CAST: Jeorge Estregan, Carla Abellana, Philip Salvador, Baron Geisler, John Regala, Ronnie Lazaro, Robert Arrevalo, Perla Bautista; DIRECTOR: Tikoy Aguiluz
SCREENWRITER: Roy Iglesias, Rey Ventura; PRODUCER: EDITOR: MUSICAL DIRECTOR; GENRE: Action, Drama; CINEMATOGRAPHER: Carlo Mendoza; DISTRIBUTOR LOCATION: Tondo, Manila; RUNNING TIME: 120 minutes
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2
Cinema Rating: For viewers 18 years old and above
Ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story ay isang pagsasadula ng buhay at kapanahunan ng gang leader na si Nicasio Salonga na naghari sa Tondo mula noong dulo ng mga 1940s hanggang Oktubre 1951, nang siya ay paslangin ilang araw bago dumating ang kanyang ika-27 taong kaarawan. Lagi na lamang ipinag-aalala si Asiong (George Estregan, Jr.) ng kanyang maybahay na si Fidela (Carla Abellana), at ng kanyang mga magulang (Robert Arevalo at Perla Bautista), nguni’t hindi magpapaawat si Asiong. Gusto niyang patalsikin ang ibang mga siga sa Maynila na diumano’y nang-aapi sa mga mamamayan ng Tondo. Kabilang sa mga ito ay sila Totoy Golem (John Regala) at Boy Zapanta (Ronnie Lazaro). Nahuhulog ang loob ng mga taga-Tondo, lalo na yaong mga kinikikilan ng mga karibal ni Asiong na kilala naman bilang matulungin sa mahihirap, isang makabagong “Robin Hood”. Mamaliitin nila Golem at Zapanta ang bagitong si Asiong, ngunit hindi susuko si Asiong, gagamitin ang husay niya sa baril at basag-ulo upang mangibabaw at taguriang “Hari ng Tondo”.
Ito ang ikaapat na bersiyon ng kuwentong-buhay ni Asiong Salonga na isina-pelikula na mula pa noong taong 1961. Hindi kami pinalad na mapanood ang mga naunang bersiyon, pero marami kaming masasabi tungkol dito sa pang-apat na siya namang nanalong Best Picture sa MetroManila Film Festival (MMFF). Sa larangang teknikal, malaki ang lamang ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story sa mga katunggali nito sa MFF; anupa’t halos lamunin na nito ang iba’t ibang awards ng MMFF 2011. Sadyang mahusay ang pagkakagawa ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story subali’t hindi ito nangangahulugan na walang kapintasan ang pelikula. Maganda siyang panoorin, basta’t hindi ka na mag-iisip o magtatanong.
Ginawang black and white ang pelikula para mas maging mukhang lumang istorya talaga—tipo bang kapani-paniwala, parang documentary noong wala pang Technicolor, okey. Nagsilbi din yung black and white para hindi masyadong maging mukhang madugo ang pelikula—dahil ang istorya’y pulos barilan, saksakan, patayan, umaagos ang dugo na tila ba galing sa sirang boke-sendyo. Kung nagkataong Technicolor ang pelikula, baka masuka na ang manonood sa dami ng dugo, kahit na nga ba isiping mong ketsap lang yung dugong iyon.
Kahanga-hanga ang galing at tamang-tamang paglapat ng sounds at lighting: hindi tulad ng karaniwang pelikulang Pilipino na minsa’y sobrang dilim at minsan nama’y nakakabulag na sa liwanag na wala sa lugar, at magkaminsay biglang nakakabingi sa lakas ng tunog, maging salita man o musika. Wala ang mga kapintasang iyan sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.
Kapansin-pansin din ang mga piling-piling tugtugin na inilapat sa iba’t ibang bahagi ng pelikula. Sa totoo lang, hanggang ngayo’y humuhuni pa kami ng Mad World—isang tugtuging paborito namin lalo na’t kung instrumental piano and cello ang pakikinggan—na siyang background music sa libing ni Asiong. Editing at script, maayos din, makinis, tulad ng screenplay.
