Friday, December 30, 2016

Die Beautiful

DIRECTOR: JUN ROBLES LANA  LEAD CAST: PAOLO BALLESTEROS, CHRISTIAN BABLES, GLADYS REYES, JOEL TORRE  SCREENWRITER:      RODY VERA  PRODUCER:  JUN ROBLES LANA, FERDINAND LAPUZ  EDITOR:  BEN TOLENTINO  MUSICAL DIRECTOR:  BEN GONZALES  GENRE: COMEDY, DRAMA  CINEMATOGRAPHER:  CARLOS MENDOZA;  DISTRIBUTOR:  REGAL FILMS 
Technical assessment:  3
Moral assessment:  2
CINEMA rating:  V18
Mula pa sa pagkabata, pangarap na ni Trisha (Paolo Ballesteros) na maging isang “beauty queen” sa mundo ng mga bakla.  Hindi matanggap ng ama ang pagiging bakla ng anak pagka’t ang tingin niya rito’y bagay na nagdadala ng kahihiyan sa kanya bilang ama at sa kanyang pamilya.  Darating ang panahong tatahakin ni Trisha ang lahat upang makamtan ang matayog na pangarap, at sa kanyang paglipad, katuwang niya si Barbs (Christian Bables), kapwa niya bakla, kaututang-dila, at matalik na kaibigan mula pagkabata.  Bagama’t “masaya” pagka’t malaya niyang  tinutunton ang piniling daan, hindi rin magiging madali ang buhay para kay Trisha.  Ang huling hiling niya kay Barbs bago siya mamatay ay: sa bawa’t gabi ng kanyang lamay, ay palitan ni Barbs ang kanyang anyo upang magmukhang iba’t ibang artistang babae na kanyang pinili.    
Nagsimula ang pelikula sa video ng “acceptance speech” ng batang si Trisha na siyang nanalo sa isang “gay beauty pageant”.  Susunod na eksena: inaayos ang make-up ng isang bangkay upang maging kawangis ito ng aktres na si Angelina Jolie.  Maraming flashbacks sa Die Bautiful, bagay na dapat bantayan ng manonood upang mabuo niya ang palukso-luksong takbo ng kuwentong-buhay ni Trisha.  Magaling ang cinematography ng pelikula, at matapat ding isinalarawan ang totoong pangyayari sa “buhay-bading”—mula sa lengguahe hanggang sa mga mahahapding karanasan sa kamay ng ibang tao.  Matatawag na hindi pantay-pantay ang igting at kulay ng mga isinalarawang yugto sa Die Beautiful, bukod pa sa mga “butas” na tila iniwan na lamang sa imahinasyon ng manonood para matagpian.  Lalabas tuloy ng sinehan ang manonood na nagtatanong o nagtataka: Paano naging ganoong kagara ang setting at kasuotan ng mga batang bakla sa opening scene samantalang tutol ang ama nito sa kabaklaan niya?  Kung ito’y totoong nangyari, tiyak na may suporta ito ng ibang matatanda (halimbawa, ang lumikha ng gowns at entablado); kung ito nama’y larong-bata lamang (bahay-bahayan o bakla-baklaan kaya), di ba’t dapat ay halatang likhang-bata lamang ang mga damit at stage?
