Wednesday, October 7, 2015

Etiquette for Mistresses


DIRECTOR: Chito Roño  LEAD CAST: Kris Aquino, Claudine Barretto, Kim Chiu, Iza Calzado  SCREENWRITER: Julie Yap Daza  PRODUCER:  Charo Santos-Concio  MUSICAL DIRECTOR:  Carmina Cuya  GENRE: Romance/Drama  CINEMATOGRAPHER:  Neil Daza    DISTRIBUTOR: Star Cinema  LOCATION:  Philippines RUNNING TIME: 120 minutes
Technical assessment:  3
Moral assessment:  2.5
CINEMA rating:  V18
MTRCB rating: R13 
Matalik na magkakaibigan sila Georgia (Kris Aquino), Stella (Iza Calzado), Chloe (Claudine Barretto), at Charley (Cheena Crab).  Lahat sila’y mga tinatawag na “kabit” bagama’t hindi ganoon ang turing nila sa sarili nila pagka’t may sinasabi naman sila, matalino, at pawang matagumpay sa kani-kaniyang karera.  Hihilingin ng “partner” ni Georgia na si Rob (Freddie Webb) na pagbigyan ang kaibigan nitong si Frank (Zoren Legaspi) na “turuan” at sanaying maging pino ang batang-batang kabit niya na si Ina (Kim Chiu).  Hindi sasang-ayon si Stella, isang abugada, sa mungkahing iyon, ngunit itutuloy pa rin ni Georgia ang pagiging “mentor” kay Ina.  Sa pagsulong ng kani-kaniyang mga buhay lulutang nang isa-isa ang mga alituntunin na dapat ay matutuhan ni Ina bilang isang “kept woman”, mga tumpak na pag-iisip at pagkilos na dapat diumano’y maituro sa dalaga upang siya’y lumigaya, magpaligaya sa kanyang lalaki, at maging malayo sa iskandalo.  Ituturing na ng apat na bunsong kapatid si Ina, subali’t sasalungatin ang mga turo ni Georgia ng mapusok na si Chloe na walang pakundangang iginigiit ang kanyang mga kagustuhan sa lalaki niya.
Makakatayong mag-isa ang pelikulang Etiquette for Mistresses kahit hindi ihambing sa orihinal na nobela ni Jullie Yap-Daza na pinaghanguan nito.  Sa kalakhang bahagi ng pelikula, makatotohanan ang pagsasalarawan nito ng mga hirap-at-sarap ng pagiging isang “Number 2” ng mga lalaking nakaaangat sa buhay. Nagampanan nang mahusay at may damdamin ng mga pangunahing artista ang kani-kaniyang mga papel, gawa na rin marahil ito ng magaling na pagdidirihe ni Chito Roño.  Sa mga tanging dialogue ay mababakas ang kagustuhang maghatid ng aral ng pelikula sa mga kababaihan, kabit man o hindi.  May mga bahaging biglang nakakabingi ang tunog, at hindi rin gasinong pulido ang editing ng ilang parte.  Nagsimulang “solid” at matatag ang pelikula ngunit sa bandang huli’y “nagkalat” ito, nagsanga-sanga ang kuwento, hanggang sa katapusang “hinog sa kalburo”, ika nga.   
Ang tinatawag na “etiquette” sa pelikula ay kabutihang asal para lamang sa mga nakikiapid na nasa mataas na antas ng lipunan, at ang pakay ng mga babaeng ito ay ang iwasan ang iskandalo upang magtagal ang relasyon sa lalaking may asawa.  Parang sinsasabi nitong “Okey lang maging kabit basta alam mong hindi ikaw ang asawa, at kumilos ka nang naaayon.”  Sa tunay na buhay, maaaring walang matatawag na “etiquette for mistresses” para sa mga taong walang reputasyong iniingatan, mga uring “nangangaliwa” nang hantaran, at mga relasyong nagwawakas sa lagim tulad ng mga nababasa sa mga tabloids—ngunit mataas man o mababa ang lugar nila sa lipunan, pareho lamang silang nakapiit sa bawal na pag-iibigan.
Hindi kinukunsinti ng Etiquette for Mistresses ang pakikiapid, bagkus tinatangka pa nitong ipaalala—matapos nitong silawin ang manunood sa mga karangyaang tinatamasa ng mga kabit—na ito ay isang kamalian na dapat iwasan.  Marahil sa tindi ng kagustuhan nitong iparating ang positibong mensaheng iyon, kasama na rin ang pagnananais na kilitiin pa-more ang movie fans, sumobra naman ito.  Higit sanang kapani-paniwala kung tinuldukan na lang ang kuwento sa matapat at marubdob na desisyon ng mga kabit na talikuran ang baluktot na daan.  Pero hindi ganon ang nangyari—hinabaan pa, pinalabukan pa ng mga pangyayaring minadali at hindi ipinaliwanag, naglaho tuloy ang init ng mensahe, parang lumamig at nanigas na hot pan de sal.    
Bakit hinihimay ng CINEMA ang mga bagay na ito?  Tungkulin nitong magbigay gabay sa balana upang maging mapanuri at mapag-isip ang tao sa panonood ng sine.  Ang pagbabagong buhay ba ay ganoon lamang kasimple at kadali, parang switch ng ilaw, isang kalabit lang ay magliliwanag na?  Paano na ang mga nasugatang damdamin, mga nawasak na pag-aasawahan, mga nagkalamat na tiwala? Ano kaya ang aral na maiuuwi ng mga manunood na buong-tahimik na sumaksi sa sampalan nila Kris at Claudine, pero nagtilian nang walang mayaw nang biglang pumasok sa eksena si Piolo Pascual?  Kumita ng 15-milyong piso ang Etiquette for Mistresses sa unang araw ng labas nito.  Ilan sa mga nanood sa unang araw ang naliwanagan ng pelikula tungkol sa pag-ibig?   
Tungkol sa tema nito, mayroon pang nais bigyang-liwanag ang CINEMA—ito’y may kinalaman sa winika at binigyang-diin ng isang babae tungkol sa relasyon nila Stella at Ambet: ito diumano ang “love”.  Love?  Talaga?  Hindi po minamaliit ng CINEMA ang “love” na namagitan sa isang abogadang iniwan ang pananagutan sa korte upang arugain ang isang lalaking nilisan ang kanyang pamilya at piniling pumanaw sa piling ng kabit.  Ang sa kanila’y isang uri ng pag-iibigan, oo, ngunit pag-iibigang mapanira, naghahatid ng dalamhati at poot sa mga kinauukulan.  Ito ba ang ninanais ng Panginoon para sa atin?  Ang pakikiapid, ang pagnanasa o pagsiping sa hindi mo asawa—ano man ang itawag dito, wisikan man ito ng pabango at itubog sa ginto—ay pakikiapid pa rin, isang paglabag sa kalooban ng Panginoon.  May higit pang dakilang pag-ibig ang inilaan ng Lumikha para sa tao, isang pag-ibig na isinasa-alang-alang ang Diyos, walang bahid ng pagka-makasarili, nag-uugat sa katotohanan at nagbubunga ng kabutihan.