Sa pagganap naman ng mga pangunahing mga tauhan ay wala din kaming masasabi kundi tila “kinarir” na talaga ng mga artista ang pagiging mga sanggano: totoong-totoo. Pero si Carla Abellana, magaling sana mula simula pero nasira sa bandang huli, noong nakaupo siya sa tulay at nasa kandungan niya ang pinaslang na asawang si Asiong: umiiyak siya pero parang masyadong maingat, kulang sa emosyon, parang ayaw maduguan, o kaya’y ayaw pumangit sa hagulgol, halata mo tuloy na umaarte lang, artipisyal ang hinagpis. Kasi naman, masyadong pinorma ng direktor ang eksenang iyon, nagmistulang pekeng Pieta tuloy. Minsan, sa kagustuhang maging perfect ang cinematography, nasisira ang katotohan.
Ang tinutukoy naming mga pagkukulang ng pelikula ay, una, ang takbo ng istorya: parang ang daming nilaktawang mahahalagang parte, kaya nagmukhang patse-patse. Walang hibla na magdudugtong-dugtong at magbibigay saysay sa takbo ng mga pangyayari. Sana, nilapatan man lamang nila ng konting mga petsa, para nasusundan ng manonood ang mga tunay na pangyayari. Hindi rin maliwanag kung ano ang tunay na motibo ng mga tauhan, kung bakit nila ginagawa ang mga ginagawa nila (maliban sa gusto nilang maghari), o kaya’y kung saan napupunta ang salaping nakikikil nila (Golem at Zapanta).
Pagtatakhan mo rin kung ganoon bang kagarbong magbihis ang mga sanggano ng Tondo nung panahon ni Asiong—paki-research nga. Si Asiong mismo ay mahilig mag-Amerikanang puti at tango shoes, walang pinagkaiba sa isang asendero. Paki-research nga ulit.
Parang hindi rin kapani-paniwala na ang babae ni Asiong ay isang takilyera lamang sa sinehan samantalang sa ganda niyang mala-Paraluman ay puwede na siyang maging artista sa Hollywood noong mga panahong iyon.
Pero ang talagang “pinaka” sa aming mga pintas sa pelikula ay ang idad at hitsura ng gumanap na Asiong. Ilang taon na ba si George Estregan, Jr.? Kahit na may hawig siya sa tunay na Asiong, kahit na kulapulan mo pa siya ng makeup, ay hindi pa rin siya magmumukhang 27 anyos—edad ng pagkamatay ni Asiong Salonga. Mukha tuloy silang mag-ama ng asawa niyang si Fidela. Dahil dito, nakasira sa pagiging makatotohanan ang pelikula. Galit ang mga nakatatandang gang leaders kay Asiong, na sa simula pa lang ng pelikula ay nilalait na nila dahil may gatas pa ito sa labi ay nag-aambisyon nang maging hari. Pero ang tinuringang may gatas pa sa labi ay mukhang 48-anyos na. Ang epekto ng eksenang ito sa manonood ay, “Teka, hindi ba 27 namatay yung Asiong; eh di, mga 20-23 pa lang siya dito siguro nung binubugbog siya ng mga gang leaders at hindi pa siya kingpin?”
Sa gawing moral naman, gusto lamang balaan ng CINEMA ang mga manonood hinggil sa pagiging “makinis” ng pelikula. Maaaring dahil sa ganda ng pagkakasa-pelikula ng buhay ni Asiong ay tingalain na siya bilang isang dakilang karamay ng mga dukha. Tandaan natin na ang “bida” sa pelikula ay isa ring “kontrabida” sa tunay na buhay; katulad ng mga katunggali niyang sanggano, siya ay mamamatay-tao rin kahit na ipinta pa siya ng pelikula bilang isang “mabait” na gang leader o kampiyon ng mga naaapi. Ang mga kriminal na walang pasubaling pumapatay ng tao para busugin ang kanilang mga ambisyon ay hindi dapat itinataguyod bilang mga bayani. Pagkat ang sarili lamang nilang mga pagnanasa ang mahalaga sa kanila, ayaw nilang pasaklaw sa batas, at nagiging sanhi sila ng kaguluhan sa lipunan. Kung papaslangin mo ang iyong mga kaaway (para lamang “makatulong” ka sa mahihirap), paano naman yaong mga pamilya at mahal sa buhay ng mga taong pinaslang mo?
Matapos ang panonood, narinig namin ang isang lalaki na nagsabing, “Para ka lang nanood sa television!” Tuloy naisip namin, bakit kaya gumagawa tayo ng ganitong mga pelikula na gumagawang kaakit-akit sa krimen?
Just like the first version, which was released in 1961 starring former President Joseph Estrada (the second, with Rudy Fernandez, in 1977 and the third, with George Estregan Jr., in 1990), the current one is filmed in black and white purportedly to capture the look and mood of Asiong’s era.