Sa kabuuan ng Die Beautiful ay nababakat ang tunay na layunin sa paggawa ng pelikula—ang makamtan ang pang-unawa at pagtanggap ng publiko sa kalagayan ng mga bakla sa ating lipunan.  Kahabag-habag ang estado ni Trisha sa kuwentong ito, pagka’t sa pagnanais lamang niyang matanggap ng pamilya at lipunan, ay gagawin niyang puhunan ang kanyang ganda kahit ito’y taliwas sa kanyang kasarian.  Nguni’t ang higit na nakapanghihinayang ay ang kakulangan ng panahon upang mahinog at mamukadkad ang katauhan ni Trisha at malampasan niya ang mga pagsubok sa kanya ng tadhana.  Masasabi nating ipinanganak siyang bakla, ngunit sa halip na may mag-akay sa kanya upang harapin ang sarili at makilala ang kanyang kaluluwa sa liwanag ng pananalig sa Diyos, ay nakulong lamang siya sa kumunoy ng pagmamahal ng mga kapwa bakla na natural lamang na kumukunsinti sa kanyang mga pangarap-bakla. 
Bilang mapanuring manonood, suriin natin kung ano ang malalim na mensahe ng mga pinanonood nating “entertainment.”  Nakakaaliw din ang Die Beautiful, ngunit inaaanyayahan nito tayong pag-isipan (lalo na ng mga may hilig maging bakla) kung ano ang ibinubunga ng mababaw na pagtanaw sa kanilang pagiging “kakaiba”: nandiyang libakin sila ng kapwa, itatwa ng magulang, pagtaksilan ng minamahal, pagsamantalahan ng mga lalaki; nandiyan ding manaig ang kanilang “pagkababae” at umampon sila ng batang aarugain sa paniniwalang liligaya sila dito, nguni’t hindi naman sila handa sa idudulot nitong pighati sa anak-anakan.
Sa pananaw ng CINEMA, ang Die Beautiful ay bagay lamang sa mga manonood na hinog ang isipan.  Kung kayo’y pinaninindigan ng balahibo gawa ng magagaspang na usapan, humanda kayo pagkat walang preno ang palitan ng patutsada ng mga bakla—baka sabihin ninyo’y binabastos kayo ng pelikula samantalang nagpapakatotoo lamang naman ito.  Noong manood kami ng Die Beautiful, may nakatabi kaming mga teenagers na (sa lakas ng mga comments nila habang nanonood ay natanto naming) doon lamang natutuhan ang tungkol sa anal sex.  Sa dalas ng pagpapakita rape scene, tiyak naming hindi basta malilimutan ng teenagers na iyon ang eksenang ito.  Ano pa man, nais lamang ng CINEMA bilang tungkulin nito, na ipaalala sa manonood at mambabasa nito na ang tao ay hindi dapat ikinukulong at sinusukat ng kanyang kasarian.  Sa turo ng Simbahan, ang tao ay nilikhang kawangis ng Maykapal—sa pagkilala natin ng ating sarili sa liwanag ng katotohanang ito magmumula ang wastong pagtugon natin sa mga pagsubok at hamon ng ating buhay.  Babae man o lalaki, o “alanganin”, lahat tayo ay minamahal ng Lumikha—tarukin nito sa ating puso at tayo ay mamumuhay nang maligaya at matiwasay at ayon sa Kanyang kalooban.  

