DIRECTOR: Cathy Garcia-Molina
EXECUTIVE PRODUCERS: Malou N. Santos, Charo Santos-Concio SCREENPLAY: Kiko Abrillo, Gillian Ebreo, Katherine
Labayen, Vanessa Valdez STARRING:John
Lloyd Cruz, Jennylyn Mercado, Richard Yap, Joel Torre, Maria Isabel Lopez GENRE:Romance, Drama, Comedy PRODUCTION COMPANIES: ABS-CBN Film
Productions, Inc., Star Cinema Productions
DISTRIBUTORS: Star Cinema Productions
COUNTRY: Philippines LANGUAGE:Tagalog,
English
RUNNING TIME: 122minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2
Cinema rating: V18
MTRCB rating: R13
Malapit nang maging
kapitang piloto si Uno (John Lloyd Cruz) at dito niya ibinubuhos ang kanyang
oras at lakas dahil wala naman siyang maituturing na pamilya. Malalasing siya
sa isang party at makaka-one night stand
ang isang babaeng hindi niya kilala. Makalipas ang tatlong linggo, may isang
babaeng magpapakilala at maghahabol sa kanya, si CJ (Jennylyn Mercado), na siya
raw ang ama ng dinadala nitong sanggol. Hindi agad maniniwala si Uno, ngunit sa
pagpupumilit at pagmamakaawa ni CJ, dahil wala na itong ibang malalapitan,
mapipilitan si Uno na patuluyin at pansamantalang patirahin si CJ sa kanyang
apartment habang hihintayin nito ang resulta ng paternity test para malaman
kung anak nga niya ang dinadala nito. Sa simulaĆ½ pawang malaking abala si CJ sa
buhay ni Uno, ngunit kalaunaĆ½ unti-unting mababago ang lahat habang nakikilala
nila ang isa’t-isa.
Isang makabagong tipo ng
romcom ang Just The 3 Of Us. Mapangahas ito sa aspetong pagtalakay sa pagiging
kaswal ng makabagong henerasyon hinggil sa gawaing sekswal sa paraang hindi
malaswa. Mahusay ang pagkakatagni ng kwento at may mga eksenang talaga namang
kabibiliban pagdating sa komposisyon, ritmo, at walang itulak-kabigin na
pagganap ng mga pangunahing tauhan na sina Cruz at Mercado na talaga namang
subok na sa ganitong larangan. Yun nga lang, naka-kahon pa rin sa nakasanayang
fomula ang pelikula at hindi pa rin ito makawala sa predictable na mga lihis ng kuwento. Tila ba, halata na agad ang
magiging kaka-labasang pagtatapos sa kabila ng sanga-sanga nitong pagliko (na
pawang inaasahan na rin gawa ng kumbensiyon at formula). Ganunpamandin, isa pa
ring aliw na panoorin sa kabuuan ang pelikula.
Bagama’t isang romantic comedy, masyadong sensitibo ang
tinalakay ng pelikula lalo na pagdating sa sekswal na relasyon at kaswal na pakikipagtalik.
Hindi ito ipinakita sa paraang kapupulutan ng aral, bagkus, ay pawang
kinukunsinti pa ang ganitong gawain bilang katanggap-tanggap. Bagama’t nariyan
ang sanga-sangang kuwento ng kanya-kanyang hugot ng bawat tauhan, tulad ng
masalimuot na kuwentong pamilya ni Uno at magulong buhay pag-ibig ni CJ, na
nagdala sa kanila sa isang pagkakamali, hindi pa rin malinaw ang naging
paninindigan ng pelikula ukol dito. Kahit pa hindi malaswa, may mga
nakakabahala pa ring mga eksenang biswal na talaga namang sinasaromantiko at
ginagawang senswal ang one night stand. Maaari naman itong natalakay nang may higit
na pag-iingat ngunit iba ang pinapakita ng mga eksenang ito. Nakakabahala ito
sa maraming kadahilanan – una, may batang karakter sa pelikula na mahaba-haba
at tila mahalaga ang papel na ginampanan. Siya mismo ay hindi pa karapat-dapat
na mapanood ang kabuuan ng sarili niyang pelikula dahil sa maselan nitong tema
at maselang pagtalakay rito. Pangalawa, sa R13 nitong MTRCB rating, maraming
mga teen-ager at kabataan ang makakapanood nito. Hindi ito magiging magandang
halimbawa sa kanila at nakakababahala na gagawin nilang eksperimento ang
pakikipagtalik sa labas ng konteksto ng kasal. Nangyayari sa totoong buhay ang
pinakita sa pelikula, oo, pero nararapat na maging malinaw ang mensahe kung ito
ba ay mabuti o masama. Hindi ito malinaw sa pelikula. Nagbibigay ito ng
baluktot at taliwas na paninimbang—gaya ng gulo sa pamilya, at kung anu-ano pa.
Mga dahilang tila hindi sapat. Naipakita sa pelikula na si Uno ay nagkaroon ng
magandang kinabukasan bagama’t iniwan siya ng kanyang ama. Patunay na hindi ang
nakaraan ng isang tao ang maghuhubog na kanyang karakter at kinabukasan. Si CJ
na nasa magandang pamilya ay nakagawa pa rin ng pagkakamali. May pagsisisi sa
bandang huli, ngunit pawang hindi sapat at hindi sinsero ang pelikula ukol
dito. Sa kabuuan, higit na sinasaromantiko ng pelikula ang “casual sex” bilang makabagong
pagsasalarawan ng pag-ibig. Ito ang dahilan kung kaya’t minamarapat ng CINEMA
na ang Just the 3 of Us ay naaayon lamang
sa manonood na may edad 18 pataas.