DIRECTOR: Nuel Naval LEAD CAST: James Reid, Nadine Lustre,
Freddie Webb SCREENWRITER: Mel del Rosario MUSICAL DIRECTOR: GENRE: Romantic Comedy DISTRIBUTOR: Viva Films LOCATION: Philippines/Japan RUNNING TIME: 2 hours
Technical
assessment: 3
Moral
assessment: 3.5
CINEMA
rating: PG 13
Magkababata
sina Ava (Nadine Lustre) at Coby (James Reid), pero taon-taon lamang nagkikita
sila, tuwing bakasyon sa tag-init, pagkat ang lolo at tumatayong magulang ni
Coby (Freddie Webb) ay isang ambassador,
at sa iba’t-ibang bansa sila naninirahan.
Habang sila’y mga musmos pa, may lakip na pag-iinisan ang kanilang
pakikitungo sa isa’t-isa, pero sa paglakad ng panahon, kapag mga teenagers na sila, magsisimula silang
magkalapit, at paglao’y magkakaroon ng pagkakaunawaan bugso ng kanilang
pagiging dalaga at binata na nagsisimula nang maghanap ng isang espesyal na
nilalang na maaari nilang mahalin habang buhay. Sa kabila ng kanilang madalas na pag-uusap sa tulong ng internet, mamabutihin pa rin nila ang
personal na pag-uugnayan na mangyayari naman sa Japan, at lalong magpapatingkad
sa kanilang pagkakalapit.
Malaking
bagay na nakakadiskaril sa panonood ang hindi pagkakasabay ng tunog at pagbuka
ng bibig ng mga tauhang nagsasalita.
Hindi rin pantay-pantay ang lakas ng tunog sa pananalita—minsa’y sapat
lang, minsan naman ay biglang nakakabingi sa lakas. Dagdagan pa ito ng medyo malabong pagsingit ng flashbacks na nakakalito sa manunuod, at
lalong nagmumukhang kathang-isip lamang talaga ang inihahayag na kuwento sa
pinilakang-tabing—nababawasan ang likas na kapangyarihan ng istorya na
“pasakayin” ang mga tao sa pagkamakatotohanan nito. Gayunpaman, nananaig pa rin ang tambalang “Jadine” sa mga
eksenang maromansa—kilig na kilig ang mga manunuod, bigay-hilig ang paghiyaw
kapag nagkakalapit na ang mga bibig ng binata at dalaga sa bawa’t halik. Kaaya-aya ring masdan ang mga eksenang
kuha sa Japan; nakapagbubukas ito ng isip tungkol sa kakaibang kultura nito.
Maraming
inihahantad na mabubuting bagay ang This
time. Isa na rito ay ang
kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang pakikitungo ng mga miyembro ng pamilya
sa isa’t isa. Sa anumang
pagkakataon, lalo na sa panahon ng kalituhan o kalungkutan, ang suporta at
katapatan ng isang maunawaing pamilya ang ang umaalalay sa isang tao. Ang mga matatag at malusog na relasyon,
sa pamilya man o sa labas nito, ay nakasalalay sa paggalang, sa kalawakan ng
isip, at sa katapatan ng bawa’t isa sa kani-kaniyang sarili. Itinatampok din ng This time ang pagiging kanais-nais ng isang malinis na relasyon sa
pagitan ng isang binata at isang dalaga, at ang kagandahan ng paghihintay sa
tamang panahon ng pagkakalapit ng mga puso. Dahil may mga close-up
na halikan sa pelikula, mungkahi ng CINEMA na ipaliwanag ito sa mga paslit na
inyong isasama sa sinehan—hindi halikan ang pundasyon ng pagmamahalan nila Ava
at Coby; bagkus ito ay sumisibol mula sa isang malinis na pagkakaibigang
nagsimula noong kapwa walang malay pa ang dalawa.