Director: Gino Santos Cast: Piolo Pascual, Dawn Zulueta, Colleen
Garcia Screenwriter: Jeff
Stelton, G3 San Diego Producer: Star Cinema Genre: Drama, Romance Location: Philippines Running time: 110
minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA Rating: V14
MTRCB Rating: PG13
Ipinapasyal
ni Christina Gonzales (Dawn Zulueta) ang kanyang aso sa isang mall nang bigla itong tatakbo at
dadambahin ang pagkain ni DJ Jaycee (Piolo Pascual). Magkakakilala silang dalawa at magkakalapit sa kabila ng
pagiging presko ni Jaycee kay Christina. Isang biyuda na nagsisimula sa clothing design business si Christina at
pamosong disk jockey o DJ sa disco bar naman si Jaycee; malaki ang
agwat ng kanilang mga edad. Magiging instrumento ang muling pagkikita nina Christina at ng dating kaklase na si
Angie (Carmi Martin) sa magiging
relasyon niya kay Jaycee. Hilig kasi ni Angie at ng mga amiga nitong mga PR ang mag istambay sa mga bar. Sasama lagi si Christina sa kanila
habang tinutulungan siya ng mga ito na pasikatin ang kanyang mga clothing designs. Magiging modelo niya
sa gawang kasuotan ang kaibigan at sexual
partner ni Jaycee na si Janine (Coleen Garcia).
May
kakaibang dating ang temang May-December
affair sa Love Me Tomorrow. May hatid itong kilig sa kabila ng malaking
agwat ng edad nina Zulueta at Pascual gayundin sa mga tauhan na kanilang
ginampanan. Kaabang-abang ang mga eksena at di predictable ang wakas. Subalit di ito nakaligtas sa tipikal na
wakas ng pelikulang Pilipino na may special
participation ng mga bagong partners
para feel good. Di mapapasubalian ang
husay ni Zulueta sa pagganap at magandang projection
niya sa screen. Bagay sa kanya ang karakter ni
Christina Gonzales. Samantala
medyo asiwa naman ang papel na ginampanan ni Pascual na preskong DJ pa din sa
edad na 35 at may ka-FUBU (f--k buddy) na 25 anyos. Ganun paman ay nabawi ng
mahusay na trato ng director ang ilang sablay sa pagtalaga ng tauhan sa kwento.
Makahulugan din ang palitan ng mga linya lalo na ang mga narration ni Christina Gonzales sa bandang huli. Maganda ang
disenyo ng produksyon pati ang mga sinematograpiya. Naipakita ang kaibahan ng mga sex scenes sa pagitan ng “FUBU” na tila nagpaparaos lang at ng
nagmamahalan na may passion. Mahusay ang mga inilapat na musika lalo na ang
pagtatampok sa theme song na Love Me
Tomorrow sa saliw ng remix. Akma rin ang tunog at ilaw.
Dahil ang pag-ibig ay isang damdamin na di
kumikilala ng tama at mali, pagkakataon ito na gamitin ang pag-iisip upang
maging maayos ang lahat para sa mga taong sangkot. Ang tunay na pagmamahal ay may pang-unawa, sakripisyo at
pagpapalaya para sa minamahal. Sa
lahat ng pagkakataon ay dapat maging mapagmatyag ang tao sa kani-kanilang
kahinaan. Ito ang hindi nangyari sa malaking bahagi ng pelikula sapagkat lahat ay bumigay at sinikap na lamang
isalba sa bandang huli. Salamat at umiral ang wisdom ng pagiging ina ni Christina bago natapos ang pelikula.
Nakababahala ang ipinakitang casual sex sa
pagitan ng magkaibigan at ng babaeng may edad sa mas bata sa kanila, pati mga
preskong salita ng isang lalaki sa babae na mas matanda sa kanya, sulutan sa
negosyo, at insecurities. Gayundin, maaring akalain ng mga
manonood na okay lang ang napakabilis na pagkahulog sa isang preskong DJ ng isang 50-anyos na biyuda
na maayos na nakapagpalaki ng mga anak at nagsisimula ng disenteng career. Sagana
sa vulgar words na iningles lang para “pa-class” ang dating. Alalayan sa paliwanag ang mga anak
ninyong manonood nito na may murang isipan, anuman ang edad.