DIRECTOR: Brillante Mendoza LEAD CAST:
Jaclyn Jose, Julio Diaz, Mon Confiado, Baron Geisler, Jomari Angeles,
Felix Roco, Andi Eigenmann WRITER: Troy Espiritu PRODUCER: Larry Castillo EDITOR:
Diego Marx Dobles MUSIC: Teresa
Barrozo CINEMATOGRAPHER: Odyssey Flores PRODUCTION COMPANY: Center Stage Productions DISTRIBUTOR: Films Distribution,
Paris GENRE: Drama LANGUAGE:
Pilipino LOCATION: Manila slums RUNNING TIME: 110 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating:
V18
MTRCB rating:
R16
Isang maliit na tindahang
sari-sari lamang ang pinagkakakitaan ng mag-asawang Rosa at Nestor Reyes (Jaclyn
Jose at Julio Diaz), may apat na anak sila at nakatira sa isang squatter area sa Maynila. Upang madagdagan ang kinikita, nagtitingi
sila ng droga sa ilang mga kapitbahay. Lulusubin
ng pulisya ang kanilang bahay at sa kabila ng kanilang pagmamaang-maangan,
matatagpuan ng mga alagad ng batas ang kahong taguan nila ng shabu. Nakaposas na kakaladkarin ng mga pulis ang
mag-asawa sa presinto, at hihihimukin silang makipag-areglo na lamang—hihingan sila
ng mga ito ng 200,000 libong piso kapalit ng kanilang paglaya. Pagka’t wala naman silang gasinong naiipon,
papayag sila sa alok ng mga pulis na ituro na lamang ang kanilang pinagkukunan
ng droga—si Jomar (Kristofer King)—para ito ang dakpin at siyang managot. Bagama’t maibababa sa 100,000 piso na lamang
ang hinihingi ng mga pulis, ang makakaya lamang ibigay ng asawa ni Jomar ay
50,000. Walang magagawa ang mag-asawang
nakakulong kungdi ang umasa sa mga anak; sa kagustuhan namang makalaya ang mga
magulang, kung anu-anong paraan ang papasukin ng mga bata para makalikom ng
halagang inaasahan ng mga buktot na pulis.
Unang tatambad sa paningin ng
manonood sa Ma Rosa ang maalog na
kuha ng kamera, bagay na sinadya upang higit na maging “tunay na buhay” ang
dating ng salaysay. Pagka’t sinikap ni
Mendoza na mag-mukhang isang dokumentaryo at maging makatotohanan ang anyo ng
pelikula, hindi kinailangan ng Ma Rosa
ang mga eksena o tanawing makapigil-hininga sa ganda. Ang mga manonood na medaling mahilo o hindi nakakaunawa
sa layuning ito ay hindi rin makakatagal sa ganitong patalbog-talbog na mga
imahen, at malamang ay mawalan din agad sila ng interes sa inilalahad ng
pelikula. Sayang, sapagka’t napapaloob
sa kabuuan ng kuwento ang malaking bahagi ng puwersa ng Ma Rosa.
Ang tema ng droga at ang
pagiging ganid at mapagsamantala ng ilang mga pulis ay hindi na bago o naiiba
sa mga pelikula ngayon, ngunit dahil sa maigting at taos-pusong pagganap ng mga
artista, nabigyang-buhay ang Ma Rosa—nabigyan
ito ng sapat na galaw at hininga upang sundutin ang kaisipan ng mga manunood at
magtanong ng “Ito kaya talaga ang nangyayari sa kapaligiran natin ngayon?”
Sa kabila ng magaling na
pagganap ng mga nangunguna sa cast,
namumukod-tangi pa rin ang husay ni Jose bilang si Rosa. Dalisay at buong-buo ang pagsasalarawan ni
Jose sa katauhan ng bidang biktima; habang sinusundan mo ang mga pangyayaring
kinasasadlakan ni Rosa, hindi man lamang sasagi sa isip mo na “si Jose iyan at
umaarte lang siya dahil hanapbuhay niya iyan”.
Sa igting ng kanyang pagganap, kinilala ang kakayahan ni Jose ng mga
hurado sa Cannes Film Festival—mga batikan sa larangan ng pelikula—at itinanghal
siya bilang Best Actress sa taong
2016, ang kauna-unahang aktres mula sa Timog-Silangang Asia na tumanggap ng Palme d’Or mula sa pinaka-prestigious film festival sa buong
mundo.
Sa kagustuhan marahil ni Mendoza
na tutukan ang corruption sa hanay ng
mga pulis, iniwasan na ng Ma Rosa na
sisirin pa ang mga motibo ng mga tauhan sa kuwento—ang nanaig ay ang pagpapakita
ng kagipitan ng pamilyang Reyes sa kamay ng mga pulis at ang paglapat nila ng solusyon
dito. Pagkat hindi naipakita kung ano
ang maaaring mangyari kung hindi makakalikom ng sapat na halagang pang-areglo
ang pamilya, nagkulang sa tension ang
situasyon: tila siguradong-sigurado sila na “maareglo” lamang nila ang mga
pulis ay malaya nang muli ang mag-asawa, tapos na ang problema.
Gawa ng mga “bungi” ng
pelikula, o sa kabila ng mga ito, maraming maaaring pag-usapang issues sa Ma Rosa. Ilan sa mga katanungan
ng mapanuring manunood ay: “Tama o makatuwiran ba na ipagamit ng binatilyong si
Erwin ang kanyang katawan upang kumita ng iaambag sa pang-areglo sa pulis? Sa ipinakitang eksena sa kama at sa bayaran
matapos ito, lumalabas na tila hindi na bago ang karanasang iyon kay Erwin—batid
kaya ito ng kanyang mga magulang? Hindi
kaya pagsimulan ito ng bagong problema sa pamilya, kung hindi man ng isang uri
ng adiksiyon para kay Erwin?
Ngunit sa kadulu-duluhan, mapapatawad
na rin ang mga kakulangan at kalabisan ng pelikula. Halimbawa, ang kakulangan ng delikadesa sa labis
na mahaba at buyangyang na eksena ng pagsisiping ng dalawang lalaki ay tatapatan
naman ng banayad na pamumukadkad ng katotohanan sa mga huling sandali, kung
kailan—habang binubusog ang sarili sa pagnguya ng fishball at pagmamasid sa isang pamilyang nagsasara ng kanilang munting
tindahan sa bangketa—si Rosa ay luluha.
Walang salita, walang tunog, walang musika—luha lamang ng isang inang
nasa dilim.
Sino
ang makapagsasabi kung bakit lumuluha si Rosa?
Hindi pinalad ang CINEMA na tanungin si Mendoza tungkol dito, ngunit sa aming
palagay, magkahalong hapis at pagsisisi ang kahulugan ng pagluha ni Rosa. Matatag na babae si Rosa—hindi niya iiyakan
ang matinding pagod, ang malaking pagkakautang na hinaharap, o ang pang-aapi ng
makapangyarihan. Dahil sa kanyang
namasdang pamilya, tila baga nagbalik-tanaw siya sa panahon ng kawalang-malay: maliliit
pa ang mga anak nila, sa bangketa lang sila nagtitinda, masaya sila—at wala
pang droga sa buhay nila noon.