawa ng pagkakatiwalag sa iglesya ng mismong
ina at kapatid ng ikatlong pinuno nito, si Eduardo Manalo—isang pangyayaring
nag-iwan ng lamat sa mata ng madla na dating nag-akalang matibay ang pagkakaisa
ng INK. Ang iskandalong ito ang
naging sanhi ng protesta ng libo-libong kasapi ng INK laban kay Justice Secretary
Leila de Lima sa EDSA, na ikinayamot naman ng mga motoristang naipit nang ilang
araw sa trapik na idinulot nito.
Hindi masisisi ang mga manonood kung pagtatakhan nila ang “timing” ng
Felix Manalo. Ngunit ano man ang
inyong isipin, hindi “naghahanap ng away” ang Felix Manalo. Iniwasan
nitong lumabas na nanghahamon sa ibang relihiyon habang isinasalarawan nito ang
paghahanap sa katotohanan ng isang disenteng taong ang palayaw ay “Peles”.
Ano ang aral na maiuuwi ng mga manonood ng Felix Manalo? Hind saklaw ng CINEMA ang sumangayon o
sumalungat sa turo ng anumang relihiyong itinatampok sa anumang pelikula,
ngunit bilang pangkalahatang aral, mawiwika ng CINEMA na kung sa paghahanap
ninyo ng katotohanan ay nanaisin ninyong pag-aralan ang turo at Banal na
Kasulatan ng isang relihiyon, huwag ninyo itong gawing mag-isa at makontento sa
sarili ninyong pang-unawa. Ang
nagmamahal sa katotohanan ay hindi nag-aatubiling magpakumbaba at humingi ng
liwanag mula sa tamang authority, sa
mga bihasa na kinikilalang may kaalaman, kapangyarihan, karanasan, karapatan, at tungkuling magpaliwanag
nito.