Thursday, December 29, 2016

Enteng Kabisote 10 and the Abangers

Direction: Tony Y. Reyes;  Lead cast: Vic Sotto, Epi Quizon, Oyo Boy Sotto; Producer: Mavic Sotto, Orly Ilacad; Location: Metro Manila; Genre: Adventure-Comedy; Distributor: Octo Arts;  Running Time: 106 minutes;
Technical assessment:  1.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
Si Enteng (Sotto) ay isa nang matagumpay na negosyante at mapagmahal na lolo. Kaya lamang ay hirap siyang makipag-ugnayan sa kanyang anak na lalake. Mapipiltan siyang magpunta sa Bohol mag-isa para “mag soul-searching”. Sa kabilang dako, susulpot ang mga makapangyarihang nilalang na itinaboy sa Engkantadia sa pangunguna ni Kwak-kwak (Quizon) – na gustong maghari sa mundo sa pamamagitan ng isang Game App na may kakayahang kontrolin ang isip ng mga naglalaro nito.   Magtutulong sina Enteng, Oyo at mga Abangers—mga kapwa outcast ng Engkantadia na nakaabang kung gagawa ng kasamaan si Kwak Kwak—para iligtas ang mundo.
Halatang-halata na hinabol lang ng Enteng Kabisote and the 10 Abangers ang kikitain sana sa MMFF. Ang mga naunang pelikula ng Enteng Kabisote ay nakapagtatagpo pa sa diwa ng kasayahan ng Pasko at kapwa pelikulang kasali na hindi rin masyadong pinag-isipan. Pero ngayong hindi sila tinanggap sa MMFF, kita-kita ang pagkawalang kwenta ng pelikula. Magulo ang naratibo, malata ang pagganap, mababaw ang usapan, palasak ang pagpapatawa, at mababang uri ang produksyon. Ang alindog ng konsepto ng Okay Ka Fairy Ko na naging Enteng Kabisote ay ang pinagdaraanan ng isang ordinaryong asawang nadodomina ng biynan at asawang makapangyarihan. Pero matapos ang isang dekada (tila nga sa ikatlong taon pa lamang) ay unti-unti nang nilamon ng pormula at alindog ng takilya. Patalon-talon ang kuwento, kaya ang pelikula ay tila pinagdugtong dugtong na elemento lamang para umabot sa oras. Pilit na pilit ang pagkakasama sa kalahati ng artista rito. Baka nga mas naging malinaw ang kwento kung ang naiwan na lamang ay si Sotto at Quizon, lalo’t napakahirap panuorin ang walang buhay na pagganap ni Oyo at Alden at ang hindi maipwesto na tauhan ng barkadahan ng Eat Bulaga. Sa dami siguro ng kailangang bayarang artista ay naubusan na ng budget para maiayos ang produksyon, lalo ang special effect—na siyang dating nagdadala sa pelikula. Dalawang tanong ang nasa isip namin. Bakit ganito kababaw ang manunuod na patuloy na tumatangkilik sa mga pelikulang walang galang sa talino ng Pinoy? At bakit ganito kagahaman ang mga tao sa likod ng Enteng na walang galang sa sining ng industriya? Sana ay huling yugto na ito ng Enteng Kabisote.
Sinikap ng pelikula na mag-iwan ng dalawang mensahe.  Una ay ang paggalang sa mga magulang at ang halaga ng patuloy na pagsusumikap na maging buo at matatag ang relasyon ng anak sa ama sa paglipas ng panahon. Madalas nawawalan ng paggalang at pagpapahalaga sa mga magulang kapag may sarili nang buhay ang mga anak o hindi naaayon ang mga magulang sa pamantayan ng lipunan. Ikalawa, ang teknolohiya ay mainam at nakapagpapadali ng gawain pero kailangang kilalanin din ang panganib na dinudulot nito sa pagkatao, sa kalusugan at sa ugnayan. Ito ang mga aral na sinikap ipahatid ng Enteng Kabisote 10—sinikap, pero hindi naging matagumpay, pagka’t katulad ng hindi tamang pagkakaluto sa ampalaya, gaano man kasustansya ang ulam, ang tanging maiiwan at matatandaan ng kumain ay ang mapait na lasa nito.  Sa paningin ng nakararami, ang magandang mensahe ng pelikula ay maaaring natabunan na ng kababawan.  Wala mang malaswa o karahasan sa pelikula, hindi rin ito angkop sa mga may murang isipan dahil baka masanay silang tumanggap sa ganitong uri ng produksyon sa pelikula.



