LEAD CAST: Sarah Lahbati, Julian Trono and Shy Carlos DIRECTOR:
Erik Matti SCREENWRITER: Charlene Esguera PRODUCER: EriK Matti & Katski Flores MUSICAL DIRECTOR: Francis de Vera GENRE: Horror DISTRIBUTOR: Viva Films, Reality Entertainment LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 97 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment:
2
CINEMA rating:
V18
MTRCB rating: R13
Isang “inactive”
na pulis si Ruth (Sarah Lahbatti), at namamahinga sa Barangay Dalisay. Palaging laman ng isip ni Ruth ang kapatid
niyang si Erik, as tila plagi niyang sinusulatan at inuunawa kahit hindi ito
sumasagot. Galing sa isang simbahan,
lalapitan siya ng teenager na si (Julian Trono), at papakiusapan siya nitong
tulungan ang kanyang malaking “crush” na si Leah (Shy Carlos) na tila
sinasaniban. Bagamat nayayamot sa
kakulitan ni Gabriel, mapupukaw ang kalooban ni Ruth na dumamay nang masaksihan
niya ang tangkang pagpapakamatay ni Leah na tatalon mula sa balkonahe ng
kanilang bahay. Kasama si Gabriel, magiimbestiga si
Ruth sa kaso nang malaman nilang sinugat-sugatan din ni Leah diumano ang yaya
nitong si Rosario bago siya tumalon.
Lalawig ang pag-iimbestiga ng dalawa at may mauungkat sila tungkol sa
isang kulto. Ano ang kinalaman ni
Rosario, ng isang pari, ng isang madre, sa pagsanib na nangyayari kay Leah?
Kahindik-hindik
ang simula ng pelikula, at agad ay iisipin mong kakaiba itong horror movie—hindi nagtutumili, pero
nakakakaba. Magaling ang cinematography, musika at editing ng pelikula, nagtulong-tulong
sila upang mabuo ang “atmosphere”.
Dinala ng mahusay na pagganap ni Carlos, Lahbati at Trono ang kuwento
mula simula hanggang katapusan. Ngunit
sa hindi matukoy na paraan, hindi mahawakan ng pelikula ang interes o simpatiya
ng manonood sa kanyang kabuuan. Maraming
bagay na dahil salat sa katuwiran o lohika ay nakakawalang-gana nang
sundan. Maaaring humanga na lamang tayo
sa galing mag-“emote” ng mga artista, pero ano ang saysay ng kuwento, at ng mga
umano’y lihim na isinisiwalat ng ano man yaong espiritung sumasanib kay Leah?
Maaaring gustong sabihin
ng Ang Pagsanib kay Leah de la Cruz
na ang mga kasawiang-palad na nangyayari sa tao ay nanggagaling din sa kaniyang
sarili—sa kamangmangan o pagkukunwari—na ang isang tao ay “minumulto” ng
kanyang lihim, maging ito man ay isang kasalananan o nakaraang hindi
maiwanan. Ngunit ang bagay na ganitong
kalalim ay hindi matagumpay na mabibigyang katuwiran ng isang pelikulang gumagamit
ng ideya ng “pagsanib” ngunit wala namang malinaw na iginagawad na paliwanag o
lunas upang ang manonood ay maniwala sa katotohanan nito at mag-isip kung paano
ito pupugsain upang ang manaig at lumutang ay ang likas na lakas ng loob ng tao
na nilikhang kawangis ng Maykapal. Gawa
ng malagim na sinapit ng mga tauhan—kahit na ang inaakala nati’y “matibay” sa
kanila—binigyan ng pelikula ng labis na kapangyarihan ang puwersa ng kadiliman. Walang kapatawarang nasasalamin sa kuwento. Hindi mabuting panoorin dahil baka paniwalaan
ng mga murang isipan.