Thursday, May 7, 2015

Kid Kulafu


DIRECTOR: Paul Soriano  LEAD CAST: Robert Villar, Alessandra de Rossi, Cesar Montano  SCREENWRITER: Froi Medina  PRODUCER:  Marie Pineda  EDITOR: Mark Victor  GENRE: drama [biographical]  CINEMATOGRAPHER:  Odysse Flores  DISTRIBUTOR: Star Cinema  LOCATION:  Southern Philippines  RUNNING TIME:  70 mins.
Technical assessment: 3.3
Moral assessment:  3.5
CINEMA rating: V14
       “Before Manny Pacquiao, there was Kid Kulafu”—ito ang mensaheng nasa mga poster ng pelikulang Kid Kulafu.  Inilalahad ng Kid Kulafu ang dinanas na paghihirap ng “Pambansang Kamao” na si Manny Pacquiao—ang mga pagsubok at pasakit na bumalot sa kanyang buhay, kasama ng amang manhid at ng inang matatakutin bagama’t deboto.  Sa kabila ng lahat, hindi naglaho ang pangarap ng batang Emmanuel na umangat sa buhay at iahon ang kanyang pamilya mula sa kahirapang dinaranas.  Nang matuklasan ng batang Pacquiao na siya ay may kaibang kakayahan sa suntukan, ginamit niya ito bilang hagdanan upang marating ang pangarap nang buo ang loob at walang walang lingon-lingon, kahit na sa harap ng malalaking balakid.
       Sa simula pa lamang ng pelikula ay mababakas na ang kakaibang kalidad ng Kid Kulafu—mahusay ang potograpiya, ginagawang kapanapanabik ang istorya.  At bagama’t may mga “mabibigat” na eksena (tulad ng paglalabanan ng military at rebelde), ang mga ito ay “pinaraan” lamang at hindi pinalawig upang manipulahin ang damdamin ng manunuod.
       Kahanga-hanga ang pagganap ng mga artista, lalo na nila Alessandra de Rossi na bigay-todo ang pagsasalarawan kay Dionisia, at Buboy Villar na sadyang pumailalim sa pagsasanay bilang boksingero at nagbigay-buhay sa batang Pacquiao na hindi nakilala ng publiko.  Ang matalinong paggamit din ng mga simbulo ay nakatulong sa makinis at malalim na pagbubuo ng salaysay.
       May ilang mga kritikong iginigiit na hindi isang lehitimong pelikula ang Kid Kulafu kungdi isang advertisement, isang anunsiyo, at ang ibinebenta nitong produkto ay ang “pambansang kamao” na hindi na naman kailangang ibenta diumano pagkat “mabili” na ito.  Maaari ngang walang isang “cinematic plot” na matuturingan ang Kid Kulafu ngunit kung isasa-alang-alang natin ang layunin ng pelikula, tama ang ginawang hagod at habi ng direktor (Paul Soriano).  Pagkat naging pakay ng “biopic” na Kid Kulafu na ituon ng manunood ang kanilang pansin sa papel na ginampanan ng tadhana sa buhay ni Emmanuel Pacquiao, hindi ito umasa sa isang tradisyonal na sangkap tulad ng “plot” upang mabuo—sa halip, tinuhog nito nang buong husay ang ilang mga pangyayari, karanasan, at eksena sa buhay ng Pilipinong idolo upang palitawin na ang paglalakbay ni Pacquiao tungo sa rurok ng tagumpay ay iginuhit ng tadhana.
     Tiyak na may ilan ding mahahalagang pangyayari sa buhay ni Pacquiao ang nalaktawan sa ginawang pagtatagni-tagni ni Soriano sa Kid Kulafu, at ang pagtatapos ng pelikula sa pagtatagumpay ni Pacquiao bilang boksingero, ngunit dapat alamin ng manunood na hindi isang dokumentaryo ang Kid Kulafu; bagkus, ito ay isang salaysay sa nais magbahagi ng pag-asa at inspirasyon sa mga makakapanood nito, lalo na’t kung sila ay nasa abang kalagayang tulad ng kampeyon noong kanyang kabataan.  
       Hindi maikakaila na may mga magagandang “values” na lumutang sa Kid Kulafu, tulad ng pagiging masunuring anak (ni Manny), kababaang-loob, pagmamahal sa pamilya, matatag na pagtitiwala sa Panginoon, disiplina upang matamo ang tagumpay.