Saturday, December 24, 2016

Mano Po 7: Chinoy

DIRECTOR: Ian Loreños  LEAD CAST: Richard Yap, Jean Garcia, Enchong Dee, Janella Savador, Jana Agoncillo  SCREENWRITER: Senedy Que  GENRE: Family Drama  CINEMATOGRAPHER: Lee Meily  PRODUCTON COMPANY: Regal Entertainment, Inc.  DISTRIBUTED BY: Regal Entertainment, Inc.  COUNTRY: Philippines  LANGUAGE: Pilipino, English, Chinese  RUNNING TIME: 2 hours 10 minutes
Technical assessment:  3.5
Moral assessment: 4
CINEMA rating:  V13
Nakaaangat sa buhay ang pamilya ni Wilson Wong (Richard Yap), dala na rin ng kanyang sipag at pagpupunyagi sa negosyo, subali’t may isang bagay na ikinalulungkot ng kanyang asawang si Debbie (Jean Garcia), at mga anak na si Son (Enchong Dee) at Carol (Janella Salvador)—ang kakulangan ni Wilson sa panahong iniuukol sa pamilya, at ang katabangan nito sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanila.  Dahil dito, matututong magrebelde si Son sa pamamagitan ng barkada, paglalasing, at droga.  Bagama’t masunuring anak, si Carol naman ay hindi makakatagal sa kursong kinukuha para lamang mapaligaya ang ama.  Lalong bibigat ang dalahin ng pamilyang Wong nang matukso si Debbie sa isang binatang nakilala niya sa kanyang jewelry shop na itinayo naman niya para malibang at hindi damdaming masyado ang pangungulila sa asawang workaholic.
Nakagugulat na kinaya ng Mano Po 7: Chinoy na mahawakan ang atensyon ng manonood sa kabila ng karaniwang istorya nito.  Ang mga suliranin ng Wong family ay natatagpuan kahit sa anong pamilyang nasa gayong kalagayan, ano man ang lahi nila.  Ang nakakadagdag ng “Chinese flavor” dito ay ang dialogue na madalas ay sa wikang Chinese ang ilang eksena katulad ng dragon dance, mga parties o pagtitipon-tipon, ang pagdalaw sa mausoleum ng mga magulang ni Wilson na tipikal na makikita sa Chinese cemetery, atbp.  (Ipagpaumanhin po ninyo na hindi matiyak ng CINEMA kung Mandarin ba o anong dialect ang ginamit, o kung ang mga aktor ba talaga ang sumasambit ng mga linya nila o dubbed ito.)  Naging kapani-paniwala ang Mano Po 7: Chinoy dahil bukod sa mga tipong tsinito’t tsinita ang mga artista, ay isinapuso nila ang pagganap sa kani-kaniyang mga papel.  Kahit na medyo mabagal ang ibang eksena o kulang sa pagbibigay katwiran o lalim sa ilang mga pangyayari, hindi ka aantukin sa panonood pagkat dahil sa nakikita mong damdamin sa mga mukha, kilos at mata ng mga tauhan, ay hindi ka mahihirapang dumamay sa kanilang drama sa buhay.  May ilang pagkakataong halos ay maging “corny” o “melodramatic” ang pelikula ngunit sa husay na marahil ng direktor, hindi ito bumigay upang sapawan ang mensaheng nakapaloob sa eksena.

--> Pagka’t ipinakikitang mabuting pamilya ang mga Wong, gugustuhin ng manonood na walang mangyaring masama upang ito ay mawasak.  Masisiyahan naman ang manonood pagka’t iginagalang naman ng Mano Po 7: Chinoy ang mabuting hangarin ng bawa’t isa sa pamilya, ang kasagraduhan ng pag-aasawa, ang kahalagahan ng pagpipitagan sa mga magulang at nakatatanda, ang pang-unawa sa kahinaan ng tao, at ang pangangailangan sa hinahon at katapatan sa pagbubuo ng relasyon.  Bagama’t idinaan ang bawa’t isa sa kanila sa mga pagsubok, nanaig pa rin ang konsiyensya at pananalig sa kabutihan ng tao upang manumbalik ang kaayusan sa pamilya sa pamamagitan ng pagbabago mula sa kalooban ng mga tauhan.  Ang mga suliraning dinaranas ng pamilya, ano mang bigat, ay natural lamang na dumadating, at ang mga ito’y malalampasan nang walang bugbugan, sampalan, bantaan, murahan, gantihan—bagkus ay nagiging daan pa ito upang higit pang bumuting tao ang bawa;t isa.  Ayon sa Mano Po 7: Chinoy, hindi iyan imposible.